
Dalawang Tao ang Pinagtagpo ng Isang Litrato ng Bukang-Liwayway sa Facebook, Ano Kaya ang Inilaan sa Kanila ng Tadhana?
Tahimik na naghihintay si Axel sa isang sikat na fast food restaurant. Bagama’t kinakabahan ay mas nangingibabaw ang kaniyang kasabikan sa unang pagkikita nila ni Avi, ang dalagang nakilala niya sa Facebook.
Hilig ni Axel ang kumuha ng mga litrato. Minsan ay nag-post siya sa Facebook ng isang litrato ng bukang-liwayway na kinunan niya noong minsang nagbakasyon siya sa probinsya. Nagustuhan ni Avi ang nasabing litrato. Ni-like ito ng dalaga at nag-iwan din ito ng mahabang komento. Simula noon ay nagpapalitan na ng mga mensahe ang dalawa hanggang sa isang magandang pagkakaibigan ang nabuo.
Bagama’t matagal nang magkaibigan ang dalawa sa Facebook ay hindi pa rin nila talaga kilala ang isa’t-isa. Palibhasa ay pareho silang maingat at pribadong tao ay hindi sila nagpo-post ng sarili nilang litrato sa Facebook. Ang mga impormasyong nakasaad sa kanilang mga account ay hindi detalyado. Ang madalas na napag-uusapan ng dalawa ay tungkol sa kani-kanilang mga hilig: musika, pelikula at ang mga magagandang lugar sa iba’t-ibang panig ng mundo na gusto nilang mapuntahan. Ni minsan ay hindi nasasali sa kanilang usapan ang tungkol sa personal nilang mga buhay.
Mayamaya ay may isang magandang binibini ang lumapit sa binata. “Excuse me, Ikaw ba si Axel?” tanong nito. “Avi?” balik tanong ng binata. “Sa wakas at nahanap din kita,” pahayag ni Avi bago ito naupo sa silya. “Pasensya na at nahuli ako ng dating. Nasira ang selpon ko. Dinala ko muna sa pagawaan. Ang akala ko ay madadalian akong mahanap ka dahil ang sinabi mo sa akin kagabi ay orange na T-shirt ang isusuot mo. ‘Di ko naman inakala na uso pala ang kulay kahel ngayon. Lima kayong lalaki na naka-orange na T-shirt dito. Ikaw ang huling lalaking nilapitan ko,” dagdag pa ng dalaga.
Mag-lilimang oras nang magkasama ang dalawa. Naglilibot-libot sa mall, nagkukwentuhan at kumakain sa mga stalls. Habang tumatagal ay hindi maiwasan ni Axel na maalala ang kaniyang crush noong hayskul pa lamang siya. Ang babaeng itinuturing niyang kaniyang “first love.” Maraming kasing pagkakahalintulad and dalawa. Masayahin, pala-ngiti, mabait, matulungin, makwento at higit sa lahat pareho nilang paborito si Hello Kitty. Sayang nga lang at hindi nabigyan ng pagkakataon ang lalaki na ipahiwatig ang kaniyang nararamdaman. Torpe kasi siya noon. Maliban pa roon ay langit at lupa ang pagitan nilang dalawa. Nabibilang kasi si Axel sa grupo ng mga baduy manamit at walang kabuhay-buhay kasama samantalang nabibilang naman sa grupo ng mga sikat sa eskuwelahan ang crush ng binata. Ilang taon na ang nakakalipas ngunit hanggang ngayon ay ito pa rin ang nagmamay-ari ng kaniyang puso.
“Pati sa pagkain ng pizza magkatulad kayo,” biglang bulalas ni Avi. “Ha? Magkatulad kami nino?” nagtatakang tanong ni Axel. “Ah, wala. May kakilala kasi ako. Pareho kayo kung kumain ng pizza. Baliktad. Crust muna ang kinakain niya. Sa katunayan ang dami niyong pagkakapareho. Paboritong kape, hilig sa panonood ng mga documentaries, sumisingkit ang mata kapag naiinis, pati iyung mannerism na pagkamot sa batok kapag pinupuri ng ibang tao parehong-pareho,” sagot ng dalaga.
“Best friend mo?” tanong ulit ng lalaki. “Hindi. Stalker niya ‘ko. Nakakatawa lang. Kung iisipin habulin ako ng mga lalaki pero iyong taong gustung-gusto ko hindi ako napapansin. Alam ko ang lahat-lahat ng tungkol sa kaniya pero hindi niya ako kilala,” nahihiyang pag-amin ni Avi.
“Wehhh, ‘di nga? Bakit hindi mo na lang aminin sa kaniya ang nararamdaman mo? Sa panahon ngayon hindi na uso ang Maria Clara. Malay mo may gusto rin pala sa iyo. Natotorpe lang,” payo ni Axel. “Malabo iyon. Hayskul graduation pa noong huli ko siyang nakita. Wala na akong balita tungkol sa kaniya pero hanggang ngayon siya pa rin ang nilalaman ng puso ko,” malungkot na saad ng babae.
Nang magbabayad na si Axel ng kinain nilang pizza ay hindi niya namalayang may nahulog na lumang litrato mula sa kaniyang pitaka. Pinulot ito ni Avi. Nanlaki ang mga mata ng dalaga nang makita niya kung sino ang nasa larawan.
“Bakit may picture ako sa wallet mo?” usisa niya sa lalaki. “Anong picture mo? Litrato iyan ng first and only love ko, Arianne Violet Santos. Picture niya ‘yan sa yearbook namin. Ginupit ko,” buong pagmamalaki ni Axel. “Sayang nga lang at hindi niya alam na mahal ko siya,” dugtong pa nito.
“Saan ka nag-aral ng hayskul? Anong taon ka nagtapos? Ano ang buo mong pangalan?” sunud-sunod na tanong ng dalaga. Nagbabadya ang pagtulo ng luha sa kaniyang mga mata. “Okay ka lang ba? Bakit parang iiyak ka? 2015 ako grumadweyt, Walker Valley High School. Maxwell Victorino ang buo kong pangalan,” nag-aalalang tugon ng lalaki.
Mayamaya pa ay nilahad ng dalaga ang kaniyang palad kay Axel. “Susundin ko ang payo mo, Axel.” Bagama’t naguguluhan ay tinanggap ng lalaki ang pakikipagdaup-palad ng dalaga.
“Hello, Mr. Maxwell Victorino. Ako nga pala si Arianne Violet Santos, Avi for short. Ang number 1 stalker mo na matagal nang umiibig sa iyo.”
Ang akala ni Axel ay wala nang patutunguhan ang kaniyang lihim na pag-ibig sa kaniyang hayskul crush. Hindi niya akalain na dahil lamang sa isang litrato ng bukang-liwayway ay tuluyan na niyang makakapiling ang babaeng labis niyang minamahal.