Masama man ang Loob ay Tinanggap ng Babae ang Paanyayang Mag-Ninang Siya sa Binyag; Mapapahiya Siya sa Tunay na Dahilan Nito

Kilalang kilala si Marieta sa ganda at sarap ng mga cake na kaniyang bine-bake. Ito na nga ang kaniyang pinagkakakitaan. Habang abala siya sa paggawa ng cake ay tumunog ang kaniyang selpon.

Napakunot ang kaniyang noo nang makita ang mensahe ng dating kaklase.

“Naku, ito na namang si Juliet. Ano na naman kaya ang kailangan nito sa akin?” sambit niya sa kaniyang sarili.

Noong mga nakaraan kasi ay panay ang pagpapadala nito ng mensahe para mangutang sa kaniya. Kahit tanggihan niya ay sige pa rin ang kulit nito. May kailangan daw kasi siyang ayusing mga papeles.

Hindi na muna binuksan ni Marieta ang mensahe ng dating kaklase at tinapos muna niya ang kaniyang mga ginagawa. Ngunit patuloy pa rin ang pagtunog ng kaniyang telepono. Hanggang sa nag-ring na nga ito. Tuluyan na siyang tinawagan ni Juliet.

Dahil nakukulitan na ay sinagot na rin ni Marieta ang tawag.

“Juliet, kumusta? Bakit napatawag ka? Pasensya ka na at hindi ko pa nababasa ang mensahe mo sa dami ng ginagawa ko,” tanong ni Marieta.

“Gusto ko lang kasing malaman kung payag kang kunin kitang ninang ng bunso ko. Hindi ka kasi sumasagot kaya hindi ko alam baka mamaya ay iniiwasan mo na ako. Baka nakukulitan ka na kasi sa akin,” wika naman ni Juliet.

Advertisement

“Hindi naman! Sadyang abala lang talaga ako ngayon dahil maraming nagpapagawa ng cake. Salamat sa paanyaya mo. Sige, hindi naman ako p’wedeng tumanggi sa pagiging ninang! Kaso baka hindi ako makapunta, a. Ang dami kasing tanggap ngayon ng cake,” paliwanag pa ng dalaga. 

“Ayos lang! Basta ninang ka, a! Maraming salamat sa pagpayag mo! Natutuwa ako at ninang ka ng bunso ko,” dagdag pa ng dating kaklase.

Sa totoo lang ay napilitan lang naman itong si Marieta na tanggapin ang paanyaya ni Juliet. Wala na kasi siyang magawa dahil tinawagan siya nito. Isa pa, hindi niya alam kung paano tatanggi sa ganoong paanyaya. 

Napansin ng ina ni Marieta ang pagka-inis niya.

“Baka mamaya ay pumait ‘yang cake na ginagawa mo. Bakit ba nakasimangot ka riyan? May umatras bang kliyente?” tanong ni Aling Simang.

“Naku, ‘nay, natatandaan n’yo ba si Juliet? ‘Yung kaklase kong panay ang pangungutang sa akin? Hindi ko na nga pinautang ay kinuha naman akong ninang sa binyag ng anak niya!” nakasimangot na wika ni Marieta.

“Ayaw mo ba noon at naaalala ka niya? Ibig sabihin ay kaya niyang ipagkatiwala sa iyo ang anak niya! Kaibigan ang turing niya sa iyo,” paliwanag naman ng ina.

“Hindi ‘yun, ‘nay! Alam naman nating lahat kung bakit lang ako kinuhang ninang niyang si Juliet. Nais n’ya lang makalibre ng cake ko. Siyempre, kapag may ninang na taga-gawa ng cake ay asahan mo nang maganda ang cake ng anak niya sa selebrasyon,” paliwanag pa ng anak. 

Advertisement

“Bakit, anak, hiningan ka ba niya ng cake?” tanong muli ni Aling Simang.

“Hindi naman po, ‘nay! Pero ano pa ba ang ireregalo ng isang baker na tulad ko? Syempre kung ano ‘yung kaya kong gawin,” sagot muli ng dalaga.

“Nasa sa iyo naman ‘yan kung ano ang nais mong iregalo. Pero huwag mong pag-isipan ng masama ang dati mong kaklase. Baka talagang naalala ka lang niya dahil kaibigan ang turing niya sa iyo,” pahayag pa ni Aling Simang.

Naisipan ni Marieta na magbigay ng ibang regalo para lang inisin ang dating kaklase. Hindi siya makapaghintay na makita bigong mukha nito kapag hindi siya nagbigay ng cake.

Ngunit sa isang banda ay naisip niyang marahil ay may dating mga kaklase rin silang pupunta roon. Ayaw naman niyang kantyawan siya ng mga ito. At saka isang oportunidad din ito para i-market ang kaniyang mga gawa.

“Nakakainis talaga itong si Juliet! Talagang nilagay niya ako sa sitwasyon na kailangan kong gawan ng cake ang kaniyang anak,” saad muli ni Marieta sa sarili.

Upang magmalaki ay ipinaalam ni Marieta sa lahat na siya na ang gagawa ng cake sa binyag ng anak ni Juliet. Labis naman ang tuwa ng dating kaklase sa regalong ito.

Lahat ay namangha dahil sa ganda at sarap ng cake na dala-dala ni Marieta sa araw ng binyag.

Advertisement

“Naku! Ang sarap naman palang kuning ninang nitong si Marieta! Maganda na ang cake ay masarap pa. Kaya kahit kakaunti ang handa ay dinala talaga nitong cake na gawa mo!” saad ng isang dating kaklase.

“Oo nga. Mabuti naman at pinaunlakan mo ‘yang si Juliet. Mukhang salat na salat kasi sila sa buhay ngayon. Ilang beses ngang tumawag sa akin ‘yan at nangungutang. Alam mo dahil maganda ang kalooban mo’t ginawan mo talaga ng cake ang inaanak natin ay ipo-post ko ito sa social media. Nang sa gayon ay lalong dumami ang mag-order sa iyo!” dagdag pa ng isa ring kumare. 

Dahil napasubo na itong si Marieta ay dinagdagan pa niya ang kaniyang pagyayabang.

“Salamat naman sa inyo. Sa katunayan nga ay naaawa rin ako sa kalagayan nila. Kaya naman naisip kong taun-taon ay cake na lang ang iregalo ko sa inaanak natin. Para kahit paano ay madama niyang kaarawan niya,” saad naman ni Marieta.

Lalong humanga sa kaniya ang mga dating kaklase.

Kaya naman kahit labag sa kaniyang loob ay taon-taon nga niyang binibigyan ng cake ang kaniyang inaanak.

Hanggang sa isang araw ay nabalitaan na lang niyang umalis na ito sa kanilang tinitirhan.

“Mabuti naman at umalis na apartment na ‘yun ang pamilya ni Juliet. Ang sabi ng ilan ay nagpunta daw ito sa malayo ngunit walang makapagsabi kung saan talaga. Pero kahit saan man ‘yun ay masaya na ako dahil nakalaya na ako sa kompromiso sa kanila,” saad ni Marieta sa ina. 

Advertisement

“Huwag ka namang ganyan. Tandaan mo na ikaw ang nagbigay ng pangakong iyan sa inaanak mo. Walang humingi niyan sa iyo!” wika naman ni Aling Simang.

Kahit ano pang sabihin ng ina ay maligaya na itong si Marieta. Para kasi siyang nabunutan ng tinik.

Isang araw ay gumising si Marieta at nakita niyang pinutakte na ang kaniyang telepono ng mga mensahe mula sa isang kliyente. Sumakit daw ang lahat ng tiyan ng mga dumalo dahil sa cake na kinain nila. Nais nitong magsampa ng kaso. 

“Malaking halaga po ang hinihingi nila sa akin. Bukod po sa kailangan kong ibalik ang bayad nila sa ginawa kong cake ay kailangan ko ring sagutin ang pagpapa-ospital ng lahat ng nakakain ng cake na gawa ko. Kahit na wala naman silang patunay talaga na ang gawa kong cake ang dahilan. Ano na ang gagawin ko ngayon, ‘nay? Ayaw ko pong makulong!” pagtangis ng dalaga. 

“May awa ang Diyos, anak. Kung wala ka talagang kasalanan ay mapapatunayan ‘yan!” saad naman ng ina.

Ngunit kalat na sa social media ang nangyaring ito. Hindi alam ni Marieta kung saan siya magtatago nang mga panahon na ‘yun. Wala na rin siyang mukhang ihaharap sa mga taong nanghuhusga sa kaniya.

Hanggang sa nakatanggap siya ng mensahe mula kay Juliet.

“Ito na namang si Juliet. May pinagdadaanan na nga ako’y makikisabay pa! Ano na naman kaya ang kailangan nito?” wika ni Marieta na ayaw buksan ang mensahe ng dating kaklase.

Advertisement

Dahil hindi na naman siya sumasagot ay napilitan na namang tumawag si Juliet. 

“Juliet, huwag muna ngayon! May pinagdadaanan ako at hindi madali sa akin ang lahat. Hindi ko na nga alam kung ano ang gagawin ko sa buhay ko! Huwag ka nang makisabay!” bungad ni Marieta.

“Makisabay? Mali ang iniisip mo, Marieta. Tumawag ako dahil nais kitang tulungan. Pasensya ka na at hindi na kami nakapagpaalam sa iyo ng inaanak mo, pero narito na kami sa Canada. Dito na kami nakatira ngayon. Kaya ako nangungutang sa iyo noon ay dahil kailangan ko ng pera sa pagpapaayos ng papeles naming mag-iina. Naibenta ko na rin ang ilang lupa namin sa probinsya kaya naman nagipit talaga kami. Nakita ko kasi sa social media ang nangyari sa iyo. Dahil naging mabuti ka sa amin ng inaanak mo ay nais ko sanang ibalik ang tulong na nagawa mo sa amin dati. May kilala akong magaling na abogado na p’wede kang tulungan. Kaya rin kitang mapautang ngayon ng pera para makabayad ka at maareglo mo ang kabilang kampo. Hindi mo kailangang mangamba dahil nasa likod mo kami. Kung kinakailangan kong tumestigo na masarap at malinis ang cake na ginagawa mo ay gagawin ko!” pahayag ni Juliet.

“Pasensya ka na sa akin kung masakit ang mga nasabi ko. Hindi ko na kasi alam ang gagawin ko talaga!” umiiyak na wika ng dalaga.

“Huwag kang mag-alala, Marieta. Nauunawaan naman kita!” tugon naman ni Juliet.

“Nais ko lang malaman kung bakit mo ako tinutulungan nang ganito, Juliet?”

“Simple lang! Dahil kaibigan kita at higit sa lahat ay ninang ka ng anak ko. Alam ko namang kung nariyan din ako sa ganyang sitwasyon ay tutulungan mo ako, ‘di ba?” sagot naman ni Juliet.

Naluha si Marieta nang marinig niya ang lahat ng sinabi ng kaniyang kumare. Nahiya rin siya sa kaniyang sarili dahil sa pag-iisip dito ng hindi maganda.

Advertisement

“Hindi ba’t sinabi ko na sa iyo na huwag mong lagyan ng kulay ang pag-anyaya niya sa’yo bilang ninang ng bunso niya? Sa huli’y nalaman mong tunay na pagkakaibigan pala talaga ang tingin niyang mayroon kayo. Sana ay magsilbi na itong aral sa iyo, Marieta. Hindi lahat ng tao na lumalapit ay may kailangan sa’yo,” pangaral ni Aling Simang.

Tinulungan ni Juliet na makabangon muli si Marieta mula sa kasong kinahaharap niya. Napatunayan na hindi talaga ang cake na kaniyang gawa ang may kasalanan sa pagkaka-ospital ng mga panauhin.

Labis ang pasasalamat ni Marieta kay Juliet at habang panahon niyang tatanawin itong utang na loob sa kumare.