Tinulungan ng Ginang ang Batang Nawalan ng Malay dahil sa Labis na Gutom; Ibabalik Nito ang Kabutihang Kaniyang Ibinigay

Sumasakit na ang sikmura ng batang si Delfin ngunit hindi niya kayang bawasan ang perang pinagbentahan ng kaniyang nilalakong dyaryo. Nais kasi niyang iuwi ang lahat ng kinita sa kaniyang ina upang makatulong. Kaya naman kahit na kumakalam na ang tiyan ay tinitiis pa rin niya ang gutom.

Sa ilalim ng tirik na araw ay patuloy ang kaniyang paglalako. Kumatok siya sa isang bahay at nang pagbuksan siya ng isang babae ay bigla na lang nahilo si Delfin at saka bumagsak sa harapan nito.

“Ayos ka lang ba, bata? Bata! Gumising ka!” pag-aalala ng ginang na si Lydia.

Nakita ng ginang na namumutla na itong si Delfin kaya agad niya itong pinasok sa bahay. Nang mahimasmasan ito ay agad niyang inalok ng pagkain.

“Mukhang nalipasan ka na ng gutom, totoy. Ito ang pagkain. Lamnan mo muna ang tiyan mo,” wika pa ni Lydia.

“Maraming salamat po, ginang! Pasensya na po kayo sa abala ngunit lulunukin ko na po ang hiya ko. Talaga pong kumakalam na kanina pa ang sikmura ko kaya po siguro ako nahilo,” paliwanag naman ni Delfin.

“Sige lang at kainin mo ang lahat ng iyan. Pagluluto ko na lang ulit ang asawa ko ng makakain. Kung iyong mamarapatin ay nais ko sanang magtanong. Bakit hindi ka pa kumakain? Nasaan ba ang mga magulang mo? At saka bakit ikaw itong naghahanapbuhay? Dapat ay nasa paaralan ka, hindi ba?” sunod-sunod na tanong ng ginang.

“Wala na po ang tatay ko. Basta na lang po niya kaming iniwan, e. Ang nanay ko naman po ay isang labandera. Pero hindi po kasi sapat ang kinikita niya. Minsan ay hindi siya makaalis dahil may mga mas bata pa po akong kapatid na kailangan niyang alagaan. Kaya ito po, tumutulong po ako sa nanay ko kahit paano,” paliwanag pa ng bata.

Advertisement

Labis na humanga itong si Lydia sa dedikasyon ni Delfin sa pagtulong sa kaniyang pamilya.

“Kapag nagugutom ka ay pumunta ka lang rito. Hindi man ako makakapagbigay ng pagkain para sa inyong pamilya dahil hindi rin naman marangya ang buhay namin ay kahit paano’y hindi ka magugutom sa paglalako mo,” saad muli ni Lydia.

Nahihiya man si Delfin ay madalas siyang dumaan sa bahay ng ginang upang makiinom ng kape at makikain ng tinapay.

“Alam mo, nakakahinayang talaga ang mga batang tulad mo. Mas maganda kasi ang hinaharap mo kung makakapag-aral ka. Kaya kung may pagkakataon ka ay sunggaban mo na! Huwag mong hayaang lumaki kang mangmang. Lalo kang walang laban sa mundong ito. Isa pa, kung may pinag-aralan ka’y maaahon mo sa hirap ang pamilya mo,” wika ni Lydia.

Tumalima ang mga katagang ito sa isip ni Delfin. Kaya naman nang sumunod na taon ay nagpumilit siyang makapasok na sa eskwela. Sa umaga’y patuloy ang kaniyang paglalako ng dyaryo. Sa hapon naman ay pumapasok siya sa pampublikong paaralan.

Naging matindi ang pagnanais ni Delfin na makapagtapos ng pag-aaral nang sa gayon ay magkaroon sila ng magandang buhay ng kaniyang pamilya. Sinunggaban niya ang lahat ng pagkakataong magdadala sa kaniya sa pagtupad ng kaniyang pangarap.

Nang makatapos siya ng hayskul ay kumuha agad siya ng trabaho sa isang restawran. Pinagsabay niya ang pag-aaral at pagiging waiter. Sa ganitong paraan ay nakakatulong pa rin siya sa kaniyang pamilya.

Labis niyang ginalingan sa eskwela upang makakuha siya ng student assistance at iskolarsyip. Hindi nga naglaon ay nakapagtapos siya ng pag-aaral. 

Advertisement

Isang araw ay nais niyang bumalik sa bahay ni Aling Lydia upang pasalamatan ito. Kumatok siya sa pintuan ng bahay nito. Hindi katulad ng dati na mabilis lang magbukas ng pinto ang ginang.

“Aling Lydia, nariyan po ba kayo?” tawag ni Delfin.

“Oo, narito ako. Sandali lang at pag bubuksan kita ng pinto. Sino ba ang nariyan?” sagot naman ng ginang.

Hindi muna sinagot ni Delfin ang ginang dahil nais niya itong surpresahin. Ngunit pagbukas ng pinto ay siya ang nasurpresa nang makita ang kalunos-lunos nitong kalagayan. Hirap na ito sa paglakad. Maraming peklat ang balat nito at bulag na ang mga mata.

“Aling Lydia, si Delfin po ito. ‘Yung batang tinutulungan n’yo dati. Ano pong nangyari sa inyo?” pag-aalala ng binata. 

“Delfin, kay tagal na rin ng panahon na hindi ka nadalaw rito. Naaksidente kasi ako kaya ito na ang nangyari sa akin,” matipid na sagot ng ginang. 

Alam ni Delfin na may itinatago itong si Aling Lydia. Tinulungan niya itong makapasok sa bahay. Isinalansan niya ang mga dala niyang grocery at saka siya nakipagkwentuhan dito. Ngunit matipid pa rin ang sagot ni Lydia. 

“Huwag mo na akong alalahanin, Delfin. Tahimik naman na ang buhay ko ngayon. Sanay na akong walang nakikita,” sagot pa ng ginang.

Advertisement

Dahil hindi kumbinsido ang binata sa mga isinasagot ni Aling Lydia ay nangalap siya ng impormasyon sa mga kapitbahay. Napag-alaman niyang biktima pala ito ng pang-aabuso ng asawa. Sinasaktan ito palagi dahil sa matinding selos at kapag hindi nito nagustuhan ang ginagawa ng ginang.

Huling namataan nga raw ang lalaki nang gin*lpi niya nang matindi si Aling Lydia. Binuhusan niya ito ng kumukulong tubig. Nang akala niyang wala na itong buhay ay tumakas ito.

Sa pagkakataong iyon ay galit ang naramdaman ni Delfin. Paanong naatim na gawin ng asawa ang ganitong bagay kay Aling Lydia gayong mabait naman ang ginang?

Ginawa ni Delfin ang lahat upang hanapin ang dating asawa ni Lydia at makasuhan ito upang mabulok na sa bilangguan.

Isang araw ay sinamahan niya si Aling Lydia sa espesyalista upang ipasuri ang mga mata nito.

“Ang sabi ng mga doktor ay kaya pa raw ng operasyon ang mata ninyo. Makakakita kayong muli,” saad ni Delfin sa ginang.

“Maraming salamat sa iyo, Delfin. Ngunit wala akong malaking pera para sa operasyon na ‘yan. Tanggap ko namang hindi na ako makakakita pang muli,” wika naman ni Aling Lydia.

“Hindi ako makakapayag na hindi po kayo makakita. Lalo na’t may surpresa po akong nais kong makita ninyo. Huwag na po kayong mag-alala dahil ako na po ang gagawa ng paraan upang maoperahan kayo,” dagdag pa ng binata.

Advertisement

Tinupad ni Delfin ang pangako niya kay Lydia. Naoperahan ito at muling nakakita.

“Maraming salamat sa iyo, Delfin. Ano ba ang surpresang nais mong ipakita sa akin? Ngayong nakakakita na ako ay hindi na ako makapaghintay pa!” saad ng ginang.

“Aling Lydia, nakapagtapos na po ako ng pag-aaral at ngayo’y isang ganap na pulis na. Hindi lang po ito ang nais kong ipakita sa inyo. Sumama po kayo sa akin,” saad naman ni Delfin.

Dinala ng binata si Lydia sa himpilan ng pulisya.

“Kailangan n’yo pong kilalanin ang lalaking ito upang mapagbayaran niya ang lahat ng ginawa niya sa inyong kawalanghiyaan, nang sa gayon ay hindi na siya makalabas pang muli sa bilangguan. Alam ko na po ang lahat ng nangyari sa’yo. Kaya ginagawa ko ang rin ang lahat upang mahuli ang lalaking ito!” pahayag pa ni Delfin. 

Hindi makapaniwala si Lydia sa kaniyang nakita. Buong buhay niya ay nabuhay siya sa takot na baka balikan siya ng dating asawa at may gawing masama sa kaniya.

“Siya nga, Delfin! Siya nga ang dati kong asawa! Siya ang umabuso sa akin noon! Halos nawalan na ako ng buhay nang dahil sa kaniya!” umiiyak na wika ni Lydia.

Laking pasasalamat ni Lydia sa lahat ng tulong na ginagawa sa kaniya ng binata.

Advertisement

“Ngayon ay makakatulog na ako nang matiwasay. Hindi na ako mangangamba pang isang araw ay babalik ang lalaking iyan at gagawan muli ako ng masama! Salamat, Delfin! Hindi ko alam kung paano ko mababayaran ang lahat ng pagkakautang ko sa iyo!” umiiyak na wika muli ng ginang.

“Bayad na po kayo noon pa, Aling Lydia. Gumaganti lang po ako sa lahat ng kabutihan na ginawa ninyo sa akin. Kung hindi dahil sa inyo’y hindi ako magsusumikap sa buhay. Maraming salamat po sa inyo dahil naroon kayo noong mga panahong walang ibang nais tumulong sa akin,” sambit pa ni Delfin.

Nagpatuloy ang pagtulong ni Delfin kay Aling Lydia. Tila nagkaroon naman ng bagong buhay ang ginang sa tulong na rin ng binata.

Hindi lubos akalain ni Aling Lydia na dahil lang sa simpleng patulong niya noon sa isang batang nangangailangan ay magbabago bigla ang takbo ng mapait niyang buhay.