Isang Libong Piso ang Presyong Ibinigay sa Kaniya para sa Buhok na Wala nang Buhay; Bilhin Kaya Iyon ng Dalaga Gayong Alam Niyang Posible Siyang Malugi?

Hilig na talaga ni Mayeth ang gumawa ng mga hair extension para sa kaniyang sarili at minsan naman ay kaniya iyong ibinibenta upang kahit papaano’y kumita ng pera. Kaya naman para sa paggawa ng mga panibagong hair extensions ay bumibili siya ng tunay na buhok ng mga tao. Mas mabilis kasi iyong hawiin at mas mabenta, hindi gaya ng mga peke.

“Ma’am Mayeth, balita ko po’y bumibili kayo ng buhok. Baka naman popwede niyong bilhin itong sa’kin?” anang dalaga na nagpakilalang si Jasmine. “Ipinagbibili ko na po itong mahaba kong buhok sa halagang isang libo, murang-mura, may sukli ka pa. Pakiusap lang bilhin niyo na po, ma’am,” nakikiusap na wika ng babaeng sa kung saan ay bigla na lamang sumulpot sa kaniyang tindahan.

Siguro’y may nakapagsabi sa dalaga na gumagawa at bumibili siya ng tunay na buhok ng tao. Sinuri niya ang buhok nito at agad na napaismid. Ibinebenta nito ang buhok sa halagang isang libo, pero kung kaniyang titingnan ay hindi naman pang-isang libo ang klase ng buhok nito. Tuyot na tuyot na kulay blonde, kaya mukha itong bunot ng mais kaysa sa buhok ng tao. Walang kabuhay-buhay at walang kakintab-kintab, tapos ay isang libong piso?

“Isang libo talaga ang benta mo rito?” naniniguro niyang tanong.

Tumango ang dalaga saka nagmamakaawang tumingin sa kaniya. Sa isip niya, nagnenegosyo siya at hindi niya nagcha-charity, pero bakit nakakaramdam siya ng awa? Kung siya lang sana’y ayaw niya na talagang bilhin ang buhok nito, mukhang hindi na rin naman kasi niya iyon mapapakinabangan at mukhang siya pa ang malulugi sa itsura ng buhok nito. Masyadong mahal, para sa buhok na walang kabuhay-buhay.

Ngunit nang muli niyang lingunin ang dalaga’y muli na naman siyang nakaramdam ng awa. Mukhang may kailangan itong paggagamitan sa perang mapagbibilhan kaya kinakapalan na nito ang mukha sa kaniya.

“Sige na nga! Pero hindi ka na makakaulit sa’kin ah, kapag ganitong buhok ang ibibigay mo sa’kin. Hindi ko naman kasi mapapakinabangan ito. Walang kabuhay-buhay, kailan ba ang kwarenta dias ng buhok mo, kakaloka!” birong totoo niya.

“Salamat, ate. Sobrang maraming-maraming salamat po talaga,” ani Jasmine.

Advertisement

Dala ng awa ay binili niya ang buhok nito. Mapapakinabangan pa naman niya iyon, ngunit kailangan niya munang kulayan ng itim at tadtarin ng conditioner para magmukhang fresh at maganda. Ngunit talagang nakakapanisi ang isang libo niyang nalugi!

Abala sa paggagawa ng mga buhok si Mayeth nang may biglang dumating na bisita sa kaniyang shop.

“Siya na naman!?” mahina niyang sambit.

Iyong babaeng nagbenta sa kaniya ng walang buhay na buhok ay muling bumalik. Nagtatakang nilapitan ni Mayeth ang dalaga habang nakasalubong ang dalawang kilay. Ano na naman kaya ang sadya nito?

“Ate, bumalik po ako para magpasalamat,” hingal na wika ng dalaga, mukhang galing ito sa takbo.

“P-pasalamat saan?” salubong ang kilay niyang tanong.

Bigla nitong inangat sa mukha niya ang mga supot na may lamang kung ano-ano.

“Nakabili na po ako ng ulam at maintenance na gamot ni mama, kaya sobrang marami pong salamat. Hindi ko na po iisipin ang dalawang linggong gamot ni mama, at kahit papaano’y gagaan na ang kaniyang iisipin, kaya salamat po sa pagbili niyo sa buhok ko kahit wala na iyong buhay,” mangiyak-ngiyak na wika ng babae.

Advertisement

Hindi nakapagsalita si Mayeth sa sinabi ng dalaga. Kanina pa lang ay nararamdaman na niya ang labis na pangangailangan ng mga mata nito ng pera, at tama nga talaga ang kaniyang hinala. Ngunit hindi niya inaasahan na talagang babalik ito upang pasalamatan siya. Hindi niya napigilang yakapin ang dalaga. Ipinagmamalaki niya ito at napakaswerte ng magulang nito dahil handa itong gawin ang lahat maibigay lamang sa ina ang kailangan nitong gamot.

“Hindi ko inaasahan na para d’yan ang perang ipinagbili mo ng iyong buhok. Alam mo, kahit ‘yong buhok mo wala nang buhay na ibinenta mo sa’kin, biglang nagkaroon ng buhay ngayong nakikita ko kung gaano ka karesponsableng anak sa’yong ina,” mangiyak-ngiyak niyang kausap sa dalaga. “Pagbentahan mo ako ulit, tatanggapin ko nang walang reklamo. Pero sa ngayon, hayaan mo munang tumubo ang buhok mo ah,” ani Mayeth.

Agad namang tumango ang dalaga at ngumiti. “Baka sa bagong tubo ng buhok ko, ate, buhay na. Pwede ko na ba iyong presyuhan nang malaki? Kahit mga dalawang libo?” anito.

Mangiyak-ngiyak na ngumiti si Mayeth saka tumango. “Walang katumbas na halaga ang presyo ng buhok mo, Jasmine, dahil napakaswerte ng magsusuot ng buhok mo, kasi may mabait na puso ang taong nagmamay-ari nito,” sinserong wika ni Mayeth.

Tila kinikilig namang tumawa si Jasmine at yumakap kay Mayeth. Kakakilala lamang nilang dalawa, ngunit kay gaan na ng loob niya para sa dalaga. Pagagandahin niya ang ibinentang buhok nito, at sisiguraduhing itatago iyon at hindi ipagbibili sa iba. Espesyal ang buhok ni Jasmine, dahil espesyal itong babae.

“Salamat po ate,” nakangiting wika ni Jasmine kay Mayeth.

“You’re always welcome, Jasmine,” tugon naman ni Mayeth sa bagong kaibigan.