
Imbes na Malugod Siyang Tanggapin ay Ininsulto at Pinagbagsakan Siya ng Pintuan ng Ama ng Nobya; Makabawi pa Kaya Siya Pagdating ng Panahon?
Masayang hinawakan ni Marvin ang kamay ng kasintahan. Sa wakas kasi’y handa na itong ipakilala na siya sa mga magulang nito, makalipas ang limang buwan nilang pagiging magkasintahan. Kaya labis ang sayang kaniyang nararamdaman.
Mahal niya si Janica at handa siyang gawin ang lahat para rito. Ngayong nagdesisyon itong iakyat na sa ibang lebel ang kanilang relasyon ay handa na rin siyang isa-isang tuparin ang matagal na niyang planong gawin para sa nobya, ang ipakilala rin ito nang opisyal sa kaniyang buong pamilya.
Ngunit ang sayang iyon ay dagling nawala nang sa pagpapakilala ng nobya sa kaniya bilang nobyo nito ay agad na nagalit ang ama ng dalaga.
“Hindi ba’t ikaw iyong gasolina boy d’yan sa may kanto?!” asik ng ama nito.
“Opo, sir, ako nga po iyon,” magalang namang tugon ni Marvin sa ama ng nobya.
“Anong kinabukasan ang ibibigay mo sa anak ko?” ismid nito na may kasamang insulto. “Magkano lang ang sinasahod mo sa pahiging gasoline boy? Sa tingin mo kaya hijo, matutustusan no’n ang buong pangangailangan ng anak ko?” dugtong nito sa tonong nang-iinsulto.
Marangal ang kaniyang trabaho. Sabihin nang gasoline boy siya, ngunit tumatanggap siya ng sahod sa marangal na paraan at walang inaapakang ibang tao. Kung sila man ang magatuluyan ni Janica, ay sisiguraduhin niyang hindi magugutom ang dalaga. Ngunit labis-labis naman yatang ang baba ng tingin ng ama nito sa mga kagaya niya.
“Pinag-aral ko sa mamahaling unibersidad ang anak ko, pinapakain ng masasarap na pagkain, ibinibigay ang lahat ng luho, tapos sa’yo lamang siya babagsak? Ngayon pa lang hijo, pina-prangka na kitang hindi ako boto sa’yo para sa anak kong si Janica. May ibang lalaking mas nababagay sa anak ko, at hindi ikaw ‘yon!” asik at deretsong wika ng ama ng nobya.
Bahagya siyang nasaktan sa ipinakitang ugali ng ama ni Janica. Hindi lang ang pagkatao niya ang ininsulto nito, kung ‘di ang halos lahat ng taong kagaya niya. Mga taong nasa mababang antas na posisyon sa buhay.
Hindi na nagawang sumagot ni Marvin dahil pabagsak na nitong isinara ang pintuan ng bahay. Umiiyak namang kinaladkad si Janica ng ama at pinapangaralan na layuan siya, dahil kahit anong mangyari’y hindi siya nito matatanggap bilang nobyo ng anak.
Bagsak ang balikat ni Marvin na umalis sa lugar na iyon. Hindi ito ang inaasahan niyang mangyayari. Ang akala niya’y magiging maayos na ang lahat sa pagitan nila ng nobya ngunit mas lalo pa palang lumala ang lahat dahil sa matapobreng ama nito.
Makalipas ang anim na buwan. Nagdesisyon ang pamilya ni Janica na ibenta na lamang ang pwesto ng kanilang tindahan dahil hindi na ito kumikita.
“Ma’am, pwede po ba naming malaman kung anong gagawin ng bagong may-ari sa pwestong ito?” nakangiting tanong ni Mang Juaquin, ang ama ni Janica.
“Ayon po sa bagong magmamay-ari nito’y balak niyang gawing gasolinahan,” sagot naman ng babae.
“Ah, talaga po. Bagay na bagay sa lugar na ito ang maging gasolinahan, maluwag ang kalye’t daanan ng mga sasakyan,” komento pa ni Mang Juaquin. “Maaari ko po bang malaman, ma’am, kung sino ang magiging bagong may-ari nito?” hirit pa nito.
“Ah, oo naman po. Saktong paparating na rin po si sir, pwede po kayong magkaharap at magkausap nang personal,” anang babae.
Agad namang sumilay ang ngiti sa matandang lalaki. Matagal niyang inalagaan ang pwestong ito at wala naman sigurong masama kung gusto niyang kilalanin ang bagong magmamay-ari nito.
“Ah, nandito na po pala si Sir Marvin Alcantara, sir,” anang babae na ang buong tingin ay nasa may pintuan.
Sabay na napasinghap mag-ama nang makilala kung sino ang tinutukoy ng babaeng bagong nagmamay-ari ng puwestong ito.
“M-Marvin?!” mahinang bulalas ni Janica.
“I-Ikaw?!” gulat na gulat namang sambit ni Mang Juaquin. “P-paanong nangyari ang bagay na ito?”
“Siya po ang nakabili ng property na ito, Si Juaquin. Siya po si Mr. Alcantara, ang anak ni Mr. Reymart Alcantara, na siyang nagmamay-ari ng maraming gasolinahan rito sa bansa. Isa po sa pag-aari nila ay iyang gasolinahan d’yan sa may kanto,” paliwanag ng babae na may matamis na ngiti sa labi.
Kulang na lamang ay him*tayin si Mang Juaquin sa katotohanang nalaman. Ang gasoline boy na ininsulto niya noong minsang pumunta sa bahay nila’y isa palang anak ng milyonaryo.
“Magandang araw po, Mang Juaquin.”
Isang matamis na ngiti ang isinalubong ni Marvin sa lalaking nawalan ng kulay ang mukha nang makita siya. Hindi na niya kailangang ibuka ang bibig ay bumulalas ng masasakit na salita. Nakikita niya sa mukha nito ang labis na pagsisisi at sapat na iyon upang masabi niyang nakaganti na siya sa pang-iinsulto nito noon sa kaniya.
Matapos pagsawaan ng tingin si Mang Juaquin ay inilipat niya ang tingin sa mukha ni Janica. Gusto niyang maawa sa dalaga, ngunit hanggang doon na lang. Mahal niya ang babae, ngunit ayaw niyang magkaroon ng manugang na matapobre at hindi pantay ang tingin sa kapwa.

Kinaladkad at Pinapalayas Siya ng Among Babae Dahil Maharot daw Siya at Inaakit ang Anak-Anakan Nito; Iyon nga ba ang Totoo?
