Inday TrendingInday Trending
Kinaladkad at Pinapalayas Siya ng Among Babae Dahil Maharot daw Siya at Inaakit ang Anak-Anakan Nito; Iyon nga ba ang Totoo?

Kinaladkad at Pinapalayas Siya ng Among Babae Dahil Maharot daw Siya at Inaakit ang Anak-Anakan Nito; Iyon nga ba ang Totoo?

Bitbit ang kaniyang bag ay humahagulhol ng iyak si Irish habang tulak-tulak ng kaniyang among babae palabas ng bahay nito. Pinapalayas siya nito sa dahilang hindi niya alam.

“Lumayas ka sa pamamahay na ito, Irish!” gigil na wika nito. “Ayoko nang makita ang pagmumukha mo sa pamamahay na ito,” dugtong nito sabay tapon ng kulay abong sobre. “Iyan na ang huling sahod mo!” anito at pabagsak na isinara ang gate.

Nang muling bumukas ang gate ay nakaramdam ng kaginhawahan si Irish, akala niya’y nawala na ang galit ng kaniyang amo at muli na siyang papapasukin nito sa bahay na parang walang nangyari, ngunit hindi pala iyon ang nais nitong gawin. Basta-basta lang nitong itinapon ang kaniyang mga natirang damit. Kaya nagkalat ang mga ito sa kalsada.

Umiiyak habang isa-isang pinulot ni Irish ang mga damit na itinapon na lang ng kaniyang amo ng basta-basta. Nanliliit siya sa malisyosong tingin sa kaniya ng mga kapitbahay na nakikiusyoso sa nangyaring gulo. Naririnig niya ang hindi malinaw na bulong-bulungan ng mga ito, dahilan upang mas lalo siyang mapahagulhol ng iyak. Alam ng Diyos na wala siyang ginawang kahit anong kasalanan sa kaniyang amo.

“Malandi ka! Inaakit mo si Stephen, kaya dapat lang sa’yo ang palayasin. Alam ko ang plano mo, Irish. Balak mo siyang akitin at magpabuntis sa kaniya para huthutan ng pera ang asawa ko! Malandi kang babae! Isang hampas lupang gustong umangat kaya kumakapit sa kagaya ng anak ng asawa ko!” ani Ma’am Elise, ang bagong asawa ng kaniyang among lalaki.

Siyam na buwan na rin ang nakakalipas mula noong namayapa ang totoong asawa ni Sir Jordan, tatlong buwan ang nakakaraan ay inuwi nito sa malaking bahay si Ma’am Elise at ipinakilalang asawa nito. Kung kaniyang titingnan ay halos magkasing-edad lamang sila ng babae, baka matanda lang ito sa kaniya ng kaunting taon.

Bilang ito ang bagong asawa ng kaniyang among lalaki ay ibinigay niya ang pantay na paggalang kay Elise. Maayos naman sila noong una at magkasundo. Ngunit nagbago ang lahat noong dumating si Stephen, ang panganay na anak ni Sir Jordan.

Matagal na silang magkakilala ni Stephen, buhay pa ang ina nito’y isa na siyang serbidora ng pamilya nito. Kaya hindi kataka-taka ang pagiging malapit nila sa isa’t-isa na siyang minasama ni Elise. Pinagbibintangan siya nito ng mga bagay na hindi naman niya ginagawa. Hindi niya kailanman inakit si Stephen at ni minsan ay hindi sumagi sa isip niya ang mga sinasabi ng babae. Malinis ang intensyon niya sa pamilya ni Sir Jordan, kahit halos magkalapit lang ang edad nila ni Stephen ay wala siyang balak na masama sa anak ng amo.

Tumatakbong dinaluhan siya ni Clara, ang kaibigan niyang katulong rin sa kabilang bahay. “Irish, anong nangyari?” humahangos nitong tanong habang tinutulungan siyang pulutin ang mga damit.

Hindi niya kayang sagutin ang tanong ng kaibigan sa labis na pag-iyak. Nasa bakasyon ngayon si Sir Jordan, kasama ang mga anak nito kaya pabor na pabor kay Elise ang gawin ito sa kaniya. Wala kasing Stephen ang magatatanggol sa kaniya sa lahat ng kasinungalingan ni Ma’am Elise.

“Tumayo ka d’yan, Irish.” Inalalayan siya ni Clara sa pagtayo. “Sa bahay ka na muna nila ma’am,” anito.

Akmang ihahakbang na niya ang kaniyang mga paa patungo sa kabilang bahay nang may humintong sasakyan sa kanilang harapan. Iniluwa ng pintuan si Alexandre, ang pangalawang anak ni Sir Jordan. Agad itong humakbang patungo sa kaniya at tinulungan siya sa mga bitbit.

“Hindi ka aalis, Irish. Kung may aalis man sa pamamahay na iyan ay walang iba kung ‘di si Elise!” matigas na wika ni Alexandre.

Nagkagulo lalo ang sitwasyon dahil ang kaaway na ngayon ni Elise ay si Alexandre. Galit na galit ang madrasta nito at panay ang sigaw habang gigil na gigil sa pangalawang anak ng asawa. Naroroon pa rin ang mga tsismosang kapitbahay na handang saksihan ang nagaganap na away.

“Alam na naming lahat ang tunay mong pagkatao, Elise. Hindi si Irish ang nang-aakit kay Kuya Stephen kung ‘di ikaw!” gigil na dinuro-duro ni Alexandre ang madrasta. “Alam mong nakapangalan kay kuya ang lahat ng kayamanang mayroon si Daddy, kaya sinubukan mong tuhugin ang dalawa para sa makasarili mong ambisyon! Akala mo ba maloloko mo pa kami?!” inis na dugtong ni Alexandre, sabay bato ng mga hawak nitong ebidensya. “Iyan lahat ang patunay sa pagiging dem*nyo mo!”

Agad na namutla ang mukha ni Elise nang makita ang nakakalat na litrato, mga papeles at kung ano-ano sa sahig.

“Ibinibintang mo ang kasalanan mo kay Irish, siya ang dinidiin mo kay dad, akala mo naman paniniwalaan ka niya. Matagal na naming kasama at kilala si Irish, kumpara sa’yo. Sana naisip mo iyon!” ani Alexandre.

Hindi na nito hinintay ang sasabihin ni Elise, hinawakan na niya ito sa braso at kinaladkad palabas. Ang ginawa nito kanina kay Irish ay siyang ginawa rin pabalik ni Alexandre sa kaniya.

“Isa kang ahas na pinatuloy ni dad sa bahay na ito. Hindi na namin hihintaying lumaki ka upang lamunin kaming lahat dito. Masaya kami noong wala ka, gumulo lamang noong dumating ka, at ngayong mawawala ka na ulit, sana hindi na namin muling makita ni anino mo!” asik ni Alexandre saka pabagsak na isinara ang gate.

Narinig iyon lahat ng kapitbahay nilang simula’t sapul ay naroroon, nag-aabang na animo’y may magandang palabas na nasaksihan. Muling umalingawngaw ang bulong-bulungan, na sa ngayon ay nakatukoy kay Elise.

“Ikaw naman pala itong manggagamit, dinamay mo pa si Irish,” anang katulong na kaibigan ni Irish.

Hindi maiangat ni Elise ang mukha sa mga taong puno ng panghuhusga sa kaniya ang tingin. Akala niya’y nagtagumpay na siyang paalisin si Irish sa bahay na iyon. Akala niya’y magtatagumpay na ang lahat ng plano niya. Hindi pala! Mali siya! Siya pa ngayon ang mas nalugmok sa putik na siya rin mismo ang gumawa.

Mahigpit na niyakap ni Irish si Alexandre at panay ang pag-usal ng pasasalamat. Akala niya’y katapusan na niya at talagang masisira na ang pangalan niya sa pamilyang buong puso niyang pinagsilbihan.

“Maraming salamat, Sir Alexandre, akala ko’y tuluyan na kayong naniwala kay Ma’am Elise,” mangiyak-ngiyak niyang sambit.

“Ano ka ba! Mas matagal ka naming nakasama, at mas kilala ka namin kaysa sa kaniya. Kaya bakit mas paniniwalaan namin siya kaysa sa’yo? Si dad, hihingi iyon ng paumanhin sa’yo sa pagbalik niya, kaso sa ngayon kailangan niya munang magpahinga, at nandoon naman si Kuya Stephen upang bantayan siya. Sorry, Ate Irish, kung minsan ay pinagdudahan ka namin,” wika ni Alexandre at niyakap ang dalaga.

Pamilya na rin ang turing niya sa mga ito. Hindi siya gagawa ng bagay na magiging dahilan upang masira ang tiwalang ilang taon niyang pinaghirapang itayo.

Advertisement