Minaliit ng Babaeng Negosyante ang Dalagitang Tindera; Natulala Siya sa Naabot Nito

Masuwerte sa negosyo si Anita. Sa kaniya kumukuha ng mga paninda ang mga tindero at tindera na naglalako sa kalye. Kada basket ang presyuhan niya, bawat basket ay mayroong laman na mga iba’t ibang paninda gaya ng mga kakanin, tinapay, mani, mais, sitsirya at iba pang pagkain. Kapag mas malaki ang puhunan ng kukuha sa kaniya ay maaari iyong dagdagan ng iba pang mga paninda, hati sila sa kikitain nito sa bawat araw.

Sa pagkakaroon ni Anita ng maganda at maayos na negosyo ay may mayroon naman siyang hindi magandang pag-uugali – napakamapagmataas at matapobre ang babae. Masyadong maliit ang tingin niya sa mga tindero at tindera kahit kung tutuusin ay ito ang mga dahilan kung bakit may pinagkakakitaan siya. Kung ipahiya niya ang mga ito at sigaw-sigawan sa harap ng ibang tao ay ganoon na lang. Wala siyang pinipiling lugar kung saan niya mamaliitin ang mga simpleng tao na wala naman ding gustong gawin kundi ang maghanapbuhay gaya niya.

“Aba, Aling Onyang, wala ka naman masyadong naibawas dito sa basket na kinuha mo sa akin ngayong araw, eh, wala naman yata kayong ginawa, hindi naman kayo nagbenta,” sigaw niya sa may edad na tindera.

“Pasensiya na, Anita, wala nga akong kinita ngayon. Tatlong pirasong sitsirya lang ang naibenta ko. Marami na rin kasing tindera at tindero na nagbebenta sa mga bus station at sa tabi ng kalsada. Marami na kaming kakumpetensiya,” sagot ng matanda.

Ang totoo’y hirap nang makipagsabayan si Aling Onyang sa mga tindero at tindera na umaakyat sa bus para doon magbenta. Kaunting lakad nga lang ay napapagod na at hinihingal ang matandang babae. Kailangan din kasi ng mas mabilisang pagkilos dahil talamak ang hulihan ng mga kolorum na sasakyan.

“Aling Onyang, idagdag mo na po itong isandaang piso sa kita niyo. Pasensiya na po, kahit ako’y hirap ding magtinda at mahina rin ang kita,” sabad ng dalagitang tindera na si Maggie. May mabuting kalooban ang dalagita na malaki ang puso lalo na sa mga matatanda, ngunit sa pagkakataong iyon ay isandaan lang talaga ang maibibigay niya dahil may mga pangangailangan din siya at gastusin.

Napapaismid na lamang si Anita sa tuwing nakikitang palaging magkausap ang matanda at si Maggie. Inis din siya sa dalagita dahil masyadong mataas ang pangarap ng dukhang tindera. Kinabubuwisitan niya kapag nagsasabi ito na balang araw ay makakatapos ito sa pag-aaral, papatayuan nito ng malaki at magandang bahay ang mga magulang na siasang-ayunan naman ni Aling Onyang. Hindi naman iyon uubra sa kaniya kaya minsan ay sinisigawan niya ito at sinasabihang huwag mayadong ambisyosa.

“Hoy, Maggie, itigil mo na nga ang pananaginip at pangangarap mo nang gising. Tandaan mo na sa mundong ito, ang mga mayayaman lang ang mas lalong yumayaman at ang mga mahihirap naman ay habambuhay na lang na magdarahop sa kahirapan,” aniya.

Advertisement

Ngunit kahit anong sabihin niya ay hindi iyon pumapasok sa kukote ng tinderang dalagita. Patuloy pa rin itong nangangarap at sinansang-ayunan naman ng matandang si Aling Onyang.

“Buti pa kayo, Aling Onyang sinusuportahan niyo ang pangarap ko,” wika ni Maggie sa matanda.

“Dahil naniniwala ako na matutupad mo ang lahat ng nais mo, hija,” nakangiting sagot ni Aling Onyang.

Kulang na lang ay iuntog ni Anita ang ulo ng dalawang t*ngang tindera sa pader upang magising na sa katotohanan ng buhay. Dapat ay pagtuunan na lang pansin ng mga ito ang pagtitinda dahil hanggang doon na lang naman ang kayang gawin ng mga ito.

Isang araw, habang abalang nagbibilang ng kaniyang mga pera ay bigla siyang nilapitan ni Maggie.

“Ate, magpapaalam po sana ako sa iyo,” wika ng dalagita.

“Ano naman iyon?” inis niyang tanong.

“Babalik po kasi ako sa pag-aaral. Malaki na rin po ang naipon ko sa pagtitinda. Ngayon po ay ang pangarap ko naman ang aking pagtutuunan ng pansin. Nagpapasalamat po ako sa lahat ng iyong naitulong sa akin, ate. Dahil sa negosyo mo ay nagkaroon kami ng trabaho,” tugon ni Maggie.

Advertisement

Sa narinig ay nagpanting ang tainga ni Anita.

“Aba, at parang nagmamalaki ka pa? Kung iyan ang gusto mo’y malaya kang makakaalis. Ilagay mo ang basket mo sa ibabaw ng mesa. Ayoko nang makita pa ang mukha mo rito, ilusyunada! Wala ka nang babalikan pa dito!” sabi niya saka tuluyan itong pinaalis.

At nang makaalis ang tindera ay panay ang bulong niya.

“Babalik at babalik ka rin dito at magmamakaawa na tanggapin kita ulit. Ano naman ang lalamunin mo at ng iyong pamilya kung hindi ka magtitinda?” natatawang sabi ni Anita sa isip.

Makalipas ang ilang taon

Maganda pa rin ang takbo ng negosyo ni Anita ngunit gaya ng dati ay masama pa rin ang pag-uugali niya, mahilig pa rin siyang magmaliit at mangmata sa kaniyang kapwa. Wala na rin siyang balita kung ano na ang nangyari kay Maggie. Mula kasi nang umalis ito ay hindi na ito nagpakita pa. Sa isip niya ay baka kumuha na ito ng paninda sa ibang negosyante dahil walang nangyari sa pag-aaral nito o baka nagtatanim na lang ng kamote sa probinsya dahil sa mga nabigong pangarap. Masyado kasing ambisyosa. Natatawa na lang siya sa mga naiisip niya.

Isang araw, si Aling Onyang naman ang lumapit sa kanila.

“Anita, magpapaalam na ako sa iyo ha? Ibabalik ko na itong basket, huling kuha ko na ito,” masayang sabi ng matanda.

Advertisement

Tinaasan lang niya ng kilay ang tinuran ng tindera.

“Bakit? May nahanap ka na bang bagong trabaho? Ang tanda mo na, wala nang tatangap pa sa iyo. Paano mo mapapalamon ang pamilya mo?” tanong niya.

“Pinuntahan kasi ako ni Maggie kahapon, ang batang iyon, may sarili na siyang negosyo ngayon. May-ari na siya ng isang kilalang restawran dito sa Maynila. Nakakagulat nga, eh, mayroon na agad siyang labinlimang branch ng restawran niya sa buong bansa, at balita ko’y may itinatayo ulit na bago sa Davao. Nakapagtapos siya bilang Magna Cum Laude sa kursong business adminsitration sa tulong ng scholarship na nakuha niya. Natupad na niya ang mga pangarap niya, naipatayo na rin niya ng malaki at magandang bahay ang pamilya niya. Binigyan nga niya ako ng puhunan para magtayo rin ako ng isang maliit na negosyo para hindi na ako nagtitinda sa kalye at sa istasyon ng bus. Nakakatuwa ang batang iyon, hindi nakalimot,” tuwang-tuwang sabi ni Aling Onyang.

Natulala at napanganga si Anita nang malaman niya na mas asensado pa sa kaniya ang dalagitang tindera na minaliit niya noon. Hindi siya makapaniwala na mali ang sinabi niya na walang pag-asa ang isang taong mahirap na makaahon dahil nagawa nga ni Maggie na matupad ang mga pangarap nito.

Ipinakita sa kuwento na basta may pananalig at pagtitiyaga ay maaabot ang lahat ng naisin sa buhay.