
Laging Umuuwi nang Lasing, Nagdala ng Babae at Nanakit pa ng Misis ang Mister; Matinding Ganti ang Ipararanas Nito sa Kaniya
Madalas na lampas hatinggabi kung umuwi sa bahay nila si Oman at lasing na lasing pa. Sinong asawa ang matutuwa sa ginagawa niya? Kaya ang misis na si Annabelle ay nagbubunganga sa tuwing dumarating siya.
“Anong oras na, Oman? Hindi ka na ba nagsawa sa pag-inom?” sigaw niya sa asawa nang makitang lulugu-lugo ito sa sobrang kalasingan.
“Put*ng ina ka! Huwag mo akong pinakikialaman ha? Kung ayaw mong samain ka sa akin!” singhal nito sa kaniya.
Pagkatapos siyang murahin at sigawan ng mister ay tinulugan na siya nito. Pinagsisisihan niya tuloy kung bakit ginusto at pinakasalan ang gaya ni Oman.
“Ugaling dem*nyo, asal dem*nyo!” naiiyak na sabi niya sa isip.
Tatlong taon na silang nagsasama bilang mag-asawa, sa una lang niya naranasan sa lalaki ang sarap ng relasyon ngunit habang tumatagal ay unti-unting nag-iiba ang ugali nito at ipinapakita ang tunay na kulay. Lasenggo at babaero pala si Oman na akala niya dati ay isang responsable at mabuting esposo. Kaya nga suhestiyon sa kaniya ng mga magulang ay…
“Huwag mo na lamang intindihin, ikaw na lang ang umunawa, anak. Mas mahalaga na buo pa rin ang pamilya, huwag mong hayaan na masira,” payo ng nanay niya.
“Oo nga, anak. Mag-usap kayong mag-asawa, wala namang gusot o problema na hindi nadadaan sa maayos na pag-uusap,” sabad naman ng tatay niya.
“Maaari ba naman po iyon? Sobra na po ang ginagawa niya sa akin,” naluluhang sagot ni Annabelle sa mga magulang.
“Naku ang tatay mo ganyan din dati, pinagagalitan ko’t sinasaway ko noon kapag palaging umuuwi nang lasing at nagbibisyo, mas lalong naging matigas ang ulo pero nang pabayaan ko at ‘di na lang ako kumibo sa mga ginagawa niya, ayun tumigil at tumino na. Magsasawa rin ’yang asawa mo,” wika ng nanay niya.
Sinunod niya ang payo ng ina. Ano mang oras dumating si Oman, kahit lasing na lasing ay hindi niya ito pinapansin, nakatingin lamang siya, tahimik lang at hindi siya kumikibo.
“Hoy, kakain ako, ipaghanda mo ako ng pagkain,” wika nito.
“Sige,” tangi niyang nasabi.
Ipinaghain niya ang asawa. Tahimik lang ito at wala ring kibo na nakatingin sa kaniya. Pagkatapos kumain ay nahiga na ito sa kama at natulog.
Patuloy siyang nanahimik ngunit mukhang hindi epektibo ang pamamaraang iyon, tuluy-tuloy pa rin si Oman na gabi-gabing pag-uwi nang lasing na umaalingasaw ang alak sa bunganga.
“Diyos ko, mas lalo pa yata siyang lumala,” bulong ni Annabelle sa sarili nang makitang halos pagapang nang umuwi ang asawa sa sobrang kalasingan.
Mas lalo siyang nagulat nang bukod sa hatingggabi nitong pag-uwi ng lasing ay may kasama na itong babae na iniuwi sa bahay nila.
“S-sino siya?” tanong niya.
“Bata ko sa kabaret, nagkasunog doon sa lugar na tinitirhan niya, wala siyang matitirhan ngayon kaya dito na muna siya sa atin,” nakangisng sagot ng mister.
Sa sinabi ni Oman ay hindi na napigilan ni Annabelle ang nag-uumapaw na galit at pinagdiliman na ng isip kaya sunud-sunod na sabunot ang ginawa niya sa babae.
“Ang kapal din naman ng mukha mong babae ka! Sigurado namang alam mo na may asawang tao ang kinakalantari mo, naglalandi ka pa rin!” singhal niya.
Ngunit mabilis siyang sinaway ni Oman…
“Eskandalosa ka!” galit nitong sabi sa kanya sabay sinampal siya nito nang ubod lakas sa pisngi.
“Siya pa talaga ang ipagtatanggol mo?” tanong niya sa mister.
“Oo dahil wala ka nang silbe sa akin. Mas bata siya sa iyo at sariwa, ikaw bilasa ka na!” sagot ni Oman sa kaniya.
Sa tinuran ng asawa ay halos mabaliw si Annabelle. Harap-harapan siyang minaliit ng lalaki habang naroon ang babae nito. Sobra siyang napahiya sa ginawa nito.
Hindi rin naman nagtagal sa bahay nila ang babae, pinaalis din ito ni Oman nang magsawa. Halos gabi-gabi namang sinasaktan at binubugb*g ng lalaki ang asawa dahil sa ginawa nitong pamamahiya sa babae nito.
Simula noon ay hindi na nagkikibo si Annabelle, kahit gabi-gabing sinasaktan ni Oman ay bigla itong nanahimik pero ginagampanan pa rin niya ang kaniyang mga tungkulin bilang asawa ni Oman. Para bang balewala na lamang sa kaniya kung ano mang oras umalis o dumating ang mister at kung ano pa ang gusto nitong gawin. Sa araw-araw ay wala siyang ginawa kundi ipagluto ng paboritong ulam ang lalaki kaya naman nagtataka na si Oman sa mga ikinikilos niya ngunit kapag kargado ng alak ang utak ng mister ay nawawala ang pagtataka nito at ganadong-ganadong kumain sa lahat ng inihahanda niya.
Makalipas ang ilang araw, bigla na lamang nakaramdam si Oman ng kakaibang sakit sa kaniyang tiyan. Iniisip tuloy niya na baka dahil iyon sa sobrang pag-inom niya ng alak, ngunit isang umaga ay mas lalong tumindi ang nararamdamang sakit ng kaniyang tiyan. Matinding-matindi na halos mamilipit na siya sa sobrang sakit.
“I-itawag mo nga ako ng doktor o dalhin mo na ako sa ospital,” utos ni Oman kay Annabelle.
Biglang napahalakhak ang asawa.
“Doktor? Ospital? Sige, lumakad kang mag-isa! Tingnan mo kung may magagawa pa ang mga doktor o ang ospital sa sakit mong iyan! Wala na, Oman, wala na!”
Napamulagat si Oman sa sinabi ng misis.
“B-bakit? Ano ang ibig mong sabihin?”
At ikinagulantang ng lalaki ang katotohanang sumambulat sa kaniya.
“’Di mo ba napupuna, asikasung-asikaso kita sa pagkain nitong mga nagdaang araw? Mas marami kang kinakain ay mas nasisiyahan ako, alam mo ba kung bakit? Bawat pagkain idulot ko sa iyo, nilalahukan ko ng paunti-unting lason at bubog,” bunyag ni Annabelle.
“A-ano?!”
“At iyan lang ang hinihintay kong dumating. Ang maramdaman mo ang matinding sakit, ang epekto ng lason at bubog. Ngayon ay maaari na kitang layasan dahil dumating na ang araw ng ganti ko sa lahat ng kawalanghiyaan mo sa akin,” sambit pa ng asawa.
Magsisi man si Oman ay huli na, unti-unti na siyang nanghina dahil sa lason at bubog na nasa loob ng kaniyang katawan.
Habang dahan-dahang nawawalan ng buhay ang mister ay abot langit naman ang ngiti ni Annabelle na may halong pagluha dahil sa wakas ay tapos na ang kaniyang kalbaryo ngunit dahil sa inilagay niya sa kaniyang mga kamay ang batas ay siguradong may balik din na karma ang ginawa niya. Hihintayin na lamang niya ang paniningil ng tadhana sa mali niyang pamamaraan.