
Kinamumuhian ng Dalaga ang Pasyenteng Nangholdap sa Kaniya; Sa Huli ay Pag-Ibig ang Mararamdaman Niya Rito
Nagtatrabaho si Katrina bilang nars sa isang pribadong pagamutan. Isang gabi, pauwi na siya galing sa duty at nag-aabang ng masasakyan sa madilim na kanto ay nangyari ang ‘di niya inaasahan…
“Holdap ito, miss! Ibigay mo sa akin ang lahat ng pera at alahas mo, bilisan mo kung ayaw mong samain ka sa akin!” wika ng lalaking holdaper na itinutok sa tagiliran ni Katrina ang hawak nitong patalim.
“D-Diyos ko! Maawa ka sa akin! Sige, ibibigay ko ang kailangan mo, huwag mo lang ako sasaktan,” gulat na sabi ng dalaga.
Nang maibigay niya sa lalaki ang pera’t alahas na dala…
“Madali ka naman palang kausap, eh. Maraming salamat sa iyo, miss,” nakangising sabi ng holdaper saka nagmamadaling umalis at bigla na lang nawala sa dilim.
“Ang hayop na ‘yun, natangay lahat ng perang kasusuweldo ko’t hikaw at kwintas na regalo pa sa akin ni mama,” mangiyak-ngiyak na sambit ni Katrina sa isip.
Kitang-kita niya ang mukha ng lalaking holdaper kaya kapag nag-krus ulit ang kanilang landas ay makikilala niya ito. Hindi na niya nagawang magsumbong sa pulis dahil abala pa iyon sa kaniya kaya pinili na lang niyang kalimutan ang masamang karanasang iyon.
Kinabukasan, habang naka-duty siya sa ospital, namangha siya nang makita ang isang pasyenteng isinugod doon ng mga pulis.
“S-siya, siya nga ‘yung humoldap sa akin kagabi! Hindi ako maaaring magkamali, siya ‘yon,” gulat na sabi ni Katrina sa sarili.
Walang malay ang lalaking holdaper na nakahiga sa kama, sugatan ito’t may tama ng baril sa katawan. Napansin din niya na guwapo pala ito at maganda ang tindig ngunit kapag naaalala niya ang ginawa nitong panghoholdap sa kaniya kagabi ay nasusuklam siya rito. Mas lalo niyang ikinabigla na siya pa pala ang nagkataong naka-assign na mangalaga sa pasyente. Wala siyang nagawa, tawag iyon ng kaniyang tungkulin bilang nars.
“Ano ho ang dahilan at bakit niyo siya nabaril?” tanong niya sa isa sa mga pulis na naroon.
“Ni-raid namin sila habang nagpa-pot session, nanlaban kasi eh,” sagot ng pulis.
Napag-alaman pa niya na bukod sa pagiging holdaper ay isa ring ad*k ang lalaki.
“Kaya pala walang magawang matino ang hayop na ito kasi ad*k, tama lang na nangyari sa iyo iyan,” gigil niyang sabi.
May sinumpaan siyang tungkulin na dapat gampanan kaya kahit galit na galit siya sa pasyenteng holdaper ay nilapatan niya pa rin ito ng lunas.
Nang magkamalay ang lalaki ay laking gulat nito nang makita siya.
“Huh! Ikaw?” anito.
“Hmp! Ako nga! Pasalamat ka’t nabuhay ka pang g*go ka!” sabi niya sabay irap.
Inamin naman ng lalaki ang nagawa at humingi ng tawad sa kaniya.
“S-sorry, miss, sa nagawa kong ksalanan sa iyo,” wika ng lalaki sa sinserong tono.
“Sorry? Okey lang sana ‘yun kung sa mabuti mo pinakinabangan mga kinuha mo sa akin, eh, kaso sa masamang bisyo,” tugon niya.
“Hindi ko naman talaga kagustuhang maging ganoon ang buhay ko, eh…kaya lang, gusto kong tumakas sa realidad,” paliwanag ng lalaki.
Mas lalong nainis si Katrina.
“Ang sabihin mo’y duwag ka! Ayaw mong harapin nang buong tatag ang mga problema mo. Look…kundi ospital o bilangguan, sementeryo na sana ang kinahantungan mo nang dahil sa iyong masamang bisyo,” aniya.
Hindi na sumagot pa ang lalaki, tanggap nito ang pagkakamali at patuloy na humingi ng paumanhin sa kaniya. Sa ilang araw na magkasama sila ay unti-unting nawala ang galit niya sa lalaki at nakapalagayan na niya ito ng loob.
Mahigit isang linggo rin ang inilagi sa ospital ng lalaki na nagpakilalang si Andrei. Dumalaw din doon ang mga magulang nito.
“Katrina, sila ang aking mama at papa. Ilalabas na nila ako dito,” pagpapakilala ng lalaki sa mga magulang.
“Maraming salamat sa pag-aasikaso mo sa anak namin, hija,” wika ng ama ni Andrei.
“Nalaman namin ang nangyari sa inyo ni Andrei, pasensiya ka na, hija ha?” sabi naman ng ina ng lalaki.
“Naku, wala na po iyon. Kinalimutan ko na po,” tugon niya.
“Salamat, Katrina. Makakaganti rin ako sa mga utang ko sa iyo,” sabad ni Andrei.
“Huwag mo nang isipin ‘yun. Sapat na sa akin ang magbago ka, Andrei. Palagi mong isipin na walang magagawang mabuti sa buhay mo ang dr*ga,” sagot ni Katrina.
Nang tuluyang makalabas ang lalaki sa ospital, hindi maipaliwanag ni Katrina ang nararamdaman niya. May mga pagkakataon na hinahanap-hanap niya si Andrei. Nami-miss niya ito. Nalaman din niya na hindi ito nakulong dahil lumabas sa imbestigasyon na hindi naman pala ito gumagamit ng dr*ga, mga kasama lang nito ang totoong mga ad*k, napasama lang ito sa raid dahil mga malalapit na kaibigan ng lalaki ang iba pang nahuli.
“Hindi naman pala siya totoong ad*k. Nagawa lang niya ang mangholdap noon dahil sa problema niya. Mayaman din pala ang pamilya nila, pero bakit naisipan pa niyang gumawa ng ganoong bagay?” tanong niya sa isip.
Isang araw, wala siyang pasok sa ospital. May ‘di inaasahang bisita na pumunta sa bahay niya.
“A-Andrei? P-Paano mo nalaman itong sa amin?” gulat niyang tanong.
“Ipinagtanung-tanong ko sa labas. Teka, hindi mo ba ako patutuluyin?” sagot ng lalaki.
Nang makita niya ulit si Andrei ay ‘di na niya napigilan ang sarili na matuwa at kiligin.
“Alam mo ba na magkasundo na ang mga magulang ko? Hindi na sila nag-aaway at lagi na silang nasa bahay. Iyon talaga ang problema ko noon, eh, ngayong okey na sila ay kakalimutan ko na ang mga kalokohan ko. Itutuwid ko na ang buhay ko,” sambit ng lalaki.
Mas lalong ikinatuwa ni Katrina ang sinabi ni Andrei.
“Mabuti naman kung ganoon,” aniya.
“Alam mo, marami akong natutunan sa iyo at tama nga, dapat lang pala’y harapin ko ng buong tatag ang aking mga problema. A-aaminin ko rin na itinuwid ako ng pag-ibig. Sa maikling panahon ng pagkakakilala nati’y natutunan na kitang mahalin, Katrina,” hayag ng lalaki.
Pinamulahan ng pisngi si Katrina.
“A-Andrei?”
“This time, ibig kong turuan mo ako ulit kung paanong mapalapit sa puso mo. Maaari ba?” dagdag pa ng lalaki.
Sa oras na iyon ay hindi na rin napigilan ni Katrina ang tunay na nararamdaman.
“Sa kaunting panahon na magkasama tayo’y natutunan na rin kitang mahalin, Andrei. Napagtanto ko na hindi ka masamang tao, naligaw ka lamang ng landas pero ngayong naliwanagan ka na at patuloy nang nagbabago ay sino ba naman ako para hindi ka bigyan ng pagkakataon? Tinatanggap ka rin nitong puso ko, Andrei,” sagot niya.
Naging magkasintahan ang dalawa at ‘di nagtagal ay nagplano na rin sila ng kanilang kasal. Tuluyan nang kinalimutan ni Andrei ang madilim niyang nakaraan – dahil iyon kay Katrina at sa wagas na pagmamahal nila sa isa’t isa.