
Gustong Idispatsa ng Lalaki ang Lumang Kawali ng Namayapang Ina; Ano kaya ang Dahilan Niya?
“Ngayon lang ulit ako nakabalik dito. Natatandaan ko na ang huling punta ko rito ay noong sampung taong gulang pa lang ako,” wika ni Marco sa isip nang muling marating ang lumang bahay nila sa probinsya kasama ang papa at mama niya.
Nagpunta sila sa bahay ng kaniyang mga lolo at lola para permanente nang tumira roon. Ang Lolo Serapio niya ay lagpas dalawampung taon na nang pumanaw samantalang ang Lola Vania niya ay dalawang taon pa lang ang nakakalipas nang sumakabilang buhay. Napagpasyahan ng kaniyang ama na sa probinsya na manirahan dahil doon ito nadestino sa trabaho bilang supervisor sa branch ng kumpanyang pinapasukan nito sa lugar na iyon.
“Kahit may kalumaan na ay maayos pa rin naman ang bahay na ito. Kaunting linis at lagyan lang ito ng bagong pintura ay magmumukha ulit itong bago,” sabi ng amang si Felino.
“Saka tahimik dito, anak. Malayo sa mga maiingay at tsimosa nating mga kapitbahay sa Maynila,” sabad naman ng inang si Lorena.
“Tahimik nga po. Gusto ko rin naman po dito kaso mas maganda pa rin sa Maynila,” sagot niya.
“Masasanay ka rin dito, anak,” saad pa ng ama.
Naisipan ni Marco na libutin ang lumang bahay. Sa silong ng bahay ay naroon ang lumang tambakan na dati raw silid lutuan ng kaniyang lola.
“Mama, dito po ba ‘yung sinasabi niyong silid lutuan ni lola?”
“Oo, anak. Noong nabubuhay pa ang lola mo ay palagi siyang narito, gumagawa at nagluluto ng iba’t ibang klase ng masasarap na ulam na itinitinda niya sa mga kapitbahay. Ang pinaka-espesyal niyang niluluto ay ang kaldereta na kilalang-kilala sa lugar na ito. Ang kaldereta ng Lola Vania mo ang pinakamasarap na kaldereta na natikman ko. Walang katulad,” wika ng ina.
“Totoo po iyon. Natikman ko na po ang kaldereta ni lola nung nabubuhay pa siya at masasabi kong napakasarap nga.”
Maya maya ay may kung anong nahagip ang kaniyang paningin.
“’Ma, ang laking kawali!” wika ni Marco.
“Oo, iyan ang pinakapaboritong kawali ng lola mo. Ginagamit niya ‘yan noon sa pagluluto,” tugon ni Lorena sa anak.
“Napakalaki naman po!” manghang sabi ng binata.
Nang biglang may narinig silang sumigaw sa kanilang likuran.
“Anak, huwag na huwag mong hahawakan ‘yan!” sigaw ni Felino.
Nagulat ang mag-ina sa inasal ng lalaki.
“Bakit mo naman pinagbabawalang hawakan ng anak mo itong kawali ng inay mo?” nagtatakang tanong ni Lorena sa asawa.
“Malas ang kawaling iyan. Nang dahil diyan ay pumanaw ang inay!”
“Pero, mahal, sakit sa atay ang ikinas*wi ni inay at walang kinalaman ang kawaling iyan.”
“Basta, galawin niyo na ang lahat dito, huwag na huwag lang ang bagay na iyan. Malas ‘yan!” anas pa ng lalaki.
Hindi na nakipagtalo pa si Lorena sa asawa dahil ayaw niyang mag-away pa silang dalawa dahil doon. Nagtataka naman si Marco kung bakit ganoon na lamang ang galit ng ama sa kawali ng lola niya.
Nang sumunod na araw, nag-umpisa nang magtrabaho si Felino. Naiwan ang mag-ina sa lumang bahay. Naglambing naman si Marco sa ina na ipagluto siya nito.
“Mama, parang gusto kong kumain ng kaldereta. Nami-miss ko na ang kaldereta ni lola. Ipagluto niyo naman ako ng sarili niyong bersyon ng kaldereta, mama,” hiling ng binata.
“Hindi naman ako kasing sarap magluto ng lola mo, pero sige, ipagluluto kita ng kaldereta, anak.”
Nang bigla na lamang may pumasok sa isip ni Marco.
“Gamitin niyo po ‘yung kawali ni lola sa pagluluto,” aniya.
“Naku, baka magalit ang papa mo ‘pag nalaman niyang ginamit ko iyon!”
“Hindi naman po natin ipapaalam, eh. Sige na po, mama!”
“Oo na, gagamitin ko na,” wika ng ina sabay yakap at halik sa anak.
Hinugasan muna ni Lorena ang lumang kawali bago iyon gamitin sa pagluluto. Habang abala ay may ‘di inaasahang mga bisita na dumating.
“Tao po, tao po!”
Hinarap ni Marco ang dalawang matandang babaeng nasa labas ng kanilang bahay.
“Sino po sila?”
“Magandang araw, hijo. Ako si Melba at siya naman ang kapatid kong si Corazon. Mga kapitbahay niyo kami. Nakaugalian na kasi namin na dalawin ang mga bago naming kapitbahay para makilala,” pakilala ng isang matandang babae.
“Ganoon po ba, sandali lang po at tatawagin ko ang mama ko,” aniya. “mama, mama, may mga bisita po tayo!”
Saglit na iniwan ni Lorena ang ginagawa at hinarap ang mga bisita.
“Mama mga kaptbahay natin sila. Nakaugalian na raw po nilang dumalaw sa mga bagong lipat para makilala nila,” wika ni Marco sa ina.
“Magandang araw po, ako si Lorena at ito ang aking anak na si Marco. Ako po ang asawa ni Felino ang nag-iisang anak nina Vania at Serapio na may-ari ng bahay na ito.”
“Kayo pala ang mag-ina ng anak nina Vania? Kumusta na siya? Alam niyo ba na malapit naming kaibigan ang mag-asawang Vania at Serapio,” tanong ni Melba nang may maamoy itong pamilyar na amoy. “T-teka, teka, h-hindi ako maaaring magkamali, ang amoy na iyon, iyon ang kalderta ni Vania!”
Sumang-ayon naman ang kapatid nitong si Corazon nang maamoy din ang naiibang amoy na iyon.
“A-ano’ng ibig niyong sabihin? Ako ang nagluluto ng kaldereta. Dalawang taong nang pat*y si Inay Vania,” gulat na sabi ni Lorena.
“Pero ganyan na ganyan ang amoy ng kaldereta ni Vania kapag niluluto,” giit ng matanda.
Napapaisip ang mag-ina sa sinabi ni Melba kaya inimbitahan ni Lorena ang magkapatid sa loob ng bahay. Nang maluto ang kaldereta ay inalok niya ang dalawang matanda.
“Sabi na nga ba, ito ang kaldereta ni Vania. Ang pinakamasarap na kaldereta sa buong nayon,” wika pa ni Melba. “Paano mong nagawa ito? Itinuro ba niya sa iyo kung paano ang pagluluto nito?”
“Walang kasing sarap… Malaki ang kikitain mo pag ibinenta mo ito. Noong nabubuhay pa si Vania ay ang pagbebenta ng mga lutong ulam ang ikinabubuhay nilang mag-asawa,” wika ni Corazon
Nang tikman iyon ng mag-ina ay pati sila ay nanlaki ang mga mata sa sobrang sarap.
Hindi makapaniwala si Marco kung bakit nagkaganoon ang lasa ng kalderetang niluto ng kaniyang ina. Ano’ng kababalaghan ang nangyayari?!
Kinagabihan, nakita ni Felino ang nilutong kaldereta ng kaniyang asawa at kinain iyon. Nagsalubong ang kilay nito nang malasahan iyon.
“Saan galing ang kalderetang ito?” singhal ng lalaki.
“A-ako ang nagluto niyan. Bakit, ano’ng problema?” tanong ni Lorena sa asawa.
“Anong ginamit mo sa pagluluto nito? Umamin ka sa akin!”
“G-ginamit ko ‘yung lumang kawali ng iyong ina.”
“’Di ba sinabi ko na huwag na huwag niyong gagamitin ang kawali? Malas ‘yon, malas! Nang dahil dun ay nagkasakit nang malubha si inay, nang dahil sa pagluluto niya ng kung anu-ano ay pumanaw siya. Bukas na bukas din ay itatapon ko ang buwisit na kawaling iyon para hindi na makaperhuwisyo rito!” gigil na sabi ni Felimon.
Habang nahihimbing naman sa pagtulog si Marco ay napanaginipan niya ang kaniyang Lola Vania, kasama nito ang Lolo Serapio niya. Nag-usap sila sa panaginip.
“Lolo, lola, kayo nga! ‘Di po ba nasa langit na kayo? Bakit po kayo narito?” tanong niya.
“Kami nga, apo. Nais lang namin ng lolo mo na iparating mo sa iyong papa na huwag itapon ang kawaling paborito kong gamitin noon sa pagluluto dahil iyon ang pinaka-espesyal na regalong ibinigay sa akin ng lolo mo nung unang anibersaryo namin bilang mag-asawa. Huwag kamo niyang isisi sa bagay na iyon o sa aking pagluluto noon kung bakit ako nagkasakit at nas*wi. Matagal na akong mayroong malubhang karamdaman sa atay, inilihim ko iyon sa iyong papa dahil ayaw ayaw ko na siyang bigyan pa ng alalahanin. Pakiusap namin ng lolo mo na huwag na huwag niyong itatapon ang kawali dahil iyon na lamang ang natitirang alaala ng pagmamahalan naming dalawa. Pakisabi rin sa kaniya na masaya na kami kung nasaan kami ngayon,” hayag ng lola niya.
Pagkatapos ay biglang nagising si Marco. Dali-dali siyang lumabas sa kwarto at pinuntahan ang ama para ikuwento ang napanaginipan.
Hindi makapaniwala si Felino at si Lorena sa mga ikinuwento ng kanilang anak. ‘Di napigilan ng lalaki na maiyak sa nalaman.
“Kaya huwag niyo na pong itapon ang kawali ni lola, papa. Sa halip ay gamitin po natin ito para ipagpatuloy ang paggawa ng masasarap na ulam. Siguradong matutuwa sina lola at lolo,” pakiusap ni Marco.
Nangako si Felino na hindi na itatapon ang lumang kawali at gagamitin nila iyon para ituloy ang negosyong nasimulan ng kaniyang ina: ang pagluluto ng mga ulam lalo na ang espesyal na kaldereta na sikat na sikat sa kanilang lugar. Ipinagdasal din nila ng kaniyang pamilya ang kaluluwa ng ina’t ama na alam niyang payapa na sa kinaroroonan ng mga ito.