
Kinuha Siyang Imbestigador ng Isang Kilalang May-ari ng Kumpanya; Sino Kaya ang Salarin sa Pagkawala ng mga Importanteng Dokumento at Pera Nito?
Dahil sa pagiging metikuloso ng binatang si Adrian at galing niya sa pag-iimbestiga sa mga bagay-bagay, hindi kalaunan ay naabot niya ang pangarap niyang maging isang private investigator. Hindi man hanga sa propesyon niya ang karamihan dahil nga hindi naman regular ang trabaho niya lalo na’t hindi pa siya ganoon kakilala sa naturang industriya, pinagpatuloy niya pa rin ito dahil ito ang tinitibok ng puso niya.
Minsan siyang binalaan ng kaniyang ina na maaaring malagay sa alanganin ang kaniyang buhay sa trabaho niyang ito ngunit imbes na matakot, labis pa siyang nasabik dito.
“Kung malalagay sa alanganin ang buhay ko, nanay, dahil sa pagbubungkal ng katotohanan, isang karangalan sa akin iyon!” tuwang-tuwa niya pang sagot sa ina.
“Puro ka kalokohan! Seryoso ako! Nag-aalala ako sa tuwing aalis ka, sa tuwing may kausap ka sa selpon! Sa lahat ng ginagawa mo, nag-aalala ako! Kung mahal mo ako, anak, mag-iba ka na ng trabaho mo, pakiusap!” sigaw nito sa kaniya.
“Nanay, para saan pa ‘yong ilang taon kong pag-aaral kung hindi ko naman gagamitin? Pinaghirapan niyo akong pag-aralin, eh! Wala naman kayong dapat ikapag-alala, bukod sa minsan lang naman ako magkaroon ng kliyente, marunong din naman akong makipaglaban!” pagmamalaki niya habang umaaksyon pang nakikipagsuntukan.
“Diyos ko! Tumahimik ka na nga lang! Lalo mo lang akong pinapakaba!” bulyaw pa nito sabay pingot sa tainga niya.
Habang iniinda niya ang sakit ng pingot ng ina, biglang tumunog ang kaniyang selpon dahilan para bitawan nito ang kaniyang tainga at siya’y hayaang makipag-usap.
Nang sagutin niya ito, agad nagningning ang mga mata niya nang marinig na ang tawag na ito ay galing sa isang kliyenteng may gustong paimbestigahan tungkol sa kaniyang kumpanya.
“Makakaasa po kayo, sir! Magpupunta na po ako riyan ngayon!” sabi niya rito sabay baba ng tawag.
Pag-aalala man ang agad niyang nakita sa mukha ng ina, niyakap niya lang ito saka agad nang lumisan.
Pagdating niya sa kumpanyang iyon, sandamakmak na mga papeles ang nagkalat sa opisina ng kaniyang kliyente.
“Nawawala ang mga importanteng dokumento ng kumpanya ko, hijo, at hindi ko alam kung sino ang kumuha no’n! Wala kaming nakuhang kopya ng CCTV dahil lahat ay nabura na agad ng may sala!” hikbi ng kaniyang kliyente.
“Sige po, sir, ako pong bahala,” sagot niya habang pinagmamasdan ang buong opisina.
“Salamat, hijo. Ito ang anak ko, pagtulungan niyong alamin kung sino ang may kagagawan niyan. Nahahapo na ako, nanlalambot ako sa mga pangyayari!” sambit pa nito saka sila iniwang dalawa roon.
“Umuwi ka na, ako nang bahala rito. Aabot ko na lang ang sweldo mo,” sabi sa kaniya ng binata na ikinapagtaka niya.
“Bakit naman po, sir? Alam niyo po ba kung sino ang may kagagawan nito?” pang-uusisa niya rito.
“Malamang hindi! Pinagbibintangan mo ba ako?” galit na sagot nito dahilan para siya’y kutuban na.
Imbes na makipagtalo sa binatang iyon, minabuti niyang umalis sa opisinang iyon katulad ng sabi nito at patagong mangalap ng iba’t ibang impormasyon tungkol sa pagkatao nito.
Sa paghahanap niya ng mga detalye tungkol sa pagkatao nito, nalaman niyang hindi pala ito tunay na anak ng kaniyang kliyente. Ampon lang pala ito at may dating kaso na sa pulisya.
“Siya kaya ang may gawa nito?” tanong niya sa sarili saka na siya nagdesisyong magkabit patago ng mga kamera sa buong gusali ng kumpanya ng kaniyang kliyente na nakakonekta sa kaniyang selpon. Halos malaglag siya sa kinauupuan niya nang makitang ang binatang ito ay muling nagtungo sa opisina ng kanihang kliyente upang kuhanin ang perang nasa loob ng bolt nito, “Bingo! Sabi na nga ba, eh!” sigaw niya.
Kinabukasan, katulad ng inaasahan niya, muli na namang tumawag sa kaniya ang kaniyang kliyente at sinabing nawawala naman ang mga pera nito. Roon na siya nagpasiyang isiwalat ang lahat ng kaniyang nalalaman.
“Hindi ba’t sinabi kong ako na ang bahala dito? Wala namang maitutulong ang mga private investigator na katulad mo na puro pera lang ang alam!” galit na bungad ng binata sa kaniya nang makita siya sa opisina.
“Sinong nagsabi sa’yong wala akong maitutulong? Sa katunayan, alam ko na nga ang lahat, eh!” matapang niyang sabi rito saka pinakita rito ang bidyo na nakuha niya habang ginagawa nito ang pagnanakaw.
“Walang hiya ka! Ikaw lang pala ang may kagagawan ng lahat nang ito! Paano mo nagawa sa akin ‘to?” iyak ng kaniyang kliyente at bago pa sumagot ang binatang ito, dinampot na ito ng mga pulis na tinawagan niya.
Nanginginig man sa galit ang kaniyang kliyente, pinasalamatan pa rin siya nito at inabutan ng tseke na may malaking halaga ng pera na labis niyang ikinatuwa.
Dahil sa tagumpay na ito, napawi niya kahit papaano ang kaba ng kaniyang ina nang mabili niya ito ng bahay at lupa mula sa perang kaniyang kinita.
“Lumalaban naman ako nang patas, nanay. Hindi ako agresibong imbestigator kaya wala kang dapat ikapag-alala,” paliwanag niya pa rito na nakatanggal sa pag-aalala nito sa kaniyang propesyon.