
May Nagsusunog sa Likod Bahay ng Dalagang Ito, Nadurog ang Puso Niya nang Malaman ang May Sala
Kada sasapit ang alas diyes ng gabi, kung hindi amoy ng kandila, amoy naman ng posporo ang bumabalot sa buong bahay ng dalagang si Karmen at sa tuwing susundan niya kung saan nagmumula ang amoy na iyon, palagi siyang dinadala nito sa isang bakanteng lupa sa likod ng kaniyang bagong inuupahang bahay sa Maynila. Doon niya makikitang may nagbabaga ng kahoy, basura, o kung hindi nama’y mga dahon doon na labis nagbibigay takot sa kaniya dahil baka magresulta ito ng pagkasunog ng buong bahay niya.
Ito ang dahilan para idulog niya sa kanilang barangay ang mga pangyayaring iyon. Ngunit imbes na siya’y tulungan, sabi lang ng mga tanod na kaniyang nakausap doon, “Maraming bata ang palaging naglalaro sa bakanteng loteng ‘yan! Magulang ng mga batang iyon ang kausap mo, hija. Sila lang ang makakapagdisiplina sa kanilang mga anak,” na agad niya na lang ikinailing dahil sa pagkadismaya.
May pagkakataon pa namang tuwing gabi ang kaniyang pasok sa trabaho dahilan para ganoon na lang siya kabahan na baka pagkauwi niya, sunog na ang bahay niya.
Gustuhin man sana niyang ibilin ang bahay niya kahit sa isa sa mga kapitbahay niya, wala naman siyang mapagkatiwalaan sa mga ito dahil bagong lipat lang din siya roon. Wala rin siyang kaanak na pupwedeng iwan doon dahil lahat ng kapamilya niya ay may kaniya-kaniyang gawain at trabaho sa probinsya.
Kaya naman, upang malaman niya kung sino ang salarin sa pangyayaring iyon na gabi-gabi na lang nagbibigay ng takot at kaba sa kaniya, hiniling niya sa kaniyang boss na tuwing umaga na lang ang kaniyang pasok sa trabaho. Sa kabutihang palad naman, pinayagan siya nito dahilan para gabi-gabi niyang mabantayan ang kaniyang bahay.
Ngunit isang gabi, habang siya’y naglilinis ng katawan bago matulog, nagulantang na lang siyang binabalot na ng usok ang loob ng kaniyang banyo.
Doon na siya nagmadaling magbihis at pagpunta niya sa likod bahay, malaki na ang sunog na naroon kaya siya’y dali-dali nang humiling ng tulong.
Habang nagmamadali siyang magpuno ng tubig na gagamitin ng kaniyang mga kapitbahay sa pag-apula ng apoy, napansin niya ang isang batang nagsasasayaw-sayaw pa habang natataranta na ang lahat.
Noong una’y hindi niya na ito binigyan pa ng pansin, ngunit nang maapula na ang apoy at mapansin niyang nagsimula nang magwala ang batang iyon, agad na niya itong pinuntahan.
“Ayos ka lang ba? Bakit ka umiiyak? Kanina lang ang saya-saya mo, eh,” sambit niya sa bata.
“Bakit niyo tinapos ang buhay ng nanay ko? Gusto niyo bang buhay niyo ang tapusin ko?” seryosong tanong nito sa kaniya na labis niyang ikinatakot kaya siya’y napaatras na lamang.
“Naku, hija, huwag kang lumapit sa batang iyan. Nabaliw ‘yan simula nang mawala ang nanay niya. Hindi ko alam na umuuwi pa rin ‘yan dito kung saan nakatayo ang dati ang kanilang bahay,” kwento sa kaniya ng ginang na nakatira sa tabi ng bahay niya.
“Ano naman po ‘yong sinasabi niyang tinapos natin ang buhay ng nanay niya?” pang-uusisa niya.
“Siguro dahil nawala ang nanay niya nang magkasunog dito sa bahay nila noon. Baka iyon na lang ang naaalala niyang tagpo sa buhay nilang mag-ina,” sabi pa nito na labis ikinadurog ng puso niya.
Muli niyang tiningnan ang bata at nang makita niyang patuloy itong umiiyak, kahit siya’y pinipigilan ng ginang na lumapit doon, mahigpit niyang niyakap ang bata at nang gumanti ito nang mas mahigpit na yakap saka humagulgol sa dibdib niya, roon na siya nagdesisyong kupkupin ang batang ito.
Iba’t iba man ang reaksyon ng kaniyang kapitbahay sa ginawa niyang iyon, masaya niya pa ring inalagaan ang bata. Pinagamot niya pa ito at pinag-aral sa isang paaralang malapit sa kanila dahilan para unti-unting bumalik sa katinuan ang naturang bata na labis niyang ikinatuwa.
“Salamat po, nanay, hindi mo ako pinabayaan noon!” sambit nito sa kaniya nang sabitan niya ito ng medalya sa araw ng pagtatapos nito.
Simula noon, mas lalo siyang nagsumikap upang makapag-ipon ng pera pangtustos sa mga pangangailangan ng kaniyang anak. Hindi man niya inakalang dadating sa buhay niya ang batang iyon, masaya siyang magkaroon ng makakasama sa buhay.
Wala na rin ni katiting na kaba ang nasa puso niya ngayon dahil alam niyang ang salarin sa pagsusunog sa likod bahay niya ay normal na ang pag-iisip ngayon at nasa mabuti nang kalagayan.