
Naging Bayarang Babae Siya Matapos Siyang Maloko; Nanginig ang Kamay Niya nang Siya’y Biglang Posasan
Katulad ng ibang mga panganay na anak, walang ibang hinangad si Jerissa kung hindi ang matustusan ang pangangailangan ng kaniyang buong pamilya. Mapabayarin man sa tubig at kuryente o kahit pangbayad sa tuition fee ng pangalawa niyang kapatid na nag-aaral sa kolehiyo, siya na ang sumasagot dahil siya lang ang may trabaho sa kanilang magkakapatid.
Gusto mang tumulong ng kanilang ina dahil natatakot itong baka pati ang pangalawa niyang kapatid ay tumigil na rin sa pag-aaral katulad niya para may panggastos lang sa kanilang bahay, wala nang tumatanggap na kumpanya rito o kahit kainan dahil mahina na ang mga buto at pag-iisip nito. Madalas man itong sumubok na maghanap ng trabaho, napapagod lang ito at walang napapala dahilan para lahat ng responsibilidad ay kaniya nang akuin.
Sa laki ng gastusin nila buwan-buwan, hindi sapat ang kinikita niya bilang waitress sa isang restawran sa kanilang probinsya. Kaya naman, dito na siya nagpasiyang sumugal sa ibang bansa upang mabigyan ng kaginhawaan ang kaniyang buong pamilya.
Siya’y naghanap ng isang agency na maaaring makapagpalipad sa kaniya patungong ibang bansa at kahit may bayad ang agency na nakita niya, sinugal niya ang naiipong pera at agad na pumirma ng kontrata roon.
Kaya lang, pagluwas niyang papuntang Maynila para sana sa araw ng paglipad niya patungong ibang bansa, napag-alamanan niyang siya pala ay nascam at wala talagang nag-aabang na trabaho sa kaniya sa ibang bansa. Hinang-hina man sa perang nawala sa kaniya na sana’y pangbayad ng tuition ng kaniyang kapatid, pinilit niyang makapag-isip ng paraan upang hindi mawalan ng pag-asa sa buhay ang mga minamahal niya.
Habang malalim na iniisip ang pupwede niyang gawing solusyon sa problemang kinakaharap, siya’y naglakad-lakad sa Maynila bitbit ang ilan niyang maleta. Ngunit mayamaya, may tumigil na isang sasakyan sa gilid niya sabay tanong, “Miss, magkano ka isang oras?” dahilan para siya’y biglang mabuhayan ng loob.
“Isang libong piso, kaya mo?” tanong niya rito.
“Sa ganda mong ‘yan? Kahit doblehin ko pa, eh!” pilyong sagot ng drayber saka siya pinasakay sa kotse at doon na siya nagsimulang magtrabaho sa Maynila bilang isang bayarang babae.
Wala naman siyang pinagsisisihan sa trabahong mayroon siya ngayon. Sa katunayan, tinuturing niya itong biyaya dahil malaki ang kinikita niya rito dahilan para matugunan niya ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.
Ang problema nga lang, alam ng mga ito’y nasa ibang bansa siya at doon nagtatrabaho.
“Ate? Kailan ka ulit magpapadala? Kailangan ko na kasing makapagbayad sa school, eh. Hindi ako makakakuha ng pagsusulit kapag hindi bayad ang tuition fee ko,” daing ng kapatid niya nang siya’y tawagan nito sa social media.
“Mamaya, magpapadala na ako! Pasensya ka na, nawala sa isip kong magpadala kahapon, sobrang lamig kasi rito, eh, nakakatamad lumabas ng bahay!” pagsisinungaling niya.
“Salamat po, ate! Hayaan mo, ate, ilang buwan na lang, makakapagtapos na ako! Magkakaroon ka na ng kapatid na pulis!” masayang sabi nito na labis niyang ikinatuwa.
“Sinabi mo ‘yan, ha? O, sige na, magpapadala na ako! Mag-aral kang mabuti at maging isang tapat na pulis sa serbisyo!” payo niya pa rito saka niya binaba ang tawag at agad nagpadala ng pera sa kapatid.
Kasabay ng pagtaas ng perang kinikita niya sa bar na iyon, unti-unti na ring naaabot ng kapatid niya ang pangarap nitong maging isang pulis at wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang mabalitaan niyang ganap na itong pulis.
Kitang-kita niya rin ang tuwa sa mga mata ng kanilang ina na lalong nagbigay saya sa kaniya. Ngunit kahit nga may pulis na sila, kailangan niya pa ring kumita ng pera dahilan para pasukin na niya ang pagbubug*w ng mga dalaga bukod sa pagpapagamit sa kaniyang katawan.
Sa isang normal na gabi sa kanilang bar, habang nakikipagnegosisasyon siya sa mga parokyano roon tungkol sa mga alaga niyang dalagang nakakuyabit na sa mga ito, bigla na lang may nagposas sa kaniyang pulis at lalo pa siyang nagulat nang makita ang pamilyar na mukha nito – ang kapatid niya!
“Ikaw ang nagsabing maging tapat ako sa serbisyo, ate, kaya pasensya ka na. Arestado ka sa paglabag sa ilang karapatang pantao ng mga menor de edad na ito!” mangiyakngiyak na sabi ng kapatid niya na labis niyang ikinapanghina.
At dahil nga nahuli na siya sa akto, tahimik na lang siyang sumama sa kapatid niya habang paulit-ulit na humihingi ng tawad dito.
“Patawarin mo rin ako, ate. Alam kong hindi ka gagawa ng ganitong klaseng gawain kung hindi dahil sa akin,” sambit nito ngunit siya pa rin ay dinala nito sa presinto at patas na pinaimbestigahan ang kaso niya.
Nalulungkot man siya sa sinapit ng buhay niya, hindi niya pa rin maiwasang hindi mapangiti tuwing nakikita niya ang kapatid niyang ngayon ay isa nang ganap na pulis na walang kinikilingan, kahit siya na nagpaaral dito.
“Ang pagsasakripisyo ko para maging isang tapat kang pulis ang tanging tagumpay ko sa buhay,” sabi niya rito nang dalawin siya ng kaniyang ina at iba pang nakababatang kapatid.
Mahaba-haba pa man ang gugugulin niya sa kulungan, araw-araw ay tinuturing niyang biyaya dahil ito ang nagpatigil sa il*gal niyang gawain.