
Napaiyak ang Traffic Enforcer na Ito nang Magretiro; Ano ang Dahilan sa Likod ng mga Luhang Ito?
Napailing na lang si Tonyo habang minamasdan si Tatay Tirso na panay ang pagkumpas ng kamay sa katirikan ng araw.
Hindi niya talaga lubos na maunawaan kung bakit nagti-tiyaga ang matanda na mag-boluntaryo bilang traffic enforcer sa tapat ng eskwelahan.
Paano ba naman ay kakarampot lang naman ang ibinabayad sa matanda. Sa pagkakaalam niya, ilang daan lang kada araw ang isinusweldo rito, gayong maghapon ito sa arawan at delikado pa ang trabaho nito—ang pakikipagpatintero sa mga sasakyan.
Matagal na siyang nagtataka kung bakit tinanggap ng matanda ang trabaho, gayong pensyonado naman ito, at may sustento pa mula sa mga anak.
Naudlot lang ang pagmumuni-muni niya nang maramdaman niya ang pagtapik ni Bert, isa rin sa mga kasamahan niyang security guard.
“Sir Tonyo, ano, nasabi niyo na ho ba sa matanda?” usisa nito.
Napabuntong-hininga siya. Sinulyapan niyang muli si Tatay Tirso na tagaktak ang pawis bago siya sumagot.
“Hindi pa nga, eh. Hindi ko alam kung paano sasabihin. Alam mo naman na mahal na mahal niya ang trabaho niya…” malungkot na sagot niya sa kasamahan.
Bahagya pa itong napakamot sa ulo.
“Kaso wala na tayong magagawa. Matanda na si Tatay at kailangan niya nang mag-retiro…” anito, tila dismayado rin.
Kanina lang kasi nila nalaman ang balita, at bilang bisor, si Tonyo ang naatasan na magsabi noon sa matanda.
Nang sumapit ang alas tres, uwian, ay bumuhos ang mga batang pauwi. Halos mag-aalas kwatro na nang makauwi na lahat ang mga bata.
Lumapit ang matanda sa kanilang istasyon. Bakas man ang pagod sa mukha nito ay may nakahanda itong ngiti.
“‘Tay, merienda muna kayo!’ maagap na alok ni Bert bago ito inabutan ng isang stick ng banana cue na nabili nila mula sa naglalako. Inabutan rin nito ang matanda ng inumin.
“Inom na rin kayo, ‘Tay,” sabi pa ni Bert.
Habang kumakain ay panay ang kwentuhan ng dalawa habang si Tonyo naman ay tahimik lang na nakikiramdam. Humahanap siya ng tiyempo para masabi kay Tatay Tirso na tinatapos na ang eskwelahan ang serbisyo nito bilang isang traffic enforcer.
Nakakuha siya ng perpektong tiyempo nang punahin siya ng matanda.
“Aba’y kay tahimik mo naman yata, Tonyo? May problema ba?” usisa nito.
Humugot siya ng malalim na buntong hininga bago sinagot ang matanda.
“Tatay Tirso. Kailangan po nating mag-usap…” seryosong saad niya, bago niya sinabi rito ang balita.
Awtomatikong bumakas ang lungkot sa mukha ng matanda nang ilahad niya rito ang malungkot na balita.
“Wala naman tayong magagawa kung iyon ang nais ng pamunuan… Saka ayos na rin siguro ito, para makapagpahinga na ako gaya ng sabi ng mga anak ko,” sabi pa ng matanda.
Nasorpresa si Tonyo nang maluwag na tanggapin ni Tatay Tirso ang balita. Nauunawaan daw nito.
Kaya naman hindi niya inasahan nang makita ang pagluha ng matanda.
“‘Tay, ano hong problema? Bakit po kayo naiyak?” gulat na usisa niya.
Noon nagkwento ang matanda. Noon na rin nabigyang linaw ang tunay na rason kung bakit mahal na mahal ni Tatay Tirso ang trabaho nito.
“Dito sa paaralang ito nag-aral ang bunso kong anak. Dalawampung taon na ang nakalipas simula noong kinuha siya sa amin…” kwento nito.
Nanlaki ang mata ni Tonyo sa narinig. Wala kasi siyang ideya na nawalan pala ng anak ang matanda, lalo pa’t wala naman itong kinukwento.
“Habang patawid siya sa tapat ng eskwelahan ay nabundol siya ng isang rumaragasang jeep. Hindi na siya umabot pa sa ospital. Siguro kung noon ay may kagaya ko na gumagabay sa mga bata, baka hindi namin sinapit ang trahedya na iyon…”
Tila nabasag ang puso ni Tonyo sa kwento ng matanda. Bilang ama kasi ay alam niya kung gaano kasakit ang pinagdaanan nito.
“Kaya naman nang malaman ko na bakante ang posisyon ng traffic enforcer, hindi na ako nagdalawang-isip na pumasok dito. Ayoko na kasing mangyari sa iba ang nangyari sa anak ko. Gusto ko na maging ligtas ang mga bata para na rin panatag ang mga magulang nila sa bahay,” paliwanag pa nito.
Tumango-tango si Tonyo. Nauunawaan niya ang matanda. Ngunit nais niya man na manatili ito sa pwesto ay hindi maaari, lalo pa’t maedad na ito. Hindi na ito nababagay sa ganoong katinding trabaho.
Tinapik niya ang balikat ng matanda.
“‘Wag po kayong mag-alala, Tatay Tirso. Pipili po tayo ng kapalit n’yo na maaasahan natin na panatilihing ligtas ang mga bata. Gusto ko na maging panatag kayo,” aniya.
Tumango ang matanda bago tinanaw ang nagbibilisang mga sasakyan sa highway.
“At Tatay, palayain niyo na ho ang sarili n’yo sa nangyari. Aksidente ang lahat,” marahang paalala niya.
Ngumiti ito.
“Alam ko, hijo. Kaya pumili ka ng magaling sa trabaho, ha!” magaang sabi nito.
Hindi naman niya binigo ang matanda. Isang magaling na traffic enforcer ang ipinalit niya kay Tatay Tirso.
“Salamat, hijo. Ngayon ay masaya akong aalis sa serbisyo!” nakangiting wika ng matanda.