Inday TrendingInday Trending
Kay Tindi ng mga Pagsubok na Hinarap ng Pamilya Nila; Nawalan na Tuloy ng Tiwala sa Diyos ang Ina ng Tahanan

Kay Tindi ng mga Pagsubok na Hinarap ng Pamilya Nila; Nawalan na Tuloy ng Tiwala sa Diyos ang Ina ng Tahanan

“‘Ma, aalis na kami. Punta na kami sa simbahan. Hindi ka po ba talaga sasama?” 

Hindi pinansin ni Myrna ang tawag ng kaniyang panganay na si Axel, bagkus ay pinanatili niya ang tingin sa labas ng bintana.

Para saan pa ang pagsisimba niya? Matapos ang nangyari sa pamilya nila, tuluyan na siyang nawalan ng tiwala sa Diyos.

Sampung taon na ang lumipas, ngunit sariwang-sariwa pa rin sa isip niya ang alaala ng araw na sumira sa pamilya nila.

Linggo. Katatapos lang nilang magsimba. Nagturo ang bunso niyang anak na si Rafael ng sorbetes kaya naman binilhan niya ang anak. Pitong taong gulang ito noon. Ngunit nang saglit itong makabitaw sa kaniya ay hindi niya na ito muli pang nakita.

Sinuyod nila ang buong paligid ng simbahan, gayon din ang mga kalapit na barangay ngunit wala makapagsabi kung saan napunta ang anak niya.

Halos lumuha sila ng dugo noon, at halos magdugo ang tuhod niya kadarasal na sana ay maibalik na ang anak nila, ngunit ano ang nangyari?

Imbes na ibalik Nito ang anak niya ay kinuha pa Nito ang asawa niya!

Dahil sa depresyon na dulot ng pagkawala ng anak nila ay nalugmok ang asawa niya. Bumagsak ang kalusugan nito, kaya nang tamaan ito ng sakit ay hindi na ito nakaligtas.  

Halos mabaliw-baliw siya noon. Ang masaya nilang pamilya ay nawasak sa isang iglap.

Ang tanging dahilan lang kaya niya nakayanan ang lahat ay dahil sa naiwan niyang anak na si Axel. Alam niya na kailangan siya nito.

Isa pa, may parte pa rin sa puso niya na umaasa na balang-araw ay makikita niya ang kaniyang bunsong anak.

Maaaring nagbago na ang mukha nito, at hindi niya na ito makilala, lalo pa’t wala naman itong anumang balat o marka na makapagsasabing ito ang anak niya. Ngunit umaasa siya na maghihimala at makikita niya itong muli. Umaasa siya na sa oras na magharap sila ay makilala ito ng puso niya.

Ngunit hindi siya sinuwerte. Limang taon pa ang matuling lumipas. Nagpatuloy si Myrna sa paghahanap sa anak, at alam niya na ganoon din si Axel. Alam niya na gusto rin nitong makita ang bunsong kapatid.

Dalawampu’t pitong taong gulang na si Axel. Kung kasama lang nila si Rafael ay bente dos na ito. 

Isang araw ay ginulat na lang siya ng isang masayang balita mula kay Axel.

“Mama, ikakasal na po kami ni Janine,” anito.

Nayakap niya ang anak dahil sa dala nitong balita. Botong-boto kasi siya sa mapapangasawa nito. Isa pa ay sabik na rin siyang magka-apo. Ilang taon na kasi simula noong magkaroon ng bata sa bahay nila.

Ngunit nabura ang masaya niyang ngiti sa labi nang marinig kung saan ikakasal si Axel at ang nobya nito.

“Ano? Bakit doon pa sa simbahan ng San Lazaro ka ikakasal? Anong kalokohan ba ‘yan, Axel?” galit na sikmat niya sa anak.

Doon kasi sa simbahang iyon nawala si Rafael noon. Isa pa, simula noong tinalikuran niya ang Diyos, ni minsan ay hindi na siya muli pang pumasok sa simbahan.

“‘Wag ka sa simbahan! Mag-garden wedding o beach wedding na lang kayo,” dagdag niya pa.

“‘Ma, doon po kasi ikinasal ang mga magulang ni Janine kaya gusto nila na doon sana. Isa pa po, gusto ko po na sa harap na Diyos kami magsumpaan ni Janine,” magaang paliwanag ni Axel, tila pilit pinaiintindi sa kaniya ang sitwasyon.

“Hindi! Kung ganyan lang, hindi mo ako makikita sa kasal mo. Bahala ka sa buhay mo!” singhal niya sa anak.

Matagal itong hindi nakapagsalita. Nang lingunin niya ang anak ay nakita niya na umiiyak ito.

Bahagyang lumambot ang damdamin niya. Kilala niya kasi ang panganay, matapang ito ay ni misan ay hindi niya ito nakitang umiyak simula noong tumuntong sa kinse ang edad nito.

Ngayon lang.

“‘Ma. Alam ko naman po na mahirap na nawala sa atin si Rafael. Alam ko na miss na miss n’yo na siya. Alam ko rin po na miss n’yo na rin si Papa. Pero sana po ‘wag niyong kalimutan na narito pa ako. Pamilya n’yo rin po ako, Mama…” buong paghihinanakit na bulalas ni Axel.

“‘Ma, ‘wag n’yo rin po tuluyang talikuran ang Diyos. May dahilan po kung bakit nangyari sa pamilya natin ang lahat… Marunong po ang Diyos, Mama. Siya ang nakakaalam ng pinakamabuti para sa mga anak Niya….” anito.

“Hindi ko naman po kayo pwedeng pilitin kung ayaw n’yo. Pero sana po ay makita ko kayo sa aking espesyal na araw.” Iyon ang huling sinabi ng binata bago ito umalis. 

Matagal nang nakaalis si Axel ngunit patuloy pa rin ang pagluha ni Myrna. Napagtanto niya kasi na sa sobrang paghihinanakit niya sa Diyos dahil sa mga kinuha Nito mula sa kaniya, nakalimutan niyang magpasalamat para sa mga iniwan Nito—iniwan Nito ang anak niyang Axel. Si Axel na gumabay sa kaniya, imbes na siya ang gumabay rito. Si Axel na ni minsan ay hindi nagtampo, hindi siya sinumbatan, sa kabila ng kakulangan niya bilang isang ina.

Kaya naman nang sumapit ang araw ng kasal ni Axel ay tiyak ang patutunguhan niya. Pupunta siya sa simbahan kung saan nagsimula ang kalbaryo ng pamilya nila.

Halos wala iyong pinagbago. Mas nagliwanag lang iyon dahil sa mga bulaklak.

“‘Ma, salamat naman po at nakarating kayo…” ani Axel bago ito marahang yumakap sa kaniya.

Pinigil niya ang sarili na mapaluha.

“Syempre naman. Pwede bang wala ako sa kasal ng anak ko?” nakangiting wika niya.

Habang nagse-sermon ang pari ay patuloy ang pagluha ni Myrna. Doon kasi ay tuluyan niya nang binitawan ang sakit, hinanakit, at sama ng loob na kinimkim niya sa mahabang panahon. Naisip niya na ipagpasa-Diyos na lamang ang lahat at magtiwala na lamang sa plano Niya.

Nang matapos ang seremonya ng kasal, sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng labinlimang taon ay nagkaroon ng kapayapaan sa puso ni Myrna. Nawala na ang bigat na parati niyang dala. Ipinagdasal niya kasi lahat ng alalahanin niya.

Nang lumabas siya ng simbahan at dumampi ang sariwang hangin sa kaniyang pisngi ay napangiti si Myrna. Kay tagal niyang ipinagkait sa sarili niya ang kapayapaan.

Pasakay na sana siya ng sasakyan upang tumungo sa lugar kung saan gaganapin ang reception nang mapahinto siya. May narinig kasi siyang pamilyar na tunog. Iyon ang tunog na madalas niyang gamitin noon kay Rafael at Axel.

Nagsimulang kumabog ang dibdib ni Myrna. Wala sa loob na sinundan niya ang pinagmumulan ng tinig.

Dinala siya noon sa gilid ng simbahan kung saan ay may dalawang musikero ang tumutugtog. Isang matandang bulag, at isang binata.

Nangilid ang luha ni Myrna. Nasa isip niya na ang mga posibilidad, ngunit ayaw niyang umasa. 

Nang matapos ang inaawit ng dalawa ay agad siyang lumapit sa binata. Pakiramdam niya ay kilala niya ito, kahit pa sigurado siya na iyon ang unang beses na nakita niya ang mukha nito.

“H-hijo, ano ang pangalan mo?” nanginginig na tanong niya sa binata.

Nagulat man ay magalang itong sumagot.

“Rafael po.”

Tumulo ang luha ni Myrna. Ngayon ay sigurado na siya.

“Ilang taon ka na?” muli niyang tanong.

“22 po.”

“‘Yung kinanta n’yo, alam mo ba kung anong kanta ‘yun?” usisa niya.

Nag-alangan ito bago sumagot.

“Kanta po ‘yun na ginawa namin. Kasi po hindi mawala sa isip ko ‘yung tunog na ‘yun, kaya ginawa namin siyang kanta ni Lolo,” anito, bago itinuro ang matandang bulag.

Napahagulhol na si Myrna. Sa wakas ay tapos na ang kalbaryo niya. Nahanap niya na ang anak.

“Ang bunso ko…” paulit-ulit niyang sabi habang mahigpit ang pagkakahawak sa kamay ng binata.

Nang bahagya siyang kumalma ay ipinagtapat niya rito ang totoo. Kung paano ito nawalay sa kaniya, at kung paanong hinanap nila ito sa nakalipas na labinlimang taon. Labis ang pag-iyak nito, lalo pa’t bahagya nitong natatandaan sila.

Gaya niya ay hindi rin makapaniwala ang binata na doon sila sa lugar na iyon muling magtatagpo.

“Hulog ng langit sa akin si Rafael. Kaya nga hindi ko binago ang pangalan niya, dahil isa siyang anghel ng Diyos. Siya ang nagsalba sa akin sa dilim…” kwento ng matandang kumupkop kay Rafael, si Tatay Ramon.

“Maraming nabago ang buhay dahil sa anak mo, Myrna. ‘Wag kang malumbay na hindi mo siya nakasama nang matagal na panahon,” anang matanda. 

Noon napagtanto ni Myrna ang dahilan ng Diyos. Kinuha Nito sa kanila si Rafael dahil may mahalaga itong misyon sa buhay ng iba.

Walang pagsidlan ang tuwa sa pusong ina ni Myrna. Dahil sa pagsuko niya sa plano ng Diyos ay ipinakita Nito sa kaniya ang tunay Nitong plano sa buhay nilang mag-iina.

Advertisement