Inday TrendingInday Trending
Walang Pagdadalawang-isip Niyang Itinaboy ang Asawang Hindi Nabubuntis; Tama nga ba na Hindi Ito ang Pinili Niya?

Walang Pagdadalawang-isip Niyang Itinaboy ang Asawang Hindi Nabubuntis; Tama nga ba na Hindi Ito ang Pinili Niya?

“Buntis ako, John.”

Nanlalaki ang matang nilapitan niya ang kasintahang si Nita. Inabot nito sa kaniya ang isang pregnancy test na may dalawang guhit na pula.

“Totoo ba? Magkakaanak na tayo?” hindi makapaniwalang tanong niya.

Ngumiti ito at tumango para kumpirmahin ang balita. Ganoon na lang ang sayang nararamdaman niya. Matagal na matagal niya na kasing pangarap na magkaroon ng anak. Sa wakas ay mangyayari na iyon!

“Ngayong buntis ako, kailangan na nating sabihin ang totoo sa asawa mo. Hindi na natin ito pwedeng itago pa,” pahayag nito.

Bahagyang nabura ang ngiti sa labi niya nang maalala niya ang asawa na walang kaalam-alam sa ginawa niya. Nakokonsensiya man siya, mas nangingibabaw pa rin ang saya na dulot ng magandang balita.

Mas matimbang na agad sa kaniya ang anak, hindi pa man ito naisisilang.

Ngumiti at niyakap si Nita. Maselan daw ang kondisyon nito kaya ayaw niyang mag-isip pa ito ng kung ano.

“Oo naman. Ngayong parating na si baby, kayong dalawa ang uunahin ko palagi. ‘Wag kang mag-alala,” pangako niya.

Gaya ng pangako niya sa ina ng kaniyang magiging anak, ipinagtapat niya sa pamilya niya ang totoo. Iba-iba man ang reaksyon ng mga ito, mas nangibabaw ang tuwa nila para sa parating na bagong miyembro ng pamilya.

“Anak, hindi ka ba nakokonsensya man lang sa ginawa mo? Nagkaroon ka nga ng anak pero niloko mo pa rin ang asawa mo. Hindi ka ba natatakot na makarma?” kastigo ng kaniyang ina.

“Naku! Hayaan mo na sila. Tama naman ang anak natin! Ano pang silbi ng pagpapakasal nila kung hindi naman sila makabuo ng pamilya?” pagtatanggol naman ng kaniyang ama.

Naalala niya kung gaano kadalas magtanong ang mga ito kung kailan sila magkakaroon ng anak. Kahit kasi anong subok nilang mag-asawa, nauuwi lang sa pagkabigo.

Nagpatingin sila sa doktor para makasigurado pero wala naman sa kanilang dalawa ang may diperensya kaya’t hindi niya maintindihan kung bakit ba hindi sila makabuo.

Sa paglipas ng panahon, unti-unti siyang nawalan ng pag-asa.

Doon niya nakilala si Nita, at eto na nga, nagbunga ang lihim nilang relasyon. Hindi man niya inaasahan, alam man niyang mali, ay handa siyang panindigan ito.

Nagkasagutan pa kaniyang mga magulang kahit na wala rin namang silbi iyon. Buo na ang kaniyang desisyon na piliin si Nita at ipagtapat sa asawa niyang si Diane ang katotohanan.

Tahimik niyang ipinasok sa bahay ang mga maleta ni Nita.

“Para saan ‘yan? May pupuntahan ka ba?” bungad ni Diane.

Inipon niya ang lakas ng loob bago ito hinarap.

“Diane, may kailangan kang malaman,” aniya.

Maya-maya ay pumasok si Nita sa loob ng bahay. Mas lalong binalot ng pagtataka ang babae.

“Sino siya?” litong tanong nito.

“Si Nita… kasintahan ko.”

Doon niya ipinagtapat dito ang lahat. Mula sa umpisa hanggang sa kahuli-hulihang detalye, wala siyang pinalampas.

“Bakit mo nagawa sa akin ‘to? Akala ko ba hindi tayo susuko? Paano mo ako nagawang lokohin?” umiiyak nitong tanong.

“Patawad, Diane. Buntis si Nita at gusto kong maalagaan siya nang husto kaya maghiwalay na tayo,” matigas niyang sinabi.

Wala itong magawa kundi ang umiyak. Naaawa man siya rito ay tama lang ang ginawa niya para kaniyang sa mag-ina. Alam niyang sa ganito rin naman hahantong ang lahat dahil hindi siya tunay na magiging masaya kung hindi siya magkakaroon ng anak.

Sa huli, wala rin itong nagawa kundi ang pumayag sa gusto niya.

“Tama lang na maghiwalay tayo dahil hindi na kita kayang pakisamahan pa matapos ang ginawa mo. Sana lang hindi ka magsisi sa ginawa mo,” matalim ang matang wika nito sa kanila ni Nita.

Buong puso niyang inaalalayan at inalagaan si Nita hanggang sa makapanganak ito. Napagtanto niya na tama ang desisyon niya nang masilayan niya ang kaniyang anak. Binalot ng ligaya ang puso niya.

Subalit hindi iyon nagtagal dahil ilang araw matapos makapanganak si Nita ay isang lalaki ang nagpumilit na makausap ito.

“Nandiyan ba si Nita? Kailangan ko siyang makausap,” tanong nito.

“Nasa loob. Sino ka?” takang tanong niya.

Hindi pa man ito nakakasagot ay lumabas na si Nita at sinalubong ito. Bitbit nito ang anak nila at ang mga gamit na agad na ipinasa sa lalaki.

“Anong nangyayari?” naguguluhan niyang tanong.

Doon ipinagtapat ni Nita ang totoo. Na hindi siya ang tunay na ama ng bata kundi ang lalaki. Ilang buwan na raw na magkausap at nagkasundo na magsasamang muli para sa bata. Isa pa ay ito raw ang tunay na mahal ni Nita.

“Sorry kung ngayon ko lang sinabi, pero natakot kasi akong masabihan na disgrasyada. Pero ngayong handa na siyang panagutan kami, sasama na kami sa kaniya ulit,” paliwanag ni Nita saka tuloy-tuloy na umalis bago pa man siya makaimik.

Habang pinapanood ang papalayong pigura ng tatlo ay pinagsakluban ng langit at lupa si John.

Nagawa niyang lokohin at iwanan ang asawa ang mabuti niyang maybahay para lang sa pamilya na hindi naman pala talaga sa kaniya.

Hinanap niyang muli ang asawa pero ni anino nito hindi niya nakita. Tila ayaw nitong magpahanap. Susuko na sana siya ngunit isang taon ang lumipas ay nakita niya ito sa isang mall.

“John? Ikaw ba ‘yan? Kumusta kayo?” nakangiti nitong tanong, puno ng sinseridad ang mga mata nito.

Ikinuwento niya dito ang nangyari at maging ito ay hindi makapaniwala sa nangyari.

“Ikaw ang kumusta? Ang tagal nating hindi nagkita. Mukhang napatawad mo na ako base sa ngiti mo,” komento niya. 

Naalala niya noong panahong nililigawan niya pa lang, wala itong pinagbago. Mabait ito, magaan kausap, at parating nakangiti. Ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit niya ito nagustuhan.

“Oo, matagal na rin kasi. Ayos na ako ngayon. Heto at ikakasal na ako ulit. Hinihintay na lang namin si baby para hindi ako magmukhang mataba sa wedding gown,” humahagikhik nitong kwento.

Doon niya lang napansin ang maliit na umbok sa tiyan nito. Hindi man masyadong halata pero mayroon.

Tuluyan nang namat*y ang pag-asa niya na makipagbalikan sa dating asawa. Masaya na ito na wala siya sa buhay nito.

Maya-maya ay isang lalaki ang umakbay dito. Alam niya agad na ito ang nobyong tinutukoy ni Diane. Base sa talim ng tingin ng lalaki, alam niya nang alam nito kung sino siya. Tila gusto siyang suntukin ng lalaki.

“Sige ha, una na kami. May kailangan pa kaming puntahan,” paalam ni Diane na ni hindi man lang siya binigyan ng huling tingin.

Habang pinapanood niya ang mga ito, mas lalo siyang nagsisi at nanghinayang. Iyon ang karma niya—ang maiwang nag-iisa habang pinagsisihan ang mga bagay na pinakawalan niya noon.

Advertisement