
Pinaghihinalaang Aswang ang Matandang Ito; Hanggang Isang Gabi, Lumusob ang Taumbayan sa Kaniyang Bahay at Walang Awang Sinunog Ito
Mangilan-ngilan lamang ang mga pamilyang naninirahan sa Baryo Matiwasay dahil sa sabi-sabi na may ‘aswang’ daw na naninirahan doon.
Kabilang sa mga nakatira doon ay ang pamilya Reyes– sina Mang Goyo at Aling Selda at ang kanilang dalawang anak na sina Paulino at Cario.
Sabi-sabi na ang kanilang kapitbahay na matandang lalaking naninirahan sa isang malaki ngunit lumang bahay-kubo na si Mang Taro, ay siyang aswang sa kanilang baryo. Gayunman, hindi sila naniniwala rito dahil mabuti naman ang pakikitungo sa kanila ng matanda.
Kaya nga lamang, hindi maiwasang katakutan si Mang Taro dahil sa kakaibang mga mata nito, na animo ay sa pusa o musang. Magkaiba rin ang kulay ng mga ito. Ang kaliwa ay kulay-kayumanggi habang ang kanan naman ay kulay-bughaw. Puting-puti na rin ang kaniyang mga buhok. Hindi rin maipaliwanag ni Mang Taro kung bakit ganoon ang kulay at hitsura ng kaniyang mga mata.
Mahaba rin ang balbas nito. Mahahaba at kulay itim ang mga kuko.
Mistula itong ermitanyo.
Isang araw, may isang pangkat ng kabataan na nagtungo sa bahay-kubo ni Mang Taro.
“Hoy matandang aswang! Lumabas ka diyan at ipapakilala kita sa mga kaibigan kong taga-Maynila. Gusto raw nilang makakita ng aswang sa umaga,” sigaw ng lider ng pangkat na nagngangalang Caloy, na kilalang sisiga-siga at basagulero sa kanilang baryo.
Nagkataon namang naghahalaman sa kanilang bakuran sina Mang Goyo at Aling Selda kaya sinita nila ang nanggugulong kabataan.
“Hoy Caloy, tigilan mo nga ang panggugulo rito! Isusumbong kita sa mga magulang mo at kay Ka Teroy,” banta ni Mang Goyo. Si Ka Teroy ang kapitan ng kanilang baryo.
Umalis ang pangkat ng kabataan bago pa man nakalabas si Mang Taro sa maliit niyang bahay-kubo.
“Naku, salamat Goyo at Selda,” pasasalamat ni Mang Taro sa kaniyang mababait na kapitbahay.
“Wala ho iyon, Mang Taro. Mabuti na lamang ho at nasa labas kami. Basagulero talaga itong si Caloy at wala nang sinisino kahit kayo,” wika naman ni Mang Goyo. “Mabuti na lang at medyo takot sa akin ang batang iyan dahil kaibigan ko ang tatay niya.”
Kinabukasan, naging malaking usap-usapan ang biglaang pagkawala ni Caloy at ang mga kaibigan niya.
Ang huling lugar umano na pinuntahan ng mga ito ay kina Mang Taro, ang pinaghihinalaang aswang sa kanilang baryo.
Kinagabihan, nagulat na lamang sina Mang Goyo at Aling Selda nang makita nilang nagkakagulo sa labas. May mga dala silang sulo na may sinding apoy. Nilalamon na rin ng apoy ang bahay-kubo ni Mang Taro.
“Diyos ko, anong ginawa ninyo sa bahay ni Mang Taro?” nanghihilakbot na sabi ni Aling Selda.
“Kailangan niyang ipaliwanag ang sarili niya kung saan niya dinala sina Caloy at ang mga kaibigan niya!” sabi ng isang lalaki.
“Kami na mismo ang nagsasabi na walang ginawang masama si Mang Taro kina Caloy at mga kaibigan niya. Nasaksihan namin kung paano lumusob dito si Caloy at sinita ko siya dahil sa kabastusan niya. Ano bang pruweba ninyo na sinaktan nga ni Mang Taro sina Caloy at mga kaibigan niya? Ano bang pruweba ninyo na aswang nga ang matanda?”
Maya-maya ay lumabas ang matanda na mahinang-mahina na at halos hindi na makahinga sa usok sa nasusunog niyang bahay. Sinalubong siya nina Mang Goyo at Aling Selda at niyakap.
Maya-maya, dumating sina Caloy at ang mga kaibigan nito. Mula pala sila sa kabilang bayan at may pinuntahang pagtitipon at hindi nakauwi agad.
“Nakita n’yo na! Masyado kayong mapanghusga! Alam n’yo ba na labag sa batas ang ginawa ninyo? Masyado kayong bumabatay sa panlabas na anyo ng tao! Pero ang totoo niyan, kayo… kayo ang aswang! Sa mga ugali ninyo, kayo ang tunay na halimaw ng baryong ito!” galit na galit na sumbat ni Aling Selda sa taumbayan na nanunog sa bahay ng kaawa-awang matanda.
Sising-sisi ang mga taga-baryo sa ginawa nila kay Mang Taro.
Pansamantalang pinatuloy ng pamilya Reyes ang matanda sa bahay nila.
“Maraming salamat sa hindi n’yo paghusga sa akin at pagtulong sa akin sa kabila ng pananaw ng lahat ng mga taga rito sa akin,” naiiyak na pasasalamat ni Mang Taro sa pamilya.
“Wala ho iyon, Mang Taro. Matagal na po tayong magkakapitbahay, kaya kilala na rin namin kayo. Wala ho kayong ginagawang masama. Sadya lang hong mapanghusga ang mga tagarito,” pahayag naman ni Mang Goyo.
Kinabukasan, muling kinabahan sina Mang Goyo at Aling Selda nang dumating ang taumbayan sa kanilang bahay.
“Bakit kayo bumalik dito? Pati ba pamilya ko guguluhin n’yo na rin? Subukin ninyong sunugin ang bahay namin at maghahalo ang balat sa tinalupan! Titiyakin kong mananagot kayong lahat sa batas. Kung tutuusin, patong-patong na kaso ang nakaabang sa inyo,” galit na banta ni Mang Goyo.
Walang kumibo sa kanila.
“Goyo, nais naming humingi ng tawad kay Mang Taro. Tama ka, wala kaming karapatang husgahan siya, o kahit na sinuman. Babawi kami sa kaniya. Gagawin namin ang bahay niya ngunit mas maayos na, bilang pambawi sa aming mga pagkakamali. Magbabayanihan kami,” nahihiyang paghingi ng paumanhin ni Ka Teroy, ang kanilang kapitan.
Nagtulong-tulong nga ang taumbayan na muling magawa ang bahay ni Mang Taro, at hindi na lamang ito bahay-kubo, kundi sementado na.
Nag-ambag-ambag din sila upang makabili ng mga kagamitan at damit ng matanda na pawang naabo dahil sa ginawa nilang panununog. Pinatawad naman sila ng matanda at simula noon ay hindi na nila ginambala pa ang tahimik na pamumuhay nito.
Masaya naman sina Mang Goyo at Aling Selda na natahimik na rin sa wakas ang pamumuhay ng kapitbahay nilang si Mang Taro.
Napagtanto ng bawat isa na huwag manghusga ng kapwa dahil lang sa sabi-sabi ng iba. Huwag magpadalos-dalos lalong-lalo na kung nakasalalay ang kapakanan ng isang tao, lalo na kung inosente naman ito.