Inday TrendingInday Trending
Mayaman ang Batang Ito at Laki sa Layaw Subalit Marami Pa Rin Siyang Hiling sa mga Magulang; Matupad Kaya ang mga Ito?

Mayaman ang Batang Ito at Laki sa Layaw Subalit Marami Pa Rin Siyang Hiling sa mga Magulang; Matupad Kaya ang mga Ito?

Anak ng mayamang mag-asawa si Charlson. Dahil nag-iisang anak, lahat ng luho at layaw ng walong taong gulang na anak ay agad na ibinibigay.

Ngunit hindi niya direktang nakakausap ang mga magulang dahil pareho itong abala sa pagpapatakbo ng kanilang sariling negosyo, na isang malaking kompanya. CEO ang kaniyang daddy at COO naman ang kaniyang mommy kaya naman hirap na hirap siyang kausapin ang mga ito.

Mas mukha pa ngang daddy niya ang personal driver niyang si Mang Julian. Ito ang halos kasa-kasama niya araw-araw, sa tuwing pumapasok siya sa paaralan, at kung may kailangan siyang bilhin o pasyalan sa labas.

Pagdating naman sa loob ng bahay, ang kaniyang nagsisilbing nanay ay si Yaya Aya.

Madalas ay mag-isang naglalaro si Charlson. Minsan ay lumalabas rin siya ng bahay kasama ang yaya niya at nakikipaglaro sa mga bata sa kalye ngunit pagdating na pagdating ng mga magulang niya ay ipinapapasok siya kaagad.

“Mommy, pwede po bang mag-imbita na lang ako ng mga bata dito sa bahay para makapaglaro kami?” minsan ay naitanong ni Charlson sa kaniyang mommy.

“Of course, not my son. Hindi dapat nagpapapasok ng iba rito sa bahay. Hindi pa ba sapat sa iyo ang mga laruang binili namin sa iyo ng daddy mo? Okay, don’t worry, dadagdagan namin ‘yan,” saad nito.

Bigo si Charlson sa kahilingan niya. Nagbilin rin ang mommy niya sa yaya niya na huwag siyang papalabasin upang makipaglaro sa mga bata sa kalye.

Lumipas ang mga araw na mag-isa pa ring naglalaro si Charlson at parang inip na inip na ito. Isang umaga, awang-awa na talaga ang kanyang Yaya Aya sa kanya at niyaya siyang lumabas ng bahay. Hinayaan siya ng yaya niyang makipaglaro sa mga kaibigan niya, at binantayan na lamang siya nito habang nakikipaghuntahan din sa mga yaya ng mga batang kalaro ni Charlson.

Pagkatapos nilang maglaro, bumili rin sila ng pagkain at binigyan rin nila ang mga kalaro ni Charlson. Hindi nila inaasahang uuwi nang maaga ang mag-asawa kaya nadaanan sila sa kalsada.

“U-Umuwi na tayo, Charlson,” kinakabahang sabi ni Yaya Aya.

Pagpasok nila sa mansyon ay nabungaran na nga nila ang mag-asawa na nakaupo sa sofa. Seryoso ang mukha ng mga ito.

“Hindi ba sinabi sa’yong huwag dalhin si Charlson sa labas?” tanong ng daddy ng bata kay Yaya Aya.

Humingi na lamang ng tawad si Yaya Aya at hindi na siya nagpaliwanag dahil baka lalo pang magalit sa kaniya ang mga amo. Pinagalitan naman ng mommy niya si Charlson.

“Lahat na lang ng laruan na gusto mo ibinibigay ko, hindi ka pa makuntento. Umakyat ka sa kuwarto mo at bawal ang panonood ng TV. Sinabi ko na nga sa iyo na bibilhan ka namin ng bagong mga laruan eh,” bulyaw ng kaniyang mommy sa kaniya.

Kinabukasan, walang Yaya Aya na gumising kay Charlson. Nakaalis na rin ang mommy at daddy niya pagkagising niya.

“Mang Julian, nasaan na po si Yaya Aya?” tanong ni Charlson sa kaniyang personal driver.

“Naku, kinailangan kaagad umuwi ni Yaya Aya mo sa probinsya nila, hindi na siya nakapagpaalam sa iyo,” dahilan ni Mang Julian. Subalit ang totoo niyan, pinalayas na ito ng kaniyang mga magulang dahil sa ginawang pagkakamali.

Nalungkot at umiyak si Charlson. Wala na ang kaniyang nanay-nanayan na siyang mas nakakaunawa sa kaniya, pangalawa si Mang Julian.

Buong linggo, sina Mang Julian at ang iba pang mga kasambahay ang kasama niya sa bahay sapagkat may business trip sa ibang bansa ang mga magulang niya.

Pagkalipas ng isang linggo ay kaarawan na ni Charlson. May malaking pagdiriwang at maraming bisita ngunit wala ang kanyang mga magulang. May biglaang inasikaso ang mga ito sa negosyo nila sa ibang bansa.

Kahit marami ang pumunta sa kaarawan niya, malungkot pa rin si Charlson dahil wala ang daddy at mommy niya. Pagkatapos ng pagdiriwang ay agad siyang pumunta sa kuwarto niya at hindi na lumabas.

“Charlson, lumabas ka na riyan, parang awa mo na,” nag-aalalang tawag sa kaniya ni Mang Julian. Ayaw lumabas ng bata. Pinuwersa na nila ang pagbubukas ng pinto hanggang sa tumambad sa kanilang harapan ang walang malay na si Charlson. Sa sahig ay nakakalat ang iba’t ibang mga tableta, na hindi nila alam kung saan nakuha ni Charlson.

Agad na umuwi ang mag-asawa nang ibalita sa kanila ni Mang Julian ang nangyari.

Huli na nang makarating sila sa ospital. Wala na si Charlson. Na-overdose daw ito sa mga ininom na gamot, ayon sa manggagamot.

Labis silang nalungkot at nagdalamhati sa pagkawala ng kanilang unico hijo. Napalitan din ito ng pagsisisi pagkatapos inabot ng isang kasambahay nila ang papel na nakuha sa bulsa ni Charlson.

Ang papel na iyon ay naglalaman ng mga kahilingan ng nag-iisa nilang anak sa kaarawan nito.

‘Sana, nandito sina Mommy at Daddy. Wala na akong mahihiling pa sa bertdey ko kundi ang makasama sila.’

Sising-sisi ang mag-asawa dahil wala na ang taong naging dahilan kung bakit nagpakasubsob sila nang husto sa trabaho. Sa isang iglap lamang ay napagtanto nila na oo nga’t naging abala sila sa pag-aasikaso sa hinaharap, subalit nakalimutan nila ang kasalukuyan.

Makalipas ang ilang taon…

“Anak, halika’t may pupuntahan tayo. Sabado ngayon kaya walang pasok. May dadalawin tayo,” nakangiting sabi ng mag-asawa sa kanilang anak na si Merry Dale.

“Talaga po, Mommy at Daddy! Yehey! Saan po tayo pupunta?”

“Dadalawin natin ang Kuya Charlson mo, bertdey niya ngayon, doon tayo magsasalo-salo.”

At nagtungo na nga ang mag-anak sa memorial park kung saan nakalibing si Charlson. Ipinangako sa sarili ng mag-asawa na hinding-hindi na mauulit kay Merry Dale ang nangyari kay Charlson. Napagtanto nila na may mas mahalaga pa pala sa pera at mga materyal na bagay—ito ay ang atensyon, oras at panahon para sa kanilang anak.

Advertisement