Ipinagtaka ng Batang Ito kung bakit Palaging Hindi Sumasabay sa Pagkain ang Kaniyang mga Magulang; Maluluha Siya sa Malalamang Dahilan

“Mama, papa, sabay na po kayong kumain sa amin,” aya ng panganay na anak ng mag-asawang Marta at Coco—si Felly—sa kanila, matapos itong maghain ng hapunan.

“Naku, hindi na, anak. May ginagawa pa si nanay. Tinatapos ko pa kasi itong pananahi ko, dahil gagamitin ng kapatid mo ito bukas sa pagsisimba. Hindi ba’t umpisa na ng simbang gabi?” nakangiti namang sagot ng kaniyang ina habang hawak nito ang karayom at ang tinatahing bestida ng kaniyang kapatid, sa harapan ng garapa.

“Ako naman, anak, hindi pa ako gutom. Marami kasi akong nakain kanina sa trabaho. Ang sarap kasi ng pabaon sa akin ng nanay mo. Sabay na lang kami mamaya. Mauna na kayo ng mga kapatid mo,” sabi naman ng kaniyang ama bago nito sinulyapan ang kaniyang ina.

Dahil doon ay nagpasiya si Felly na sundin na lamang ang kaniyang mga magulang. Ipinaghimay niya ng ulam nilang pritong galunggong ang dalawang kapatid na sina Marie at Buknoy upang hindi matinik ang mga ito, lalo pa at tanging ilaw lamang mula sa garapa ang nagsisilbi nilang tanglaw, sa sahig, na nagsisilbi na rin nilang hapagkainan.

Ngunit malaki ang pagtataka sa isip ni Felly dahil matagal na nilang hindi nakakasabay sa pagkain ang mga magulang. Sa tuwina ay palagi na lamang tumatanggi ang mga ito kapag aalukin niya silang sumabay sa kanila. Bagama’t labing isang taon pa lamang ang batang si Felly ay matalino ito, kaya naman kahit maliliit na bagay ay kaniyang napapansin, at hindi siya tumitigil hanggang hindi ito nabibigyan ng mga sagot.

Kaya naman nang gabing iyon ay maaga niyang pinahiga ang mga kapatid. Maging siya ay nahiga na rin at umaktong matutulog na dahil siya ay inaantok na, ngunit ang totoo ay nagpanggap lamang siyang nakatulog. Inabangan niyang mapansin iyon ng kaniyang mga magulang at hindi naman iyon nagtagal.

Sa pag-aakalang tulog na ang mga anak ay nagsimula nang kumain ang mag-asawang Marta at Coco. Ganoon na lang ang kirot na naramdaman ni Felly sa kaniyang puso dahil napaawa siya sa mga magulang! Ang dahilan pala ng hindi nila pagsabay sa kanila ay ayaw nilang makita niya at ng kaniyang mga kapatid na nagkakasya lamang ang mga ito sa matitira nilang pagkain! Mabusog lamang sila ay sapat na sa kaniyang mga magulang!

Dahil doon ay hindi natiis ni Felly ang sarili. Tumayo siya mula sa kaniyang kinahihigaan at niyakap nang mahigpit ang kaniyang ama’t ina habang lumuluha! Nagpasalamat siya nang taos-puso sa mga ito dahil sa kanilang mga sakripisyo at nangakong balang araw ay iaahon niya sila sa hirap! Sinagot naman siya ng kaniyang mga magulang ng isang mahigpit na yakap at halik sa noo, pati na rin ng paalalang wala silang hindi gagawin at titiisin para lamang mabuhay silang magkakapatid.

Advertisement

Simula nang araw na ’yon ay lalong pinagbuti ni Felly ang kaniyang pag-aaral. Taon-taon din niyang kinukumpleto ang simbang-gabi sa pag-asang dahil doon ay matutupad ang kaniyang hiling. Dahil sa sipag, tiyaga at angking talino ni Felly ay na-accelerate siya ng pag-aaral. Ilang baitang ang makailang ulit niyang nalakdawan, kaya naman mabilis siyang nakapagtapos ng hayskul.

Nagkolehiyo rin siya bilang iskolar ng kanilang bayan, kasabay ng pag-a-apply niya ng part-time job upang mag-umpisang tulungan ang mga magulang. Marami siyang pinasok na ‘raket’ para lang matustusan ang sarili at hindi na mahirapan pa ang kaniyang mga magulang.

Nang makaipon ay nagsimula rin si Felly na magtayo ng isang maliit na negosyo, at dahil magaling siya sa larangang ito, bago pa man siya makatapos ng kolehiyo ay malago na ’yon at unti-unti nang pinagaganda ang kanilang buhay!

Napakabitan niya ng kuriyente ang kanilang tahanan. Naipagawa niya rin ito at napalaki! Nabilhan niya ng masasarap na pagkain ang kaniyang pamilya, damit, sapatos at iba pa at ngayon ay napapaaral na niya ang mga kapatid. Tinupad ni Felly ang lahat ng kaniyang mga naging pangako sa ama at ina, nang sa ganoon ay hindi na nila kakailanganin pang magtiis muli ng gutom para lang mabusog sila.

Masayang-masaya si Felly dahil ngayon ay palagi na silang sabay-sabay kung kumain ng masasarap. Sa isang maganda at magarang mesa, gamit ang malilinis na plato’t kutsara, sa ilalim ng malaki at maaliwalas na bahay na natatanglawan ng maliliwanag at maraming ilaw, na nagbibigay sa kanila ng ngiti at pag-asa sa araw-araw.