Matagal nang Pinapangarap ng Batang Ito na Makilala ang Kaniyang Ina; Makikilala Niya Ito Dahil sa Isang Trahedya

Masayang sinalubong ni Jasmine ang tatay niyang si Lando, sa tapat ng kanilang eskwelahan. Sa totoo lang ay kanina pa siya nasasabik na mag-uwian kaya naman nang makita niya ito ay mabilis niyang tinakbo ang pwesto nito.

“Tatay! Tingnan n’yo po, o!” Ipinakita ni Jasmine ang magkabila niyang kamay, dahilan upang humantad ang tatak na star mula sa kaniyang guro.

“Ang galing naman ng anak ko! At dahil d’yan, pupunta tayo sa parke sa darating na linggo.” Gusto ni Lando na kahit papaano ay makapamasiyal naman ang kaniyang anak, bilang gantimpala sa kasipagang ipinakita nito sa pag-aaral sa murang edad pa lamang nito. Dahil doon ay tuwang-tuwa naman ang bata.

Tatlong taong gulang pa lamang si Jasmine nang iwan sila ng kaniyang asawa. Kahit anong klaseng tanong pa ang gawin ni Jasmine sa kaniya patungkol sa ina nito ay hindi ito sinasagot ni Lando. Alam ni Lando na iniwan sila ng kaniyang asawang si Marideth dahil sa lalaki nito. Ayaw lamang niyang malaman iyon ng kaniyang anak, sapagkat ayaw niyang maging masama ang tingin nito sa ina.

Habang tumatagal naman ay hindi na hinahanap-hanap ni Jasmine ang kaniyang ina. Dahil sa pag-aalaga at pagmamahal na ibinibigay ni Lando ay nakukuntento na ito. Lahat naman ng pangangailangan at gusto ni Jasmine ay pinagsisikapan niyang ibigay. Responsableng ama naman kasi si Lando.

“’Tay, di ’ba po, dadalhin n’yo ako bukas sa parke?” tanong ni Jasmine sa naglalaba niyang ama. Bakas ang tono ng kasabikan sa tinig ng bata.

“Oo naman, ’nak, hindi ko naman ’yon nakakalimutan,” Tinapik-tapik ni Lando ang ulo ng kaniyang anak.

“Akala ko po kasi, nakalimutan n’yo na, ang dami n’yo po kasing ginagawa,” katuwiran naman ng anak.

Advertisement

“Kung gusto mong matuloy tayo ay matulog ka na nang hindi tayo tanghaliin bukas,” sagot naman ni Lando sa anak.

Sumunod naman agad si Jasmine sa kaniyang Tatay Lando. Humiga si Jasmine sa kaniyang higaan, ngunit nakalimutan nitong isara ang pintuan ng kaniyang kwarto. Napadaan naman sa kwarto ni Jasmine si Lando at nakitang nagdadasal ang kaniyang anak bago matulog. Wala sa loob na pinakinggan naman ni Lando ang idinarasal ng anak.

“Papa God, thank you po kasi binigyan N’yo po ako ng mabait na tatay. Kahit na wala akong nanay, e, okay lang po. Pero, sana po makilala ko pa rin ang nanay. Thank You po, Papa God,” sabi ni Jasmine pagkatapos ay nag-antanda ito.

Nalungkot naman si Lando sa narinig. Kahit papaano ay dapat ay nakararanas si Jasmine ng alaga at pagmamahal ng isang ina. Ipinangako ni Lando sa kaniyang sarili na magiging masaya si Jasmine sa pagpunta nila sa parke. Kahit doon man lang ay makabawi siya.

Nilapitan ni Lando ang natutulog niyang anak at hinalikan ito sa noo. “Matupad mo lang mga pangarap mo sa buhay, ’nak, masayang-masaya na ako,” aniya pa bago inayos ang kumot nito.

Masayang kumakain si Jasmine at Lando ng fishball sa parke. Sobrang nag-i-enjoy si Jasmine dahil marami silang pinuntahang magagandang lugar sa parke. Nagpakuha pa sila ng litrato!

“’Tay, ibili mo ako ng bola! Dali na, ’tay!” pagpupumilit ni Jasmine sa ama. Tinalima naman iyon ni Lando.

Matapos maibili ng bola ang anak ay hinayaan niya muna itong paglaruan iyon. Samantalang si Lando naman ay napatitig sa litrato nila ng anak. Hindi niya namalayang napalalim na pala ang pag-iisip niya. Napansin na lamang niya na tumalbog sa may kalsada ang laruang bola ni Jasmine.

Advertisement

Tinangkang kunin ni Jasmine ang bola kaya dali-daling tumakbo si Lando papunta sa anak. Naitulak naman Lando ang anak upang maiwasang mabundol ito ng paparating na sasakyan…ngunit siya naman ang nahagip no’n.

Nagising si Jasmine. Hinahabol niya ang kaniyang paghinga. Napaginipan na naman niya ang aksidenteng kaniyang naranasan, labing anim na taon na ang nakalipas. Matapos ng aksidenteng iyon ay doon niya nakilala ang tunay niyang ina. Si Marideth na ang nag-alaga at nagpaaral sa kaniya.

Binisita ni Jasmine ang puntod ng kaniyang tatay. Dinalhan niya ito ng bulaklak at pinagsindihan ng kandila. Hindi niya napigilan ang pag-iyak. Hanggang ngayon ay naaalala niya pa rin ang nangyari sa ama, ngunit imbes na magpakalugmok sa nangyari ay nagawa niyang pilitin ang sarili na tuparin ang huling kahilingan nito sa kaniya…

“Tatay, sana po ay napasaya ko na kayo. Dahil ngayon mismong araw na ito ay natupad ko na ang pangarap ko. Kayo po ang inspirasyon ko sa lahat. Maraming salamat po sa magagandang alaala nating patuloy kong gagamitin upang mabuhay. Mahal kita, tatay,” masayang aniya rito sabay halik sa lapida kung saan nakaukit ang pangalan ng ama. Ngayon ay alam niyang masaya na ito.