Inday TrendingInday Trending
Ikinahiya ng Ampon ang Nag-aruga sa Kaniya nang Marinig ang Nakaraan Nito; Magsisisi Siya sa Kaniyang Malalaman

Ikinahiya ng Ampon ang Nag-aruga sa Kaniya nang Marinig ang Nakaraan Nito; Magsisisi Siya sa Kaniyang Malalaman

Galit na umuwi mula sa inuman si Brando. Mainit ang kaniyang ulo at napaaway pa dahil sa pang-aalaska sa kaniya ng kaniyang kabarkada. Paano kasi ay kalat na kalat sa kanilang lugar ng tsismis na ang kaniya palang ina ay biktima noon ng pananamantala…at usap-usapan pa ay siya raw ang naging bunga sa nangyaring ’yon!

Alam naman ni Brando na hindi totoong siya ang naging bunga sa trahedyang nangyari noon sa kaniyang ina-inahan, ngunit nagagalit pa rin siya dahil ngayon niya lamang iyon nalaman! Iyon pala ang dahilan kung bakit hindi na ito nag-asawa pa at mas pinili na lamang alagaan siya, buhat nang makulong sa ’di niya malamang kaso ang kaniyang ama.

Apat na taong gulang pa lang kasi si Brando nang mabilanggo ang kaniyang ama. Buhat noon ay ang kapitbahay na nilang si Mylene, ang nag-alaga at umampon sa kaniya, na nang mga panahong iyon ay beinte anyos pa lang. Itinuring siya nitong sariling anak buhat nang mapunta siya sa pangangalaga nito at doon ay hindi naramdaman ni Brando kailan man na siya ay hindi nito kadugo. Minahal siya ng ina-inahan, ngunit nagbago ang lahat nang magsimula siyang magbinata at matutong bumarkada. Marami siyang natutuhang kalokohan sa mga ito. Mga bisyo na nagpawala sa gana niyang tapusin ang kaniyang pag-aaral. Naging suwail din siyang anak, dahil katuwiran niya ay ganito rin naman ang kaniyang ama. Kanino pa nga ba siya magmamana kundi sa pinagmulan ng dugong nananalaytay sa kaniya.

“Brando, anak! Ano ba ang ikinagagalit mo? Bakit nagwawala ka?” tarantang tanong sa kaniya ng kaniyang inang si Aling Mylene nang maabutan siya nitong nagbabasag ng mga gamit.

“Bakit itinago n’yo sa akin na isa pala kayong biktima ng pananamantala?! Bakit itinago n’yo sa akin na marumi pala ang pagkatao n’yo dahil nabahiran na kayo ng masamang laway mula sa isang lalaki?! Kaya pala hindi ka na nag-asawa pa! Ngayon ay wala na akong mukhang maihaharap sa mga kabarkada ko!” aniya. Hindi naman sa sinisisi niya ito sa nangyari dito noon, ngunit nagagalit siya sapagkat ayaw niya na pinag-uusapan sila! Dahil sa mga katagang binitiwan niya ay isang malakas na sampal ang bigla na lang lumagapak sa kaniyang mukha na halos magpawala ng tama niya sa alak! Ngayon lamang siya nasaktan ng kaniyang ina!

“Wala kang karapatang pagsalitaan ako ng ganiyan dahil wala kang alam sa totoong nangyayari! Wala kang alam sa buhay ko!” umiiyak na sabi nito. Bakas ang pagkadurog ng puso nito habang umuupo sa kaniyang tumba-tumba at isinisiwalat sa kaniya ang katotohanan ng kaniyang nakaraan na matagal din nitong pilit na itinago sa kaniya.

“Ayaw kong magkaroon ka ng pagdududa sa ’yong sarili kaya itinago ko sa ’yo ang lahat ng ’yon. Minahal kitang parang tunay na anak ko, Brando, kahit pa anak ka ng lalaking sumira sa pagkababae ko! Hindi ako magkakaganoon kung hindi dahil sa ama mo!” humahagulhol pang dugtong ng kaniyang ina na halos ikalaglag naman ng panga ni Brando.

Sa narinig ay napaluhod siya. Biglang umulit sa likod ng kaniyang isipan ang mga katagang binitiwan niya kanina rito, gayong dapat pala siyang mahiya nang sobra dito! Inalagaan siya ng ina. Minahal at inaruga, kahit pa hindi siya kadugo nito at anak pa siya ng lalaking sumira sa puri nito! Ang ama niya ang nang-abuso dito!

“M-mama, sorry!” iyon lang ang tanging nasambit ni Brando habang nakaluhod siya sa harapan ng kaniyang ina. Ang totoo ay nadala lang siya sa impluwensiya ng alak at sa labis na pagkapahiya kanina, at sa pagkabigla na rin sa nalaman. Hindi nagsalita ang kaniyang ina, ngunit niyakap siya nito. Tanda na pinatatawad siya nito sa kaniyang nagawa at mga nasabi.

Simula noon, pinilit ni Brando na baguhin ang kaniyang sarili. Kahit mahirap, kahit paunti-unti ay ginawa niya. Isa-isa niyang tinalikuran ang kaniyang mga barkada na nagdadala sa kaniya sa kapahamakan, at nagsimula siyang humakbang patungo sa matuwid na daan. Wala siyang balak na maging katulad ng kaniyang ama. Lalo na ngayon. Ayaw na niyang magkaroon pa ng anumang bahid nito sa kaniyang pagkatao dahil para sa kaniya ay si Mylene lang ang kaniyang magulang.

Bumawi si Brando sa ina. Nagsimula siyang magseryoso sa buhay at hindi nagtagal ay unti-unti niya itong nabigyan ng maayos at masaganang pamumuhay.

Advertisement