
Nagmalaki ang Lalaking Ito sa Kaniyang Dating Kaklase na Hindi Nakapagtapos ng Pag-aaral; Mapapahiya pala Siya sa Malalaman Tungkol Dito
“Honey, mauna na kayo ng mga bata sa sasakyan,” sabi ni Primo sa kaniyang asawa, pagkalabas na pagkalabas nila sa isang mall, pagkatapos nilang mamili ng pamasko para sa mga anak nila. Paano kasi, sa ’di kalayuan ay namataan niya ang kaniyang dating kaklase habang nakapila ito sa isang food stall na may nakasulat na: “FREE LUNCH FOR EVERYONE.”
Natawa si Primo sa nakitang sitwasyon nito lalo na at nakita niyang nakasuot lamang ito ng isang simpleng t-shirt na may maliit pang butas sa bandang likuran, at isang luma at kupas na shorts na tinernuhan pa nito ng isang mumurahing sapatos. Dati-dati kasi, ang buong akala niya ay ito lang ang magiging mayaman sa kanilang lahat, ngunit tila nagkamali siya ng hula, dahil imbes ay nagkapalit sila ng sitwasyon.
Nakapag-asawa kasi si Primo ng isang mayamang babae at dahil doon ay binigyan siya nito ng posisyon sa isa sa mga negosyo ng pamilya nito. Ngayon ay sumasahod na siya ng malaki at nabibili ang lahat ng kaniyang luho, samantalang si Justine, ang dati niyang kaklase ay pumipila ngayon at nanlilimos ng libreng pananghalian. Dahil doon ay naisipan ni Primo na lapitan ang dating kaklase…ngunit hindi upang kumustahin ito kundi para pagmalakihan at pagtawanan!
“Pareng Justine, ikaw ba talaga ’yan?!” kunwari’y nagugulat na tawag ni Primo sa pansin ng dating kaeskuwela.
“Primo? Ikaw si Primo? Naku, ako nga ito!” masiglang bati naman nito pabalik sa kaniya at nakipagkamay pa. Pagkatapos ay bigla nitong napansin ang kaniyang kasuotan at natutuwa nitong binati ’yon. “Wow, pare, mukhang big time ka na ngayon, a!” sabi pa nito.
“Medyo gano’n na nga. Sinuwerte sa buhay, e. Nakapangasawa ako ng mayaman, pare, at ngayon ay maganda na ang posisyon ko sa kompaniya nila. Pero mas mabuti na ’yon, hindi ba? Kaysa naman katulad mong nakapila rito at nanlilimos ng libreng pagkain—joke!” kunwari ay biro niya sa dating kaibigan na mabilis namang nagpawala sa ngiti nito kanina.
“Naku, masarap naman ang pagkain dito. Gusto mo, ikuha kita?” Akma sanang lalakad na si Justine nang pigilan ito ni Primo.
“Naku, pare, kakakain ko lang. Huwag na. Actually, kasama ko ’yong misis ko at kumain kami sa isang masarap na restawran d’yan sa mall. Ipinasyal kasi namin ’yong mga bata at binilhan ng kung anu-ano,” pasimpleng pagyayabang pa ni Primo na tinangu-tanguan naman ni Justine.
“May asawa’t mga anak ka na pala. Kami kasi ng nobya ko, napag-usapan naming saka na magpapakasal kapag nagsawa na kami sa buhay mag-nobyo’t magnobya. Gusto kasi namin ay stable na rin kami pareho para maging maayos ang buhay ng magiging anak namin,” pagbabahagi naman sa kaniya ni Justine na ikinahalakhak pa ni Primo.
“E, paano ka nga aasenso, pare? Ni hindi ka nga tapos ng kolehiyo, hindi ba? Naku, sayang lang ang talino mo noong highschool,” tatawa-tawa pang sabi niya. “Saka, tama ’yan. Huwag na muna kayong magpakasal. Naku, mahal ang kasal ngayon kaya nga uso na sa inyong mahihirap ang live in muna, hindi ba?”
Akmang sasagutin na sana ni Justine ang sinabi niya nang bigla na lang lumapit sa harap nila ang isa sa mga staff sa food stall na namimigay ng libreng pagkain…
“Sir, ubos na po ’yong mga pagkain. O-order pa po ba ako ng second round? Marami-rami pa po kasi ang nakapila,” sabi pa nito na ang tinawag na “sir” ay si Justine!
“Oo, sige. Nandoon naman ang Ma’am Elissa mo. Sa kaniya ka na lang magsabi,” sagot naman ng dati niyang kaklase na ikinalaki ng mga mata ni Primo.
“E-Elissa? ’Yong may-ari ng restawran na kinainan namin kanina? ’Yong dating supermodel?!” bulalas niya na agad namang tinanguan ni Justine.
“Oo… actually, siya ang girlfriend ko, pare. Tama ka ring siya ang may-ari ng restawran na ’yon. Naisip niya kasing mag-business buhat nang maipatayo ko ang mall na ’yan…” Inginuso naman ngayon ni Justine ang mall na kanina lang ay pinasukan nila kanina ng kanyang pamilya. “Heto kasi ang kauna-unahan naming negosyong dalawa na sinimulan kong itayo, matapos kong suwertehin mula sa maliit na negosyo ko noon.”
Halos mapanganga si Primo sa nalaman. Hindi niya inaasahan na ang taong niyayabangan niya pala kanina ay hindi hamak na mas mayaman pa sa kaniya o sa pamilya ng asawa niya at iyon ay dahil sa sarili nitong pagsisikap! Hindi ’tulad niyang umasa lamang sa yaman ng asawa niya!
Dahil sa labis na pagkapahiya ay mabilis siyang nagpaalam kay Justine. Akala niya kasi ay hinihintay pa siya ng kaniyang mga asawa’t anak ngunit nauna na palang umuwi ang mga ito dahil sa sobrang pagkainip. Ngayon ay kailangan niyang mag-taxi pauwi. Lalo naman siyang napahiya at halos lumubog na sa kaniyang kinatatayuan nang alukin siya ni Justine na ihahatid na lamang…dahil nang pumayag siya ay halos maglaway siya nang makitang napakagara ng sasakyan nito! Ngayon ay siguradong madadala na siyang magyabang pa kailan man.