
Ang Buong Akala ng Babaeng Ito ay Hindi na Sila Magkikita pa ng Lalaking Niloloko Niya Noon; Paglalaruan Pala Siya ng Tadhana
Araw ngayon ng kasal ni Krizelda. Nakaharap siya sa salamin habang tinatapos ng make-up artist niya ang kaniyang postura. Dapat ay masaya siya ngayon dahil ito ang araw na makikipag-isang dibdib siya sa lalaking pinakamamahal niya…si David.
Ngunit hindi iyon magawa ni Krizelda. Isang linggo niya na kasing inaalala ang dating nobyong si Christian, hindi dahil sa mahal niya pa ito kundi dahil nakukonsensiya siya sa ginawa niya rito. Ito kasi ang pinakamatagal niyang nakarelasyon sa lahat ng kaniyang naging nobyo. Sa totoo lang ay mas matagal pa niya itong naging karelasyon kaysa kay David.
Hindi alam ni Kriselda kung bakit bigla na lang niyang inayawan ang binata noon. Ang alam niya lang, noong makilala niya si David ay agad na nahulog ang loob niya rito kaya naman nang magpakita ito ng interes sa kaniya ay nagpasiya na siyang iwan na lamang basta si Christian sa takot sa kung ano ang magiging reaksyon nito. Bigla na lang niya itong hindi kinausap. Ni wala siyang sinabi rito. Lumipat siya ng bahay at nagpalit ng numero. Nagawa niya rin itong i-block sa mga social media accounts niya upang hindi na siya nito magawa pang kontakin.
Hindi niya kayang harapin si Christian. Takot siya sa maaari nitong isumbat sa kaniya, lalo pa at nang mga panahong iyon ay handa na nitong talikuran ang pangarap nito para sa kaniya.
Tumagal ng halos limang taon ang pagsasama nina David at Krizelda bago sila nagpasyang magpakasal. Sa limang taong iyon ay napakasaya ng buhay ni Krizelda. Pakiramdam niya ay wala na siyang hihilingin pa sa kaniyang buhay, hindi ’tulad ng nararamdaman niya noong sila pa ni Christian. Iyon nga lang, ngayon ay kinakahabahan siya dahil baka bigla na lang bumalik sa kaniya ang karma.
“Besty, bakit naman parang pang-biyernes santo ’yang mukha mo? Araw ng kasal mo ngayon. Dapat masaya ka!” anang kaniyang best friend na si Analyn nang mapansin nito ang hitsura niya habang lulan sila ng bridal car na maghahatid sa kanila sa simbahan.
“Kinakabahan kasi ako. Noong isang araw kasi ay parang nakita ko si Christian habang papunta kami sa simbahan upang i-confirm ang lahat. Natatakot ako na baka karmahin ako sa ginawa ko sa kaniya noon. Alam kong malaki ang kasalanan ko lalo pa at nabalitaan kong labis niyang dinamdam ’yong nangyari,” mangiyak-ngiyak pang paliwanag ni Krizelda sa kaibigan na agad namang ikinabigla nito.
“Besty, huwag kang mag-alala. Alam kong naiintindihan at napatawad ka na niya. Mabuting tao naman si Christian,” sagot naman sa kaniya ni Analyn.
Sa wakas ay dumating si Krizelda sa simbahan. Hindi niya alam kung bakit habang bumababa siya ng sasakyan ay ganoon na lang kalakas ang kalabog ng kaniyang dibdib…ngunit sa kaniyang pagtingala at pagharap mismo sa altar ay nasagot ang kaniyang pagtataka sa nararamdaman…dahil ang paring magkakasal pala sa kanila ngayon ni David, ay ang mismong lalaking kaniyang niloko at basta na lamang tinalikuran noon! Itinuloy na rin pala nito ang pagpapari.
Gusto nang umatras ni Krizelda at tumakbo palayo sa naturang lugar, kundi nga lamang niya naalala ang kanilang mga bisita, lalong-lalo na ang magkabilang panig ng angkan nila ni David, ay baka tuluyan na siyang tumakbo palayo!
Nang marating ni Krizelda ang mismong altar ay ibigay na ng kaniyang ama ang kamay niya kay David, na noon ay tuwang-tuwa namang humarap sa kaniya.
“Huwag kang mag-alala, mahal. Alam ko na ang lahat. Nakausap ko si Father Christian nang mauna kang umuwi noong araw na nagpa-schedule tayo rito sa simbahan. Sabi niya sa akin ay masaya siya para sa ’yo, at pinapatawad ka na niya—tayo, sa nagawa natin sa kaniya noon,” pagbibigay ng kasiguraduhan sa kaniya ni David na ikinagulat naman ni Krizelda. “Wala ka nang dapat ikatakot.”
Iniangat ni Krizelda ang kaniyang paningin upang salubungin ang mga titig ni Father Christian at halos mabunutan siya ng tinik sa dibdib nang bigla itong ngumiti at siya’y tinanguan.
“Ganoon pa man, gusto ko pa ring humingi ng tawad sa ’yo, Father, dahil alam kong nasaktan ko ang damdamin mo noon,” naluluhang sabi ni Krizelda sa pari.
“Pinapatawad na kita, Krizelda. Sa tingin ko ay kalooban din ng Diyos ang nangyari noon upang makita kong ito talaga ang nakatadhana kong gawin. Ang gusto ko na lang, sana ay mabuhay ka nang masaya kasama ang butihin mong asawa at maging maayos at masagana ang inyong pagsasama.”
Pagkatapos niyon ay nagsimula na ang seremonyas. Doon ay natutunan ni Krizelda na hindi kailan man matatahimik ang konsensiya ng mga manloloko kaya naman wala na siyang balak pang ulitin iyon kailan man.