Inday TrendingInday Trending
Nagagalit Siya sa Kaibigang Laging Hindi Sumasama sa mga Lakad Nila; Mahalagang Aral ang Naibigay Nito sa Kaniya

Nagagalit Siya sa Kaibigang Laging Hindi Sumasama sa mga Lakad Nila; Mahalagang Aral ang Naibigay Nito sa Kaniya

Hindi maitago ni Bea ang inis na nararamdaman niya sa isa mga barkada niyang si Trish. Sa tuwing may gala na lang kasi sila, palagi itong tumatanggi at nangangatwirang, “Ayaw akong payagan ng mga magulang, eh, pasensya na kayo,” na talagang nagpapainit ng ulo niya dahil hindi sila makumple-kumpleto dahil dito.

Tinuturing niyang kaartehan ang katwirang ito ng kaibigan niya dahil dalawampu’t anim na taong gulang na sila at imposible para sa kaniya na hindi ito payagan ng mga magulang nitong alam niya’y may katandaan na rin.

“Panigurado ako, nagdadahilan lang ‘yang si Trish! Ang tanda-tanda na niya, pagbabawalan pa ba siya ng mga magulang niya? Samantalang noong nasa kolehiyo tayo, kahit halos hindi na siya umuuwi sa bahay nila, hindi siya pinapagalitan!” inis niyang sabi nang magkita-kita sila ng kaniyang mga barkada na wala si Trish.

“Oo nga, eh, pero baka naman may iba siyang dahilan kaya niya sinasabi ‘yon,” sagot ng isa sa mga kaibigang kasama niya.

“Malamang, mayroon talaga! Baka tinatamad lang ‘yon o baka walang pera! Alam mo namang hindi nagpapakita ng kahinaan sa atin ang babaeng ‘yon! Gusto niya, siya palagi ang bida, ang tama, at importante!” galit niyang sabi na ikinagulat ng lahat.

“Hoy, grabe naman ‘yang galit mo kay Trish! Halika na nga, magkape na tayo para kumalma ka na!” patawa-tawang sabi ng isa habang siya’y tinatapik-tapik sa likuran dahilan para siya’y mapairap na lamang.

Habang masaya silang nagkakape at nagkukwentuhan, napunta ang usapan nila sa Tagaytay dahilan para sila’y magkayayaang magpunta roon sa katapusan ng buwan para magliwaliw.

“Ako nang bahala sa lahat ng pagkain natin! May bagong bukas na restawran ang pamilya ng nobyo ko, roon na lang ako oorder ng mga pagkain!” masayang sabi ng isa niyang kaibigan.

“O, ako naman ang bahala sa sasakyan. Dadalhin ko ‘yong van namin at ako na rin ang magmamaneho, mga madam!” segunda pa ng isa na labis niyang ikinatuwa.

“Ako na mangungumbinsi kay Trish na sumama para makumpleto na tayo!” sabat naman ng isa na ikinatawa niya.

“Naku, asa ka! Kapag ‘yon sumama, ililibre ko kayong lahat sa isang Korean Restaurant doon!” pagyayabang niya.

“Pustahan, mapapapunta ko siya?” sagot nito na ikinangisi niya.

“Pustahan, magdadahilan na naman ‘yon na hindi siya pinayagan ng mga magulang niya kahit ang totoo naman ay wala lang siyang pera at tinatamad siya?” sagot niya ngunit siya’y nagulat nang biglang may umakbay sa kaniya.

“O, sige, ihanda mo na ang pera mo, ha? Hindi ba’t limang daang piso ang bayad sa isang tao roon?” bulong ni Trish sa kaniya.

“Ah, eh, Trish, akala ko ba hindi ka pwede?” tanong ng kaibigan nila.

“Oo, sumunod ako kasi bigla ko kayong na-miss pero uuwi rin ako agad dahil walang kasama sa bahay ang mga magulang ko,” katwiran nito na agad niyang kinontra.

“Bakit, mawawala ba sila sa bahay niyo? O baka wala ka lang pangbili sa kapehang ito? Ilibre na kaya kita para magtagal ka?” patawa-tawa niyang sabi.

“Alam mo, Bea, tama ka, eh, nagdadahilan lang talaga ako para hindi ako makasama sa inyo. Pero hindi iyon dahil wala akong pera o tinatamad ako. Sa katunayan, gustong-gusto kong umalis pero hindi ko magawa dahil gusto kong sulitin ang natitirang oras na mayroon ang mga magulang ko rito sa mundo na hindi ko nagawa noong kabataan ko. Maliwanag na ba sa’yo? Huwag mo akong husgahan, Bea, lalo na kung binibigyang halaga ko ang mga magulang ko habang ikaw, puro tropa lang ang alam,” paliwanag nito habang nakatingin sa kaniyang mga mata, “Ito nga pala ang laman ng bangko ko. Nakalimutan mo na yatang marami akong endorsement sa social media, eh. Gusto mo bang ikaw pa ang ilibre ko ng kape rito?” sabi pa nito saka pinakita sa kaniya ang passbook nitong naglalaman ng sandamakmak na pera.

Gustuhin man niya sanang sumagot, wala ni isang argumento ang pumasok sa isip niya hanggang sa nakita niya na lang na ito na ang pinalilibutan ng kanilang mga kaibigan habang siya’y mag-isa sa isang sulok.

Habang muli niyang pinatatakbo sa isip niya ang sinabi nito, napagtanto niyang tama nga ang sinabi nito. Sa labis na kagustuhan niyang siya ang maging sentro ng kanilang barkada, ito na ang binibigyan prayoridad niya kaya siya’y nagagalit kapag hindi sila kumpleto.

Sumagi rin sa isip niya na matagal na simula nang huli niyang dinalaw sa probinsya ang kaniyang mga magulang dahilan para siya’y agad na pumuslit sa kapehang iyon saka nagmaneho pauwi sa kanilang bahay.

Pagdating niya roon, taos pusong pagsalubong mula sa kaniyang mga magulang ang natanggap niya. Hindi matatawaran nino man ang mahigpit na yakap ng mga ito habang tinatanong kung kumakain ba siya nang tama sa oras.

“Salamat, Trish, pinaunawa mo sa’kin ang halaga ng mga magulang ko bago sila tuluyang mawala,” bulong niya habang pinagmamasdang magkuhamog ang mga ito na paglutuan siya ng masarap na pagkain.

Ilang araw pa ang nakalipas, natuloy na rin ang usapang nilang paggagala sa Tagaytay kung saan siya nagkaroon ng pagkakataong makausap ito at doon na siya humingi ng tawad dito na agad namang tinanggap nito.

Advertisement