
Todo ang Suporta ng Babae sa Pangarap ng Nobyo; Hindi Inaasahan ang Kinahinatnan ng Kanilang Pagmamahalan
“Akala ko’y hindi ka na darating, Katya. Kanina pa ako naghihintay sa’yo rito sa plaza,” saad ni Joseph sa kaniyang kasintahan.
“Pasensya ka na, mahal. Hinintay ko pa kasing makaalis si nanay papuntang palengke. Alam mo namang tumatakas lang ako. Kailangan ko na rin makauwi kaagad dahil tiyak na hahanapin ako. A-ano ba ang dahilan kung bakit mo ako pinapunta pa rito?” tugon naman ng dalaga.
“May nakausap kasi akong taga-munisipyo. Matutulungan daw tayo para tuluyan na tayong makapagpakasal. Sa gayon ay hindi na natin kailangan pang magtago sa mga magulang mo! Wala na silang magagawa dahil kasal na tayo. Iyon ay kung papayag kang magpakasal sa akin,” sambit pa ng binata.
“Kinakabahan naman ako sa binabalak mong iyan. Ayaw ko ring bigyan ng sama ng loob ang mga magulang ko. Pero sa tingin ko ay nasa tamang edad na rin naman tayo. Kaya kumuha lang tayo ng tyempo at saka tayo magpakasal. Sa susunod nating pagkikita ay pag-usapan natin ito muli. Pero sa ngayon ay kailangan ko nang umuwi, Joseph. Sa tingin ko ay nasa bahay na ang nanay ko,” wika naman ni Katya.
Ang hindi alam ng dalawa ay naroon ang ina ni Katya na si Aling Lumeng. Dagli itong lumapit sa kanila. Galit na galit itong pinagsabihan ang anak.
“Sinasabi ko na nga ba at makikipagkita ka lang sa lalaking ito! Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo, Katya, na wala kang mapapala sa kaniya?! Anong ipapakain sa iyo ng lalaking iyan? Tanging pagbabanda lamang ang alam niyan!” bulyaw ni Aling Lumeng.
“Mahal ko po ang anak ninyo, Aling Lumeng. Sa ngayon ay hindi ko pa talaga siya mabibigyan ng magandang buhay pero kapag sumikat na ang banda ko ay ililibot ko sa buong mundo ang anak n’yo. Ibibigay ko ang lahat ng kailangan n’ya. Kaya hayaan n’yo na akong pakasalan siya,” giit naman ni Joseph.
“Napapakinggan mo ba ang sinasabi mo? Ni wala ngang nakakakilala sa banda mo! Saka hindi isang kagaya mo lang ang gusto kong mapangasawa ng anak ko. Kaya kung ako sa iyo’y lalayo na ako! Ayusin mo muna ang sarili mo saka ka magmalaki sa akin!” wika pa ng ginang sabay kaladkad sa anak palayo.
Labis ang sama ng loob ni Katya sa kaniyang ina. Kahit na nasa tamang edad na siya ay mahigpit pa rin ito sa kaniya. Ito pa rin ang nagmamando ng kaniyang buhay. Ngunit handa niyang suwayin ang ina sa ngalan ng pag-ibig niya kay Joseph.
Isang araw ay muling nagkita ang dalawa. Sa pagkakataong ito ay mas naging maingat na sila.
“Katya, sumama ka na sa akin. Nakausap ko na ‘yung kilala ko sa munisipyo. Siya na raw ang bahala sa kasal natin. Ilang dokumento na lang ang kulang saka ‘yung pambayad. Magdedelihensya ako para matuloy na natin sa isang linggo,” saad ni Joseph sa dalaga.
“Hindi na ako makapaghintay pa. Balitaan mo na lang ako ulit kung kailan ang kasal natin. Buo na ang loob kong sumama sa iyo, Joseph. Handa na akong magsimula ng bagong buhay kasama ka,” saad naman ng dalaga.
Habang lumilipas ang mga araw ay hindi na makapaghintay si Katya na tuluyang makawala sa paghihigpit ng ina.
Nang sumunod na linggo ay muling nagkita ang magkasintahan.
“Katya, may nais sana akong sabihin sa iyo, e. Hindi ba’t sinabi ko nang gagawa ako ng paraan para matuloy ang kasal natin? Kaso may nangyari. Nakapasa kasi sa audition ang banda ko. Kailangan naming makapunta agad-agad sa ibang bansa para magtanghal. Ito na ang pinakahihintay ko! Sa wakas ay kaya na kitang bigyan ng magandang buhay,” saad naman ni Joseph.
Masayang masaya naman rin si Katya sa ibinalita ng kaniyang nobyo.
“Unahin mo na lang muna ‘yan kaysa sa kasal natin. Pagkakataon mo na ito para matupad mo na ang mga pangarap mo. Ayaw kong makahadlang sa’yo, mahal. Narito lang naman ako at maghihintay sa pagbabalik mo,” wika naman ni Katya.
“Napakaswerte ko talaga sa iyo! Bukod sa mahal na mahal mo na ako’y palagi mo pa akong inuunawa. Gagawin ko naman ito para sa atin. Pangako ko sa’yo na pagbalik ko ay pakakasal tayo agad. Walang magbabago! Ikaw lang ang mamahalin ko!” sambit muli ng binata.
Kahit nakakalungkot ay hinayaan na ni Katya na umalis ang nobyo. Kumapit na lang siya sa pangako nitong babalik at saka sila tuluyang magsasama. Sa pagkakataong iyon ay malaki na rin ang tyansa na tuluyang matanggap ni Aling Lumeng si Joseph.
Lumipas ang mga buwan at madalas na magtawagan sina Joseph at Katya. Halos lahat ng ginagawa ng binata ay kinukwento niya sa kaniyang nobya.
Ngunit habang tumatagal ay napapansin ni Katya na nabawasan na ang panahon ni Joseph sa kaniya. Madalas na rin itong hindi makausap. Palagi itong abala sa banda lalo na’t unti-unti na rin itong sumisikat.
Nababalitaan na lang ni Katya sa radyo at telebisyon ang mga bagong kaganapan sa buhay ng kaniyang nobyo. Tuwang-tuwa siya dahil mataas na nga ang narating nito. Tuluyan na nitong naabot ang kaniyang mga pangarap. Subalit sa kabila nito’y tuluyan na rin itong nagbago.
“Anong sinabi ko sa iyo, Katya, nakalimutan ka na ng lalaking iyan! Sa dami ng babaeng nakapalibot sa kaniya’y tingin mo’y may halaga ka pa? Kung tunay ka niyang mahal ay hindi ka niya paaasahin nang ganyan!” saad ni Aling Lumeng habang nakikitang malungkot ang anak.
“Ang sabi niya’y para sa amin ang ginagawa niya at babalik siya para pakasalan ako,” sagot naman ng dalaga.
“At naniwala ka naman? Mabuti kung kilala ka pa niyang lalaking iyan! Ganyan talaga ang mga biglang sumisikat. Lumalaki ang ulo nila. Kalimutan mo na ang lalaking iyan at masasaktan ka lang! Tanggapin mo na ang pag-ibig ng manliligaw mong si Ramon. Maayos ang pamilya niya kaya tiyak na maayos rin siyang lalaki” saad muli ng ina.
Ngunit nais patunayan ni Katya na iba si Joseph sa lahat ng lalaki. Kaya naman gumawa siya ng paraan upang mapuntahan ito sa ibang bansa. Nais niya itong surpresahin at alam niyang magiging masaya ito kapag nakita siya.
Ngunit nasa labas pa lang ng tinutuluyang hotel ng binata ay nahirapan nang makapasok itong si Katya. Habang hinihintay niya ang kasintahan sa lobby ay laking gulat niyang makita itong papasok ng hotel kasama ang ilang babaeng nakapulupot pa rito. Masayang-masaya naman ang lalaki sa tagpong iyon.
Hinarap ni Katya ang nobyo. Nagulat naman ito nang makita ang dalaga.
“Akala ko ba ay wala kang gagawin na makakasakit sa kalooban ko? Nangako ka sa akin, Joseph, ‘di ba? Ito pala ang dahilan kung bakit bigla kang nagbago. Sagutin mo nga ako, gusto mo pa bang ituloy ang lahat sa atin? Mahal mo pa ba ako?” tanong ni Katya.
“Alam mo kasi, Katya, matagal na panahon na rin tayong nagkalayo. Parang nagkalayo na rin ang mga puso natin. Hindi ko naman alam na hanggang ngayon ay umaasa ka pa rin sa mga pinangako ko sa iyo noon. Tingnan mo nga tayong dalawa. Magkaiba na ang mundong ginagalawan natin. Makakasabay ka ba sa mundo ko? Hindi naman, ‘di ba? Kaya kung ako sa iyo ay kalimutan mo na lang ako. Dito na ang mundo ko at kailangan na nating tanggapin ‘yun,” pahayag naman ni Joseph.
Labis ang hinagpis ni Katya sa mga sinabing ito ng kasintahan. Buong akala niya kasi ay tuloy pa rin ang magagandang pangarap nila para sa isa’t isa. Siya na lang pala itong umaasa.
“Mabuti nga at ngayon pa lang ay nalaman ko na ang tunay na ikaw, Joseph. Mainam pa noong hindi ka pa sikat at wala ka pang pera, kayang-kaya mo akong ipaglaban at panindigan. Ang laki na talaga ng pinagbago mo. Pero kung iyan ang gusto mo’y ibibigay ko sa iyo. Paalam na sa’yo at sa bagong mundo mong ginagalawan,” umiiyak na sambit ni Katya.
Luhaan ang dalaga na umuwi ng Pilipinas. Sa kaniyang kalungkutan ay naging sandigan niya ang ina at ang manliligaw na si Ramon. Doon ay napagtanto niyang tama ang kaniyang Nanay Lumeng. Mainam na lalaki si Ramon kaya sa ikalawang pagkakataon ay binuksan ng dalaga ang kaniyang puso sa iba. Hindi nagtagal ay inibig na rin niya ang binata.
Sa paglipas naman ng panahon ay hindi maiwasan ni Joseph na makaramdam ng kalungkutan. Hindi niya maunawan na kung bakit nasa kaniya na ang lahat ngunit parang may malaking kulang pa rin sa kaniyang buhay.
Hanggang sa muli niyang naalala si Katya. Wala pa rin palang babae ang makakapantay sa pag-ibig nito na totoo at dalisay.
Sa pagkakataong iyon ay hindi na nag-atubili pa si Joseph at bumalik na ito ng Pilipinas. Nais niyang humingi ng tawad at nais niyang muling ayusin ang kanilang relasyon.
Laking tuwa niyang maabutan si Katya sa bahay nito. Naroon din si Aling Lumeng. Ngayon ay malakas na ang loob ni Joseph na humarap sa mga ito dahil may binatbat na siya.
Subalit hindi naging tulad ng kaniyang inaasahan ang mga sumunod na tagpo.
“J-Joseph? A-anong ginagawa mo rito?” laking pagtataka ni Katya.
“Narito ako para makuha muli ang pag-ibig mo, Katya. Patawarin mo ako. Malaki ang pagkakasala ko sa iyo. Hayaan mo akong patunayan kong nagsisisi na ako. Kulang ang buhay ko kung wala ka,” naiiyak na wika ng binata.
Napahinto si Joseph nang makita ang isang lalaki na may bitbit na sanggol sa loob din ng bahay.
“S-sino siya, Katya?” tanong ni Joseph sa dating nobya.
“Joseph, maraming taon na ang nakalipas. Sinunod ko ang nais mo na kalimutan ka at magpatuloy sa buhay ko. Siya si Ramon, ang aking asawa, at ang batang bitbit niya naman ay ang anak namin. Dalawang taon na kaming kasal, Joseph. Narito lang kami sa bahay ni nanay upang dalawin siya,” pahayag naman ni Katya.
Hindi na naiwasan ni Joseph na umagos ang kaniyang mga luha dahil sa labis na pagsisisi.
“Mahal mo pa ba ako, Katya? May natitira ka pa bang pagmamahal sa akin? Patawarin mo na ako! Sabihin mong nagbibiro ka lang! Sabihin mong hindi totoo ang lahat ng ito!” pagsusumamo ng binata.
“Matagal na panahon na rin ang nakalipas, Joseph, at magkaiba na ang mundong ginagalawan natin. Masaya ako sa asawa at anak ko. Sila ang buhay ko. At wala akong nais gawin na makakasira sa aming pamilya. Ito na ang mundo ko ngayon, Joseph, at kailangan mo nang tanggapin iyon. Umalis ka na at kalimutan mo na ako,” sambit ni Katya.
Puno ng pagsisisi ang puso ni Joseph habang paalis siya sa bahay ng minamahal. Hindi niya maiwasang isiping siya ang nasa katayuan sana ni Ramon kung tinupad lang niya ang pangako niya kay Katya. Ngayon nga ay hawak na niya ang tagumpay na kaniyang hinahangad ngunit habambuhay na mayroong malaking puwang sa kaniyang puso sapagkat hindi na kailanman magiging sila muli ni Katya.