
Imbes na Magpasalamat, Nagrereklamo pa Siya Tuwing Binibigyan ng Regalo; Natauhan Siya sa Pangaral ng Kaibigan
Hindi marunong magpasalamat ang dalagang si Eunice. Wala siyang palaging bukambibig kung hindi reklamo o pangngungutya tungkol sa mga binibigay na regalo ng kaniyang nobyo. Palagi niya pa itong kinukumpara sa nobyo ng kaniyang kaibigan na mamahalin ang binibigay na mga regalo.
May pagkakataon pa ngang humiling siya rito ng isang damit na gagamitin niya sa kasal ng kaniyang kaibigan ngunit hindi niya ito tinanggap dahil alam niyang galing lang ito sa palengke. Mumurahing bestida lang kasi ang bigay nito sa kaniya at alam niyang hindi ito babagay sa kaniya.
Kahit na alam niyang iyon lang ang kaya nitong ibigay dahil nga hindi naman ito mayaman, hindi niya pa rin ito tinanggap at pinamukha niya pa rito kung gaano kapangit ang bigay nito.
“Tingin mo ba magsusuot ako ng ganiyang klaseng damit? Kahit yata pulubi hindi magsusuot niyan, eh! Magkano lang ba ‘yan? Bente pesos? Isauli mo na ‘yan dahil hinding-hindi ko ‘yang susuotin! Magmumukha akong kawawa sa damit na ‘yan!” sigaw niya rito saka itinapon sa mukha nito ang naturang damit.
“Pasensya na, mahal, ito lang ang kaya kong ibigay sa’yo, eh,” nakatungo nitong sagot saka tiniklop ang hinagis niyang damit.
“Kasi nga hindi ka nagsusumikap na mabilhan ako ng mga gamit na gusto ko! Palagi ka na lang may dahilan!” bulyaw niya pa rito saka agad itong nilayasan.
Habang nasa daan, nag-iisip siya nang paraan kung paano makakabili ng bestidang gagamitin niya sa kasal. Wala rin naman kasi siyang trabaho at ayaw niya ring umasa sa mga magulang niyang wala ring malaking kinikita.
“Dapat siguro maghanap na ako ng lalaking may magandang trabaho kagaya ng kaibigan ko! Mabuti pa siya, ikakasal na, habang ako, namomroblema pa kung saan kukuha ng bestida! Bakit kasi isang kargador lang ang nanligaw sa akin?” inis niyang sabi habang naglalakad-lakad.
Maya maya pa, habang patuloy niyang kinakausap ang sarili, nakarinig siya ng isang malakas na busina ng kotse dahilan para siya’y mapalingon sa likod niya.
“Sakay na, Eunice! Saan ang punta mo?” sigaw ng kaibigan niya saka binuksan ang pintuan ng sasakyan.
“Naghahanap ako ng paraan kung paano makakabili ng bestidang gagamitin ko sa kasal mo! Ang pangit-pangit kasi no’ng bestidang binigay sa akin ng nobyo ko, eh! Halatang mumurahin at bili lang sa palengke! Ayoko namang magmukhang kawawa sa kasal mo, ‘no!” reklamo niya rito.
“Alam mo, lagi ka na lang nagrereklamo tuwing binibigyan ka ng nobyo mo. Ni minsan, hindi pa kita narinig na magpasalamat sa kaniya,” sabi nito.
“Bakit naman ako magpapasalamat sa kaniya kung hindi ko naman nagugustuhan ang mga binibigay niya?” tanong niya rito.
“Kahit nagustuhan mo o hindi, magpasalamat ka pa rin! Hindi mo ba naisip na ‘yong perang ginagastos niya para sa’yo ay ang buong araw niyang kita sa trabaho? Isipin mo nga, para magkaroon siya ng dalawang daang piso, tone-toneladang gulay ang binubuhat niya! Tapos, magagalit ka pa kapag mumurahin lang ang binibigay sa’yo?” paliwanag nito sa kaniya.
“Hindi kasi siya nagpupursigi! Kung nagpupursigi siya, sana nabibilhan niya na ako ng mga orihinal na gamit kagaya ng mapapangasawa mo!” tugon niya.
“Nagpupursigi siya, Eunice! Sadyang hindi ka lang makuntento dahil kinukumpara mo siya sa nobyo ko! Ang nobyo mo, binibigay niya ang lahat ng kita niya sa’yo, habang ang nobyo ko naman, parte lang ng kita niya ang binibigay niya sa akin. Kung tutuusin, mas kahanga-hanga pa nga ang nobyo mo dahil handa niyang ibigay ang lahat para sa’yo!” sigaw nito sa kaniya dahilan para siya’y matahimik at mapaisip.
Dahil doon, dali-dali siyang nakaramdam ng awa sa nobyo niyang hindi niya napapakitunguhan nang maayos dahilan para siya’y agad na magpahatid sa bahay nito.
Naabutan niya itong nagbibilang ng barya mula sa binuksan nitong alkansya at nang siya’y makita nito, agad nitong binigay sa kaniya ang mga barya.
“Makakabili ka na ba ng magandang bestida sa halagang limang daang piso? Pasensya ka na…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin nito dahil hindi na niya makaya ang pangongonsenyang nararamdaman.
“Patawarin mo ako, mahal! Sobra-sobra na ang binibigay mo sa akin! Sadyang hindi lang ako marunong makuntento!” hikbi niya saka ito mahigpit na niyakap na ikinaiyak na rin nito.
Simula noon, hindi na siya muling humiling pa sa kasintahan at sa tuwing magreregalo ito sa kaniya, peke man o orihinal na bagay ang bigay nito, taos puso niya itong tinatanggap at ikinapapasalamat.
Sa huli ay dumalo pa rin siya sa kasal ng kaniyang kaibigan suot-suot ang mumurahing damit na bigay ng nobyo niya. Kahit pa hindi ito kasing ganda ng mga suot ng ibang bisita, litaw na litaw pa rin ang kagandahan niya dahil sa saya at pagmamahal na kaniyang nararamdaman.
Natuto na rin siyang maghanap ng trabaho simula noon at hindi na umasa pa sa kasintahan niya na tugunan ang kaniyang mga pangangailangan na labis na ikinatuwa ng kaniyang matalik na kaibigan.