Kinukumpara ng Karamihan ang Propesor na Ito sa Kaniyang Ama; Pagkakamali na nga lang ba ang Tangi Niyang Magagawa sa Trabaho?

Bata pa lamang si Justin ay gustong-gusto niya nang maging isang propesor katulad ng kaniyang ama dahilan para palagi niyang hilingin ditong isama siya nito sa pagtuturo. Habang tahimik na nakikinig at nagmamasid kung paano magturo ang kaniyang ama, roon niya pinangako sa sarili na balang araw, magiging katulad siya nito na paborito ng halos lahat ng estudyante at pinakikitunguhan nang maayos ng iba pang mga katrabaho nitong propesor dahil sa galing at talino nito.

Ito ang tangi niyang dahilan kung bakit siya nagsumikap sa pag-aaral at kumuha ng kursong nakahanay sa pagtuturo sa kolehiyo. Hindi man naging madali ang pag-abot niya sa pangarap niyang ito dahil nga hindi naman siya katalinuhan at sipag lang ang tangi niyang puhunan, hindi pa rin siya sumuko.

“Kung hahayaan ko ang sarili ko na sumuko dahil lang hindi ako kasing talino ng tatay ko, hindi ako magiging katulad niya. Matalino siya, pero mas masipag ako! Tiyak, maaabot ko rin kung ano ang naabot niya!” palagi niyang paalala sa sarili tuwing siya’y nahihirapan sa pag-aaral.

Pinagpatuloy niya ang kasipagang mayroon siya hanggang sa siya’y tuluyan nang makapagtapos. Doon na niya agad na sinimulang magpasa ng aplikasyon sa unibersidad na pinagtatrababuhan ng kaniyang ama at sa kabutihang palad naman, pagkatapos ng ilang buwang pagdarasal at pagpapakitang gilas sa mga nakakataas doon, siya rin ay nabigyan ng pagkakataon na magturo roon.

“Bilib talaga ako sa’yo, anak! Ipagpatuloy mo ang kagalingan mo, ha? Kapag may tanong ka, huwag kang mahiyang magpunta sa opisina ko, gagawin ko ang lahat para maturuan ka!” bati ng kaniyang ama nang unang beses siya nitong makitang nagtuturo sa naturang unibersidad. 

Kaya lang, dahil nga ama niya ang isa sa pinakahinahangaang propesor na unibersidad na iyon, hindi maiwasang hindi siya maihambing ng mga katrabaho at estudyante rito. Paminsan pa nga’y harap-harapan siyang kinukumpara ng mga kapwa niya propesor sa kaniyang ama lalo na kapag may kapalpakan siyang nagagawa.

Katulad na lang nang makalimutan niyang makapagpasa ng kaniyang lesson plan sa tamang oras dahil sa dami ng mga chinecheckan niyang mga dokumentong ng kaniyang mga estudyante.

“Sigurado ka ba talagang anak ka ni Sir June? Magkaibang-magkaiba kayo, eh! Si Sir June, ni minsan hindi nahuhuli sa pagpapasa ng lesson plan! Madalas pa nga, isang linggo bago ang pasahan, mayroon na siya kaagad! Tapos ikaw, halos isang buwan na ang nakakalipas, wala ka pa ring nagagawa?” mataray na sabi sa kaniya ng isa sa mga propesor doon nang malaman nitong wala pa siyang napapasang gawa. 

Advertisement

“Pasensya na po, ma’am, nakagawa naman na po talaga ako noong nakaraang buwan pa. Nawala lang po sa isip kong ipasa dahil sa dami ng ginagawa ko,” paliwanag niya rito saka niya nilagay sa lamesa nito ang gawa niyang lesson plan.

“Katwiran ba ‘yan, sir? Diyos ko! Tapos tingnan mo ang gawa mo, kulang-kulang na, wala pang saysay! Hindi ko na tuloy mapigilang hindi maniwala sa tsismis na tinanggap ka lang sa unibersidad na ito dahil malaki ang utang na loob sa tatay mo!” sigaw nito sa kaniya dahilan para magsimula nang magbulungan ang iba pang propesor na nasa silid na iyon.

Sa sobrang kahihiyang naramdaman niya, agad na siyang lumabas ng silid at nagtungo sa opisina ng kaniyang ama. Alam niyang may klase ito at walang tao roon kaya roon niya naisipang magpunta. Ngunit pagdating niya roon, naabutan niyang nagtitimpla ng kape ang kaniyang ama at ito’y labis na nagulat dahil tila tutulo na ang kaniyang mga luha.

“O, anong nangyari, anak? Bakit mangiyakngiyak ka?” tanong nito, wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang umiyak sa harap nito at sabihin ang totoong nangyari, “Pambihira naman ‘yan sila! Kahit ama mo ako, magkaiba tayo! Alam mo, anak, huwag mo na lang silang intindihin. Ipakita mo sa kanila na hindi ka man kasing katalino at galing ko sa trabaho, masipag at magaling ka namang magturo! Bilib na bilib kaya ako sa paraan nang pagtuturo mo, halatang nasisiyahan ang mga estudyante kapag ikaw ang propesor nila!” sambit pa nito kaya bahagyang gumaan ang loob niya.

“Baka naman binobola niyo lang po ako, papa, ha?” paninigurado niya rito. 

“Ako lang ang tangi mong kakampi rito, anak. Ako pa ba ang mangloloko sa’yo? Ipagpatuloy mo lang ang ginagawa mo, siguradong maraming estudyante ang papangaraping maging katulad mo,” pangaral pa nito saka na siya hinatid sa klaseng sunod niyang tuturuan at oramismo, pinatunayan niya sa mga kapwa propesor na padaan-daan doon upang makita ang mga pagkakamali niya na mayroon din siyang ipagmamalaki.

Hindi nga nagkamali ang kaniyang ama dahil nang may maganap na pagtitipon ang mga propesor, siya ang may pinakamataas na ebalwasyon mula sa mga estudyante. Sabi pa ng pinakamataas na guro sa unibersidad na iyon, “Dahil sa’yo, sir, bumalik ang gana ng mga estudyante natin sa pag-aaral. Ang galing daw ng pamamaraan mo ng pagtuturo! Nasisiyahan na sila sa bawat diskusyon niyo, natututo pa raw sila!” dahilan para mapahiya ang mga propesor na nais isumbong ang kapalpakan niya.

Simula noon, hindi na niya muling binigyang pansin ang mga katrabahong pagkakamali niya lang ang nais makita. Bagkus, itinuon niya ang atensyon sa mga estudyanteng siya ang isa sa mga pag-asa sa pagkatuto at sa ganoong paraan, katulad ng pangarap niya, naging katulad siya ng kaniyang ama na maging isang hinahangaang propesor – sa sarili niyang paraan.