Ipinaranas ng Isang Lalaki sa Dalawang Batang Pulubi ang Kumain sa Sikat na Fastfood Chain; Babalik Pala sa Kaniya ang Biyaya

Ipinaranas ng Isang Lalaki sa Dalawang Batang Pulubi ang Kumain sa Sikat na Fastfood Chain; Babalik Pala sa Kaniya ang Biyaya

InspiringMiracleStoriesSuccess

Bisperas ng Pasko noon. Ika-abente kuwatro ng Disyembre, alas onse ng tanghali, ngunit matiyaga pa ring nagtatrabaho bilang service crew ang binatang si Isaac sa pinapasukang fastfood chain. Patapos na siyang maglampaso noon ng sahig, nang mapalingon siya sa dalawang batang marungis na nakadungaw sa salaming pader ng kanilang kainan. Mukhang nagugutom na ang mga ito ayon na rin sa paraan ng paghawak nila sa kani-kanilang mga sikmura.

Malungkot ang kanilang mga mukha at tila kagagaling lamang sa iyak. Dahil doon ay naalala tuloy ni Isaac sa mga ito ang dalawa niyang pamangkin na ngayon ay tinutulungan niyang buhayin kaya naman labis ang awang naramdaman niya sa kanila.

Mabilis na tinapos ni Isaac ang kaniyang ginagawa upang lapitan sila. “Mga bata, nagugutom ba kayo?” tanong niya sa mga ito na agad naman nilang tinanguan.

“H-hindi p-pa po kami nakakakain d’yan, e,” pag-iimporma pa sa kaniya ng bata habang itinuturo ang loob ng sikat na fast food chain na kaniyang pinagtatrabahuhan. Bagama’t may pagkabulol pa ang pagkakasabi ng bata na pinilit lamang intindihin ni Isaac.

“Ganoon ba, totoy? Gusto n’yo bang kumain? Halina kayo sa loob. Ako ang magbabayad para sa inyo, okay?”

Halos magtatalon naman ang dalawang bata sa tuwa dahil sa sinabi ni Isaac. Agad niyang ipinaghanda ng pwesto ang mga ito at binigyan ng tig-isang plato ng espesyal nilang spaghetti, malutong na pritong manok, mainit na kanin, ice cream, french fries at soft drinks, pati na rin tubig at mabilis na nilantakan iyon ng dalawang bata. Tuwang-tuwa naman si Isaac sa nakitang masarap na pagkain ng dalawa kaya naman kinuhanan niya ito ng litrato at i-p-in-ost sa kaniyang social media.

Hindi naman akalain ni Isaac na sa isang iglap lang ay mabilis na magba-viral ang kaniyang post. Umani iyon ng napakaraming shares at reaksyon mula sa mga netizens na natutuwa dahil sa ginawa niya. Malaking papuri ang inabot niya sa mga ito at dahil doon ay pinuri din siya ng kaniyang mga manager.

Ngunit may hindi pa inaasahang mangyari si Isaac, dahil nang sumapit ang gabi ay may dalawang mag-asawang may kasamang mga pulis ang siyang nagpunta sa branch na siyang pinagtatrabahuhan ni Isaac upang hanapin ang dalawang bata dahil ayon sa kanila ay ito ang kanilang mga anak! Ngunit paano nangyari iyon gayong mukha namang mayayaman ang nasabing mag-asawa habang ang dalawang bata naman ay marurungis?

Laking gulat ni Isaac nang malamang ang dalawang bata pala ay kinuha ng yaya ng mga ito na nagnakaw ng ilang mga gamit nila sa bahay. Tinangay nito ang dalawang bata na hula ng mga pulis ay nakatakas mula sa kamay ng naturang kawatan hanggang sa nakita na nga sila ni Isaac at hindi na pinabayaan. Balak pa man din sana ni Isaac na iuwi ang mga ito at hayaang magpasko sa kanila bago niya sila ibigay sa pulisya upang mahanapan ng matutuluyan. Mabuti na lamang pala at naisipan niyang i-post sila sa social media na siyang dahilan kung bakit nakarating ang balitang iyon sa tunay na magulang ng mga ito.

Dahil sa kabutihan ni Isaac ay naisalba ang buhay ng dalawang bata at muli nilang nakasama ang kanilang mga magulang. Ngayon ay ibabalik naman ng mayamang mag-asawa kay Isaac ang kaniyang kabutihan.

“Maraming salamat sa ’yo, hijo. Kung hindi dahil sa ’yo ay hindi namin muling makakasama ngayong Pasko ang mga anak namin! Dahil diyan, hayaan mo sana kaming bigyan ka ng pabuyang nakapatong sa kung sino mang makakakita sa kanila, na nagkakahalaga ng isang daang libong piso. Para sa ’yo talaga ito.” Binigyan pa siya ng isang tapik sa balikat ng ama ng mga bata at dahil doon ay halos maiyak si Isaac.

Isinama niya sa kanilang tahanan ang mga ito at doon ay sabay-sabay nilang sinalubong ang pagsapit ng Pasko. Isang magarbo at masaganang handaan din ang ipinaranas sa kanila ng mayamang mag-asawa nang mga sandaling ’yon.

Samantala, mabilis namang nahuli ang kawatang tumangay sa dalawang bata at ngayon ay nasa kustodiya na ito ng pulisya. Talagang marunong kumilos ang tadhana at pinatunayan nitong makakamtan ng mabubuti ang biyayang nararapat para sa kaniya habang kamalasan at parusa naman ang para sa masasama. Iyon ang palaging tinatandaan ni Isaac sa tuwing siya ay gagawa ng kabutihan at ngayon ay napatunayan na niya ang kasabihang iyon.

More Stories