Itinakwil ng mga Kaanak ang Dating ‘Breadwinner’ ng Kanilang Angkan; Pagsisisihan pala Nila ang Ginawa Nilang Kapangahasan

“A-ano kamo? W-wala ka nang trabaho?!”

Nasapo ng kaniyang tiyahin ang sarili nitong noo matapos tanguan ni Mariano—o mas kilala sa tawag na Marian—ang pangungumpirma nitong iyon sa balitang dala niya. Sa totoo lang ay biglaan ang kaniyang naging pag-uwi sa Pilipinas dahil pumanaw na ang kaniyang among may-ari ng pinagtatrabahuhan niyang tindahan ng mga alahas sa bansang France. Ibinalita niya sa mga ito na ngayon ay wala na siyang trabaho dahil tuluyan nang nagsara ang kanilang tindahan doon.

“Pasensiya na po kayo, tita. P’wede naman akong tumira dito sa inyo, hindi ba? Habang wala pa akong matutuluyan. Maghahanap pa kasi ako ng bagong trabaho,” sabi pa niya sa tiyahin na mababakas namang biglang nagdalawang isip sa kaniyang sinabi.

“Sa ibang bansa ka ulit maghanap ng trabaho, Marian. Para naman malaki pa rin ang kita mo,” ngunit maya-maya’y nakangiti at tila nasasabik pang sabi nito.

Umiling naman ang beking si Marian. “Ang totoo po ay gusto ko munang mamalagi rito sa ‘Pinas. Gusto ko po kasi kayong makasamang lahat, tiya. Miss ko na kayo, e,” sabi pa niya sa tiyahin. Ang mga ito na lang kasi ang natitira niyang kamag-anak buhat nang sabay na mawala ang kaniyang mga magulang dahil sa magkaibang sakit.

“Ano?!” Napatayo ang kaniyang tiyahin dahil sa sinabi ni Marian. “Ano naman ang mapapala mo rito, Mariano? E, sa ’yo pa lang, kulang na ang sasahurin mo rito sa ‘Pinas! Sino’ng gusto mong bumuhay sa ’yo ngayon? Kami?!” nanggagalaiti pang sabi nito na ikinabigla niya.

“Pero, tiya, matagal na panahon namang ako ang bumuhay sa inyong buong pamilya, hindi ba?” nalulungkot pang katuwiran ni Marian na lalong ikinagalit ng kaniyang tiyahin.

“At isinusumbat mo ’yon? Lumayas ka rito sa pamamahay ko! Hindi ko kailangan ng isang palamunin dahil wala akong mahihita sa ’yo! Layas!” hiyaw pa nito na ikinaluha na nang tuluyan ni Marian.

Advertisement

Sa loob ng halos sampung taon ay naging mabuti naman siyang pamangkin, pinsan at tiyuhin sa mga kaanak niya, ngunit ngayon ay walang ni isa man sa mga ito na gustong kumupkop sa kaniya. Wala na raw kasi silang mahihita sa kaniya ngayong hindi na siya isang ‘big time’ na OFW.

Dahil doon, hindi na nagdalawang isip pa si Marian na lumipad muli papuntang France upang asikasuhin ang negosyong iniwan sa kaniya ng kaniyang amo na siyang nagturing sa kaniya na parang isang tunay na anak. Hindi naman kasi totoo ang sinabi niya sa kaniyang tiyahin na ngayon ay wala na ang tindahan ng mga alahas na pinagtatrabahuhan niya noon, dahil ang totoo ay ipinamana sa kaniya iyon ng kaniyang amo. Tulad niya kasi ay wala na rin itong mga kaanak at siya lang ang tanging pinagkakatiwalaan nito. Maging ang lahat ng naipundar nitong ari-arian, bahay at pera sa bangko ay sa kaniya nito iniwan na siyang dahilan kung bakit ngayon ay matatawag na ni Marian ang kaniyang sarili bilang isang ‘milyonaryo!’

Pinagyaman niya pang lalo ang lahat ng mga biyayang kaniyang natanggap at kalaunan, ang tindahang pinaglaanan niya ng sipag at tiyaga ay naging isang malaking kompaniya na ngayon ay kilala na sa iba’t ibang bansa dahil sa ganda at kalidad ng kaniyang mga obra! Lalo pang yumaman si Marian na bagama’t hindi na nag-asawa ay nagkaroon naman ng mga anak sa pamamagitan ng siyensya.

Huli na nang mabalitaan ng kaniyang mga kaanak ang nangyari kay Mariano dahil tuluyan na niyang nakalimutan ang mga ito. Kaya nang siya ay magpasiyang manirahan na lang muli sa Pilipinas ay nagkukumahog siyang puntahan ng mga ito upang pakiusapang muli silang tanggapin bilang kaniyang mga kapamilya.

“Patawarin mo kami sa lahat ng mga kasalanan namin sa ’yo, Marian!” umiiyak na anang kaniyang tiyahin kahit na ang totoo ay wala naman siyang nakikitang luha mula sa mga mata nito. “Talagang magulo lamang ang utak ko noon at hindi ako nag-iisip dahil nabigla ako sa balitang sinabi mo kaya ko nagawa ’yon!” dagdag pa nito sabay luhod na animo inaapi niya.

Ngunit labag man sa puso ni Mariano ay hindi na niya pinabalik pang muli sa buhay niya ang mga kaanak niyang ito na nariyan lamang tuwing siya ay mayroong maibibigay sa kanila, ngunit itinatakwil siya sa tuwing siya ay maghihirap. Ngayon ay tuluyan na niyang pinutol ang ugnayan niya sa mga ito na siya namang ipinagsisisi nila.