Maraming Naantig sa Isang Matandang Bulag na Matiyagang Nagtitinda ng Basahan; Uulanin Siya ng Biyaya dahil sa Kaniyang Kasipagan

Normal na araw lamang iyon para kay Mang Bruno. Matiyaga niyang binabagtas ang kahabaan ng kalsadang iyon kahit pa alam niyang nagbabadya ang masamang panahon, base na rin sa lamig ng simoy ng hanging dumadampi sa kaniyang balat. Bagama’t bulag simula nang siya ay magkaroon ng sakit na naging dahilan ng pagkawala ng kaniyang paningin ay hindi pa rin matatawaran ang kaniyang kasipagan sa trabaho para lang mabuhay niya nang maayos ang kaiyang pamilya. Sa katunayan nga ay mas gusto pa ni Mang Bruno na umulan sa araw na ’yon para naman mas lalong maging mabenta ang kaniyang mga basahang ibinibenta sa mga nagdaraang sasakyan sa gitna ng kalsada.

Kilala na ng maraming drayber si Mang Bruno dahil matagal-tagal na rin siyang nagtitinda roon, kaya naman marami na rin siyang mga suki. Ngunit ang hindi inaasahan ni Mang Bruno, nang araw na ’yon ay iba at hindi simpleng kostumer lamang ang magiging kostumer niya sa kaniyang basahang tinda.

Bumuhos ang malakas na ulan. Dahil doon ay nakarami na agad ng benta si Mang Bruno. Basang-basa na siya nang tawagin siya ng isang drayber ng van sa kaniyang likuran…

“Manong, magkakano ho ang basahan ninyo?” tanong nito sa kaniya.

“Tatlo, bente lang ho,” sagot naman ni Mang Bruno.

“E, magkano raw ho ang lahat ng basahang dala ninyo, manong para naman makauwi na kayo? Gusto ho kasing bilhin nitong amo ko ang mga paninda n’yo,” muli ay sabi pa ng drayber ng van na ikinangiti namang kaagad ni Mang Bruno.

“Naku, marami hong salamat! Isang libo’t limang daan lamang ho ito,” tuwang-tuwang sabi naman ni Mang Bruno na ngayon ay siya namang nakapagpangiti sa ‘amo’ na tinutukoy ng drayber.

Lingid sa kaalaman ng matanda, ang among sinasabi ng kaniyang kostumer ay walang iba kundi ang artistang si Yves, isang dalagang kilala sa kaniyang sikat na mga kontrabida role sa mga palabas sa telebisyon. Ngunit kasalungat sa mga karakter na ginaganapan nito ay mayroon itong napakalambot na puso. Mabait ito at dahil doon ay napukaw ang kaniyang damdamin nang makita ang kalagayan ni Mang Bruno. Humanga siya sa kasipagan nito, bagama’t mayroon itong kapansanan. Dahil doon ay agad niyang kinuha ang kaniyang pitaka at kinuha ang lahat ng laman n’yon na aabot sa dalawampung libong piso. Inutusan din niya ang kaniyang drayber na papasukin si Mang Bruno sa loob ng kaniyang sasakyan upang ligtas nitong maiuwi sa kaniyang pamilya ang perang ibibigay niya!

Advertisement

“Ito ho, manong, sa inyo po itong lahat, ha?” sabi niya na nagpakunot naman sa noo ni Mang Bruno.

“Madam, para hong may kaboses kayo?” biglang sabi ni Mang Bruno. “Kaboses n’yo ho ’yong artistang iniidolo ng mga anak ko! Palagi ho kasi nilang pinanunuod ang palabas na ’yon kaya nakabisado ko!” muli ay sabi pa niya na ikinatuwa naman ni Yves!

Nagpasiya siyang ihatid si Mang Bruno sa mismong tahanan nito at doon ay naabutan nila ang asawa nitong si Aling Tessy habang nananahi ito ng mga basahan. Bigla namang naghiyawan ang mga anak ni Mang Bruno nang makitang si Yves ang kasama ng kanilang ama!

Laking pasasalamat ni Mang Bruno sa butihing artista, ngunit hindi lang pala iyon ang biyayang hatid nito. Dahil matapos nitong i-post sa kaniyang social media accounts ang litrato nito kasama ang kaniyang buong pamilya ay lalo pa silang inulan ng biyaya na siyang nagpaganda sa buhay nila.

Napakaraming mga donasyon mula sa mga kapwa nito artista ang ipinaabot ng mga ito sa kanilang pamilya, maging sa ibang taong naantig sa kwento ni Mang Bruno. Dahil sa mga ’yon ay naipagawa nila ang kanilang tahanan at ngayon ay nagkaroon pa sila ng sariling negosyo. Ginamit nila ’yon upang hindi na kailanganin pa ni Mang Bruno na ibuwis ang kanyang buhay sa pakikipagsapalaran sa kalsada.

Nagpatayo sila ng isang maliit na karinderya at sari-sari store, pati na rin gulayan sa tapat ng kanilang bahay gamit ang ilan sa mga perang kanilang natanggap mula sa mga tao. Ngayon ay unti-unti nang gumaganda ang buhay nina Mang Bruno.

“Maraming salamat po sa inyo, madam. Kung hindi po dahil sa inyo ay hindi namin makakamit ang lahat ng ito,” hinging pasalamat ni Mang Bruno kay Yves na agad namang inilingan ng dalaga.

“Hindi, Mang Bruno. Salamat sa kasipagan n’yo,” makahulugan namang tugon nito na nagbigay ng luha ng kaligayahan sa pamilya.