
Nandiri ang Sekretaryang Ito sa Serbidor na Walang mga Kamay; Magugulat Siya sa Gagawin ng Kaniyang Boss
“Yuck!” malakas na bulalas ng dalagang si Patricia, ang bagong sekretarya ng may-ari ng isang kompaniya ng mga pagkain, na ang opisina ay nasa tapat lang mismo ng kainang ’yon. Paano kasi ay nagulat siya nang makitang ang service crew na nagsisilbi sa kaniya ngayon ay putol ang parehong mga kamay!
“Bakit ikaw ang nagse-serve ng pagkain sa akin? Yuck, nakakadiri!” walang habas pang aniya sa malakas na tinig na mabilis namang nakakuha sa atensyon ng iba pang kumakain doon.
“P-pasensiya na po, ma’am, pero may nagawa po ba akong mali?” nagtatakang tanong naman sa kaniya ng naturang service crew, lalo’t ni hindi pa nga siya napagsisilbihan nito. Ang tanging nagagawa pa lamang nito ay ang tanungin ang kaniyang order, ngunit ganoon na agad ang naging reaksyon niya rito!
“Meron! Alam mo kung ano? Iyong pagiging putol ng mga kamay mo! Ano’ng nangyari d’yan? Nakakadiri ka naman!” maarteng hiyaw pang muli ni Patricia na nakapagpailing naman sa ibang mga kostumer na nakakarinig sa kaniya.
Maya-maya pa ay lumapit na sa kanila ang manager ng naturang kainan. “Ma’am, may problema po ba?” tanong nito sa kaniya.
“Palitan n’yo ang service crew na magsisilbi sa akin! Paano ako pagsisilbihan ng isang taong putol ang mga kamay? Isa pa, hindi ba kayo nandidiri sa kaniya? Nakakawalang gana namang kumain dito!” ngunit muli ay sagot pa rin ng matapobreng si Patricia.
“Ma’am, kalma lang po kayo. Sige po, huwag po kayong mag-alala, papalitan ko po siya para sa inyo,” sagot naman sa kanya ng naturang manager ngunit muli ay sumigaw pa rin si Patricia.
“Hindi!” pigil niya sa akmang pagtalikod ng mga ito. “Ang gusto ko ay tanggalin n’yo sa kainang ’to ang serbidor na ’yan. Nakakadiring kumain dito kapag iniisip kong may ganiyang klaseng taong nagtatrabaho rito!” Patuloy pa rin siya sa panghahamak sa kawawang serbidor na sa totoo lang ay wala namang masamang ginagawa sa kaniya.
“Ma’am, hindi naman po namin maaaring gawin ’yan. Matagal na pong nagtatrabaho sa kainang ito si Mang Victor at isa po sya sa pinakamasipag naming empleyado!” katuwiran naman ng manager na ikinainis pang lalo ni Patricia.
“Tatanggalin n’yo ang putol na ’yan o kahit kailan ay hindi na ako muling tatapak pa sa kainang ito?!” banta pa niya na animo siya’y isa sa pinakamahahalagang tao sa mundo.
Bago pa man makasagot ang manager ay isang tinig ang biglang sumingit sa kanilang usapan…
“Hayaan n’yo siya,” anang isang baritonong tinig na pamilyar sa pandinig ni Patricia. Dahil doon ay agad niyang nilingon kung sino iyon at ganoon na lang ang gulat niya nang makilala ang kaniyang boss! “Hayaan n’yo siyang hindi na muling tumuntong pa sa kainang ito dahil hindi naman siya kawalan. Pasensiya na kayo sa iniasal ng bago kong sekretarya,” sabi pa nito at dahil doon ay hindi na nakapagsalita pa si Patricia.
“Gustong-gusto mong ipatanggal ang isang taong naghahanap-buhay lamang naman ng marangal dahil lamang may kakulangan sa kaniyang pisikal na anyo? Pwes, gusto ko ring tanggalin ka sa kompanya ko dahil para sa akin ay hindi dapat ganiyang mag-isip ang isang propesyonal. Tutal ay hindi ka pa naman nakakapirma ng kontrata. You’re fired, Patricia.”
Napasinghap pa si Patricia sa sinabi ng kaniyang boss. “Pero sir—” Akma pa sana siyang mangangatuwiran ngunit hindi na siya binigyan ng pagkakataon nitong makapagsalita. Hinarap nito ang service crew na putol ang mga kamay ay taos-pusong huminging muli ng tawad.
“Sa tingin ko ay malaking pinsala at trauma ang naidulot ng sekretarya ko sa inyo ngayon kaya naman hayaan n’yong ako ang bumawi para sa kaniya. Babayaran ko ang isang buwang sahod ng serbidor na si Mang Victor para naman may maiuwi siyang malaki ngayon para sa kaniyang pamilya, lalo na at magpapasko. Hayaan n’yo lang sana siyang sumama sa akin sa opisina para maibigay ko sa kaniya ang para sa kaniya,” sabi pa nito na lalo pang ikinagulat ni Patricia.
Laking pasasalamat ng serbidor na putol ang kamay sa kaniyang napakabuting boss habang si Patricia naman ay mabilis na hinabol ng karma. Dahil bukod sa nawalan na siya ng trabaho ay na-ban pa siya sa naturang kainan pagkatapos ay kumalat pa ang video niya na kinuhanan ng isa sa mga kostumer habang nilalait niya si Mang Victor, kaya naman ngayon ay wala nang kompaniyang gustong kumuha pa sa kaniya.