
Napauwi nang Wala sa Oras ang OFW na Ito Dahil sa Tawag ng Kaniyang Ina; Napariwara Raw kasi ang mga Kapatid Niya
“Ho? Paano naman po nangyari ’yon? Akala ko ba, sabi n’yo, maayos naman ang lagay nila?” bagsak ang balikat na sagot ni Sheena sa kaniyang ina, matapos siya nitong tawagan upang ibalitang napariwara raw ang dalawa sa kaniyang mga nakababatang kapatid na lalaki.
“Pasensiya ka na, anak. Matagal na itong nangyayari. Ang totoo ay ayaw ko lang talagang bigyan ka pa ng isipin kaya sinubukan kong solusyonan, pero hindi ko pala kaya,” malungkot namang sagot sa kaniya ng ina. Napabuntong-hininga na lang si Sheena sa sobrang pagkadismaya.
“Sige, ’Nay…magpapaalam na lang ako sa amo ko para makauwi ako sa lalong madaling panahon.”
Nasapo ng dalagang si Sheena ang kaniyang noo matapos ibaba ang tawag sa telepono. Hindi niya akalaing biglaan siyang mapapauwi sa ‘Pinas dahil sa ganitong klaseng problema. Ang buong akala niya pa naman ay makakapagpatapos na siya ng mga kapatid sa loob ng pitong taong walang bakasyong pagtatrabaho sa ibang bansa, ngunit ganito pa pala ang aabutan niya sa huli. Balak pa man din sana niyang mag-renew ng kaniyang kontrata dahil inaasahan niyang sa isang taon pa magtatapos bilang engineer ang kanilang bunsong kapatid.
Sa totoo lang ay sinisisi niya ang sarili. Pakiramdam niya ay hindi niya nabigyan ng maayos na gabay ang kaniyang mga kapatid dahil sa pananatili niya sa ibang bansa sa loob ng mahabang panahon dahil sa kagustuhang maibigay sa mga ito ang buhay na pinapangarap niya para sa kanila, ngunit ngayon ay pinagsisisihan niya na iyon.
May sapat naman na siyang ipon pero iniisip niyang sa hirap ng buhay ngayon ay siguradong hindi rin tatagal ang perang hawak niya. Ganoon pa man ay ipinagpapasa-Diyos na lamang niya ang lahat. Bahala na, ‘ika niya.
Makalipas lang ang dalawang linggo ay nakauwi rin sa wakas si Sheena. Malakas ang pagkalabog ng kaniyang dibdib nang tuluyan na siyang nakababa sa eroplano at nakatuntong muli sa kaniyang bayang sinilangan. Ganoon na lang ang pagkasabik niya sa lugar ngunit hindi pa rin maiaalis sa kaniya ang pag-aalala dahil inaasahan niyang problema sa bahay nila ang kaniyang dadatnan. Isa sa kaniyang mga pinsan ang sumundo sa kaniya sa airport dahil ayon dito ay may sakit pa raw ang kaniyang ina. Gustong maiyak ni Sheena dahil mukha yatang puro problema ang aabutan niya.
Ibinaba ng sinasakyang van sina Sheena at ang kanyang pinsan, ngunit ganoon na lang ang kaniyang pagtataka dahil imbes na ang maliit at hindi pa tapos nilang bahay ang kaniyang abutan ay ibinaba sila nito sa tapat ng isang malaki at magarang bahay… at sa kaniyang paglingon, hindi inaasahan ni Sheena na naroon pala ang lahat ng kaniyang mga kapamilya at masayang inaabangan ang pag-uwi niya!
“Surprise!” hiyaw ng mga ito, bago biglang nagtakbuhan ang mga nakababatang kapatid sa kaniyang puwesto upang siya ay dumugin ng yakap. Masayang-masaya ang mga ito na nauwi pa sa iyakan ang kanilang muling pagkikita.
“Ate!” hiyaw ng mga ito. “Sorry kung pinauwi ka namin nang wala sa oras. Ang totoo ay hindi naman totoo ang isinumbong ni Nanay sa ’yo. Sinabi lang namin ’yon para mapilitan ka nang umuwi dahil gusto naming personal na ibalita sa ’yo na pare-pareho na kaming nakatapos ng kolehiyo!” balita pa ng isa sa kaniyang mga kapatid bago nito ipinaliwanag na dahil sa angking katalinuhan at kasipagan pala ng dalawa sa kaniyang mga nakababatang kapatid ay naging accelerated ang mga ito noong highschool na siyang naging dahilan kung bakit mabilis silang nakapagtapos ng kolehiyo nang sabay-sabay!
Ang mga natitirang pera naman na ipinadadala sa kanila noon ng kanilang Ate Sheena ay minabuti nilang ilaan na lamang sa pagpapagawa ng kanilang bahay at sa pagsisimula ng negosyong ngayon ay malaki na, dahil sa kanilang pagtutulungan!
Walang pagsidlan ang tuwa ni Sheena dahil sa magandang resulta pala ng paghihirap niya sa ibang bansa, dahil ngayon ay ipinangako sa kaniya ng kaniyang mga kapatid na sila naman ang mag-aalaga sa kaniya. Siguradong babawiin nila ang mga panahong hindi sila magkakasama at ipadarama sa kaniya ng mga ito kung gaano kalaki ang pasasalamat nila sa kaniya dahil sa kaniyang mga sakripisyo noon.
“Mahal na mahal ka namin, ate. Ikaw ang nagsilbing superhero namin sa matagal na panahon at lahat ng narating namin ngayon ay utang namin sa ’yo. Salamat, mahal naming Ate Sheena.”