Naging Tampulan ng Tukso ang Batang Dugyot; Isang Araw, Bakit Kaya Siya Kinainggitan ng mga Taong Nanlalait sa Kaniya?

May isang batang babae na lubos na kinaiinisan ng kanilang mga kapitbahay dahil sa pagiging marusing, mabaho, at dugyot nito.

Siya ay si Niknik na halos hindi yata nahilig sa paliligo araw-araw. Siya ay walong taong gulang na at lumaki ito sa poder ng kanyang Lola Anastacia na matagal nang biyuda.

Si Lola Anastacia naman ay ang butihing ina ng nanay ni Niknik na sumakabilang-buhay ilang buwan lamang matapos siyang maisilang.

Dahil bata-bata pa ang kaniyang mga magulang ng nagsipag-asawa, ang ama ni Niknik na si Mang Arman ay muling nag-asawa at inihabilin na lamang nito ang kanyang anak na Niknik sa kaniyang lola na noo’y wala na rin namang kasama.

Si Niknik ay masasabing busog naman sa pagmamahal ng kanyang lola. Mabait naman si Niknik subalit habang lumalaki ay naging makulit at malikot ito.

Madalas ay hinahayaan na lamang ito ng matanda lalo pa at madalas ay pagod din ito galing sa pagtitinda ng mga gulay sa talipapa. Tanging ito lamang ang ikinabubuhay nilang maglola.

Palakaibigan at laging laman ng kalsada si Niknik. Lagi siyang nakikipaglaro ng habulan, taguan, langit-lupa, bangsak, at kung ano-ano pa sa kaniyang mga kalaro. Nakaliligtaan na niyang maligo at magpalit ng damit. Minsan, tatlong araw na ay hindi pa siya nakakapagpalit ng kaniyang maruming damit.

Kaya naman minsan, pinagbabawalan ng mga ina ang kanilang mga anak na makipaglaro kay Niknik.

Advertisement

“Nakapaduming bata! Hindi man lang yata naliligo. Huwag kang lumapit-lapit doon at baka galisin ka, anak.”

“Diyos ko, kababaeng tao hindi yata naturuang maglinis ng katawan. Kay baho! Amoy-bagoong! Paano na kapag dinatnan na ang batang iyan?”

“Hoy anak, iwas-iwasan mo nga ang pagdikit-dikit kay Niknik! Baka mahawahan ka ng mga kuto niya!”

“Baka mamaya kunin niyan ang mga gadget mo ha. Huwag mong ilabas, baka mawala!”

Animo’y isa siyang basura na pinandidirihan. Sa murang isip nito ay nababasa na ng kanyang isip na hindi siya gusto ng mga ito. Kaya naman lalo siyang naging masayahin at aktibo dahil nagbabaka-sakali siya na matuwa sa kanya ang karamihan.

Alam niyang wala siyang ginagawang masama sa mga ito. Bunga ng kuryosidad lamang kaya’t madalas siyang makikitang nakikiumpok sa karamihan at nakikiusyoso lalo na sa mga makabagong gadget na madalas ay meron ang kanyang mga kaibigan. Ngunit kahit ganoon, hindi niya naman talaga ito pinag-iinteresan.

Sa kabila niyon ay hindi nawalan ng sigla si Niknik sa pakikipagkaibigan. Umaasa siya na makikita rin nila ang kaniyang butihing puso.

Isang hapon sa kanyang paglalaro sa lansangan ay may nakita ni Niknik ang isang matandang lalaking napaupo na lamang sa tabi ng kalsada, marahil ay sa labis na uhaw. Naawa si Niknik sa lolo kaya nilapitan niya ito.

Advertisement

“Lolo, ano pong nangyayari sa inyo?” tanong ni Niknik.

“Nahihilo ako. Maaari ba akong magpasuyo na pakibilhan mo ako ng maiinom sa tindahan?” pakiusap ng matanda.

“Naku lolo huwag na po, may tubig po kami sa bahay at malamig po. Ikukuha ko po kayo. Huwag po kayong aalis diyan!” sabi ni Niknik at nagtatatakbo siya sa kanilang bahay. Kumuha siya ng isang bote ng malamig na tubig mula sa kanilang refrigerator at isang baso na rin. Binalikan niya ang matandang nahihilo.

Hindi lamang iyon, kumuha pa siya ng biskwit na laging iniiwan sa kaniya ng lola niya upang may maeryenda siya.

“Salamat sa tubig at biskwit, Nene. Ano nga pala ang pangalan mo?” tanong ng matandang lalaki.

senior man on sunny day - rich asian old man stock pictures, royalty-free photos & images

“Niknik po.”

“Ako naman si Lolo Ricardo.”

At naikuwento na ni Niknik ang kanilang pamumuhay kasama ni Lola Anastacia.

Advertisement

Nahabag ang matanda sa bata na noo’y nagtangka lamang pala na magpanggap mahirap para makahanap ng taong matulungin upang kanyang mabiyayaan. Isa siyang matandang binata at wala nang kaanak na maaaring mapamanahan ng kaniyang kayamanan.

Isa mang batang paslit ang kaniyang nakikita, busilak at napakaganda naman ng pagkatao nito kahit marusing at dugyot ang hitsura nito.

Hindi nalason ng mga nasa paligid nito ang mabuting puso at ugaling makikita sa kanya. Para itong matandang mas may isip pa sa mga taong kasalubong nito sa lansangan.

At umalis na ang matandang na nangakong babalik para sila ay sunduin at tulungan. Nais niyang isponsoran ang pag-aaral ni Niknik.

Ikinuwento ni Niknik sa kaniyang lola ang mga nagap, gayundin ang pangako ng matanda. Kaya naman, punumpuno sila ng pag-asa.

Lumipas ang isang linggo, hindi pa rin bumalik ang matandang lalaking nangako ng tulong sa kaniya.

Labis na nalungkot si Niknik. Pinagtatawanan naman siya ng mga kapitbahay nila. Hindi na raw siya binalikan ng matandang lalaki, kaya huwag na raw umasa pa si Niknik.

Ngunit isang araw, may magara at puting sasakyan ang dumating sa kanilang lugar. Bumaba ang isang makisig na matandang lalaki na mukhang mayaman.

Advertisement

Ang matandang tinulungan ni Niknik!

Namilog at nanlaki ang mga mata ng bata at saka ito napangiti at mahigpit na napayakap sa matandang lalaki.

“Tinotoo n’yo po ang inyong sinabi?”

“Wala akong ipinangako kanino man na hindi ko tinupad. At ipinangako ko, na ikaw ay gusto kong makasama dahil isa kang mabuting bata at may busilak na puso malayo sa kaninuman, at iyon ay pawang katotohanan,” ang nakangiting sabi nito habang ang mga matang nanonood sa kanila at walang masabing kahit ano dahil sa nasaksihan.

Biglang nakaramdam ng pagkainggit ang mga nakakakilala kay Niknik. Ang iba’y natulala at ni walang masabi. Ang tanging nasambit na lamang nila nang papaalis na ang maglola sakay ng puting sasakyan kasama ng matandang mayaman ay “Napakabait naman kasi at sadyang napakabuti ni Niknik. Hindi nakapagtataka na siya ay mabiyayaan sa buhay.”

Nagkibit-balikat naman ang iba, habang ang ilang mga nanay na dati’y nangungutya kay Niknik ay lihim na nakaramdam ng inggit at pagkapahiya sa sarili.

Simula noon ay lagi nang malinis sa katawan si Niknik at tuluyan nang umalwan ang buhay nilang maglola, dahil nagkagustuhan at naging mag-asawa sina Lola Anastacia at ang matandang lalaking si Don Ricardo.