
Lumaking Magkalaro ang Batang Babae at Lalaki; Nang Sila ay Dalagita at Binatilyo na, Bakit Sila Pinagbabawalang Magkita ng Kani-Kanilang mga Pamilya?
Nakatira sa isang simpleng lalawigan ang magkababatang sina Marian at Tommy. Nagsimula ang kanilang magandang samahan bilang magkalaro.
Itinuring nilang kaharian ang mga lugar kung saan sila naglalaro. Si Marian ang reyna at si Tommy naman ang hari.
“Para na kayong pinagbiyak na bunga. Hindi na kayo mapaghiwalay.”
“Para kayong kambal-tuko!”
“Siguro, paglaki ng mga batang ‘yan, silang dalawa ang magkakapangasawahan.”
Ngunit hindi pa ito sumasagi sa isipan nina Marian at Tommy. Ang mahalaga sa kanila ay nakapaglalaro sila. Nakakain ng aratiles at nakapagbabatuhan nito. Nakapagpapalipad ng saranggola. O kaya naman ay nakapaglalaro ng lutu-lutuan.
Laging ganoon sina Marian at Tommy. Hinahayaan lamang sila ng kani-kanilang mga magulang na abala rin sa paghahanapbuhay.
Ngunit mababago ang lahat nang isang araw ay hindi lumabas ng kanilang bahay si Marian. Nag-alala si Tommy. Sabi ng nanay ni Marian ay may dinaramdam ito kaya naghintay pa si Tommy ng dalawang araw bago niya nakakuwentuhan si Marian.
“Ano kaya ang sakit ni Marian, Nanay? Bakit kaya hindi na siya lumalabas ng bahay para makipaglaro sa akin?” naitanong ni Tommy sa kaniyang inang si Aling Corina.
“Walang sakit si Marian, anak. Dalagita na siya,” wika ni Aling Corina.
“Po? Paano pong nangyari iyon?”
“Nabalitaan ko kasi sa nanay niya na dinatnan na raw si Marian. Basta anak, huwag na masyadong maraming tanong!”
Hindi pa rin maintindihan ni Tommy kung ano ang ibig sabihin ng ‘dinatnan’.
Nang ‘gumaling’ na si Marian ay kinausap niya ito at inungkat ang sinabi sa kaniya ni Aling Corina.
“Hindi ka naman daw talaga nagkasakit sabi ng Nanay eh. Dinatnan ka raw? Ano ba ang ibig sabihin niyon?” inosenteng untag ni Tommy sa kaniyang kababata.
Kitang-kita naman niya ang pamumula ng pisngi ng kaibigan. Hindi ito nakasagot.
May napansin si Tommy.
“Maganda ka pala? Bagay sa iyo na medyo mamula-mula ang pisngi mo, maputi ka kasi.”
Nang sumunod na linggo, si Tommy naman ang hindi nakalabas ng kanilang bahay. Nang daanan ito ni Marian, agad itong nagtago nang makita siya. Kitang-kita ni Marian na nakasuot ng palda ang kaibigan kaya tawa siya nang tawa.
“Nanay, bakit nakasuot ng palda si Tommy? Binabae na ba siya?” natatawang tanong ni Marian sa kaniyang nanay.
“Hindi anak. Nabinyagan na si Tommy,” natatawang tugon ni Aling Loren sa kaniyang anak.
“Hindi pa pala nabibinyagan si Tommy, Nanay?” inosenteng tanong ni Marian.
“Lahat ng lalaki sa Pilipinas at iba pang mga bansa, ganoon ang ginagawa, anak.”
Mga dalawang linggo bago muling nagkita sina Marian at Tommy. Magaling na raw si Tommy at hindi na nga ito nagsusuot ng palda.
“Ngayon ka pa lang nabinyagan?”
“Sino naman ang nagsabi sa iyo niyan?” nailang na tanong ni Tommy sa kaibigan. Namulang parang makopa ang kaniyang mukha.
“Si Nanay. Bakit nga pala nakapalda ka noong isang araw?”
Umiwas na sagutin ni Tommy ang mga tanong ni Marian. “Huwag ka na ngang masyadong maraming tanong!”
Natigilan naman si Marian. Napatitig sa mukha ni Tommy. Napalunok naman si Tommy sa kakaibang titig sa kaniya ng kababata. Lalo niyang napansin na mas gumaganda ito, na dati ay wala naman sa kaniya. Naramdaman niya ang pag-alsa ng ‘bininyagang’ bahagi ng kaniyang katawan. Kaya nag-aya na lamang siyang umuwi.
“Sandali, bago tayo umuwi, may napapansin ako sa iyo. Parang bumaba ang boses mo tapos may nakaumbok sa lalamunan mo. Ano ‘yan, masakit ba ‘yan?” at walang pasintabing hinawakan ni Marian ang nakaumbok sa bandang lalamunan ni Tommy.
Mabilis na hinawakan ni Tommy ang kamay ni Marian upang pigilan ito. Nagtama ang kanilang mga paningin. mga 15 segundo silang nagkatitigan. Dinig ni Tommy ang malakas na kabog sa kaniyang dibdib.
“G-Guwapo ka pala, Tommy. Bagay sa iyo na may bukol ka sa lalamunan,” wika ni Marian.
“S-Sige na, uuwi na ako. Sa susunod na lang tayo maglaro,” wika ni Tommy at nagpaalam na ito kay Marian.
Sana pala ay naglaro na sila dahil iyon na pala ang huling pagkikita nila. Pinagbawalan na sila ng mga magulang nila na makipaglaro sa isa’t isa.
Bagay na hindi nila maintindihan. Ano bang mali kung maglaro sila, lumaki naman silang hub*o’t hub*d pa nga kung maligo sa ulan?
“Iba na ang sitwasyon ngayon, Marian. Dalagita ka na. Binatilyo na si Tommy.”
“Tommy, binatilyo ka na. Dalagita na si Marian. Dinatnan na nga…
“Kahit na… kayo’y dalaga at binata na. Alam mo na siguro ang ibig kong sabihin.”
Simula nga noon ay puro sa pag-aaral na lamang ang inatupag ng magkababata.
Subalit may kung anong puwersa ang nagtutulak sa kanila na palihim na magkita. Hindi man sila maglaro, alam nilang nais nilang makita at makasama ang isa’t isa.
“Bakit kaya gusto kitang makita araw-araw?” pag-amin ni Marian kay Tommy habang nakatanaw sila sa langit. Dapit-hapon. Nag-aagaw ang kulay ng langit.
“Ako rin. Gusto kitang makita araw-araw,” pag-amin din ni Tommy kay Marian.
At nagkatitigan sila. Nagtama ang kanilang mga paningin. Nangungusap ang kani-kanilang mga titig. May nais sabihin ngunit hindi nila maapuhap ang salitang maglalarawan sa namamayaning damdamin.
“Bawal na raw tayong magkita sabi ng Nanay. Dalagita ka na raw. Dinatnan ka na raw. Puwede ka na raw magdalantao,” paliwanag ni Tommy. “Ano naman kung puwede ka nang magdalantao?”
“Kasi puwede ka na raw maging tatay. Puwede ka na raw makabuntis. Binatilyo ka na raw. Iyan naman ang sabi sa akin nina Nanay at Tatay,” paliwanag naman ni Marian. “Kaya hindi na raw tayo basta-basta puwedeng maglaro, kagaya ng dati, noong mga paslit pa tayo.”
“Palagay ko ay pareho lamang tayo ng nararamdaman, Marian. Nabasa ko ito. Kapag kinikilig ka raw sa isang tao, hinahanap-hanap mo siya araw-araw, gustong makita at makasama… ang tawag daw doon ay pagmamahal. Mukhang mahal na kita, Marian,” pag-amin ni Tommy.
“Ako rin. Pagmamahal nga yata ito, Tommy. Mahal din kita,” sabi naman ni Marian.
At nang araw ding iyon ay palihim na naging magkasintahan sina Marian at Tommy, kahit na hindi pa nila alam kung ano ba talaga ang pinapasok nila.
Ngunit nakarating sa kani-kanilang mga magulang ang kanilang lihim na relasyon. Pareho silang pinagalitan at pinagbawalang makipagkita sa isa’t isa. Magtapos daw muna sila ng pag-aaral hanggang sa kolehiyo.
“Mukhang tama nga sila Nanay at Tatay, Marian. Siguro magpokus muna tayo sa pag-aaral. Kapag nakatapos tayo ng pag-aaral, babalikan kita,” pangako ni Tommy kay Marian.
Pumayag naman ito.
Matuling lumipas ang panahon…
Pareho na silang nakatapos ng pag-aaral. Isang Software Engineer si Tommy at Nurse naman si Marian.
Nagpasya silang magkita sa kanilang ‘kaharian’.
“Naalala mo yung pangako ko sa iyo? Tapos na tayo ng pag-aaral, Marian,” nakangiting sabi ni Tommy habang tinitingnan nila ang diploma ng isa’t isa.
“Oo. Kaya naman, talagang hinintay kita Tommy.”
At pumayag na ang kani-kanilang mga magulang na ituloy na nila ang kanilang pag-iibigan. Tuwang-tuwa ang kanilang mga magulang dahil alam nila na naging masunurin ang kanilang mga anak sa kanila.
Matapos makapagtrabaho at makapag-ipon ay nagpakasal na rin sina Marian at Tommy at biniyayaan ng dalawang anak.
Sila ang buhay na patunay na ginagantimpalaan ang mga taong dalisay ang pagmamahal, gumagalang sa magulang, at marunong maghintay!