
Nang Sumakabilang-Buhay ang Mister, Pinulong ng Biyuda ang Kaniyang Tatlong Anak; Ano Kaya ang Pinag-usapan Nila na Kanilang Ikinabigla?
Dalawang beses lamang umiyak ang ilaw ng tahanan na si Maricar: sa aktwal na pagyao ng kaniyang mister na si Jude, at sa araw ng paghahatid sa huling hantungan nito.
Isang araw lamang na nagluksa ang biyuda. Pagkatapos ay pinulong niya ang mga anak na sina Lyka, Leila, at Lance.
“Mga anak, wala na ang Papa ninyo, pero hindi ibig sabihin niyan na hihinto na ang buhay natin. Hindi ‘yan magugustuhan ng Papa ninyo. Kaya lalaban tayo at kakayanin natin dahil sama-sama tayo,” wika ni Maricar.
Nakatingin naman sa kaniya ang tatlong anak.
“Simula sa araw na ito ay magtotoka-toka na tayo sa mga gawaing-bahay. Kailangan muna nating magsakripisyong lahat. Itutuloy ko ang pagtatayo ng maliit na kainan na napag-usapan na namin ng Papa ninyo, matagal na, bago pa siya magkasakit.”
“Kaya naman, kailangan ko ang tulong ninyo para magampanan ang mga tungkulin dito sa bahay. Pasensya na ngunit magiging mahigpit ako nang kaunti dahil kailangan din nating maghigpit ng sinturon.”
“Kaya inaatasan ko si Lyka bilang panganay na siyang magtalaga ng mga gawaing-bahay kina Leila at Lance. Bukas, gusto ko may malinaw na mga toka ang lahat. Ilalagay natin ang listahan sa refrigerator para walang nakalilimot. Maliwanag ba?”
“Opo,” sabay-sabay na sagot ng magkakapatid.
“Magaling, mga anak. Pero hindi pa riyan natatapos ang mga gawain natin. Sama-sama tayong magtatrabaho sa ating negosyong kainan. Lahat ay may toka. Kapag hindi kayo tumulong sa ating negosyo, hindi ko kayo bibigyan ng allowance. Maliwanag ba?” wika ni Maricar sa mga anak.
“Eh, Mama, ano po ba ang gagawin namin? Ako na rin po ba ang magbibigay ng gawain sa kanila?” tanong ni Lyka.
“Sa pagkakataong ito, ako na. Ikaw Lyka, matapos ang online class at nakagawa ka na ng mga takdang-aralin mo, didiretso ka na sa kainan at magkakahera.”
“Ikaw naman Leila at Lance, tutulong kayo sa pagseserbidor ng mga pagkain sa customers. Maglilinis din kayo ng mga mesa, maglalagay ng tubig sa mga baso ng customers, maghuhugas ng pinggan, at maglilinis. Inuulit ko, hindi ko bibigyan ng allowance ang hindi tutulong.”
Nang makapasok na sa kani-kanilang mga kuwarto ang magkakapatid, kinausap nina Leila at Lance ang kanilang ate.
“Grabe naman si Mama, Ate. Bakit kailangan nating tumulong sa kainan? Eh dati naman, maayos naman iyon kahit wala tayo, ‘di ba?” tanong ni Leila.
“Oo nga, Ate. Paano na kami maglalaro nina Totit at Empoy?” segunda naman ni Lance.
“Leila, Lance, intindihin na lamang natin si Mama. Kailangan natin siyang tulungan kasi siya na lang ang natitira nating magulang, at siya na lang ang natitirang magbibigay sa atin ng mga kailangan natin. Huwag kayong mag-alala at hindi ko naman kayo pababayaan,” pagpoproseso naman ni Lyka sa kaniyang mga nakababatang kapatid.
Kinabukasan, nagsimula na nga sila sa toka-toka nilang responsibilidad sa bahay gayundin sa kanilang negosyo.
Pinanindigan ni Maricar ang sinabi niyang walang allowance kapag hindi tumulong. Minsan, hindi nagpunta sa kainan si Lance dahil nalibang siya sa pakikipaglaro kina Totit at Empoy.
Kaya nang humingi siya ng allowance sa Mama niya, hindi siya nito pinagbigyan. Kaya naman, nagtampo ito.
Agad na pinulong ni Maricar ang kaniyang mga anak.
“Mga anak, huwag sana kayong magtatampo sa akin kung inoobliga ko kayong tumulong sa ating negosyo. Alam ba ninyo kung bakit ko ginagawa ‘yan?”
Nakatahimik lamang ang tatlo.
“Ginagawa ko ‘yan bilang paghahanda para sa inyo. Hindi natin nakita ang biglaang pagkawala ng Papa ninyo. Paano kung ako naman ang mawala? Mabuti nang alam ninyo ang gagawin, dahil hindi natin kabisado ang buhay na ito. Habang maaga pa mga anak, dapat alam na ninyo kung paano palakarin ang negosyo, ang sarili ninyong mga buhay. Pero magagawa natin ‘yan kapag sama-sama tayo. Pamilya ang laging sandigan sa panahon ng pangangailangan,” paliwanag ni Maricar.
Tumango-tango naman ang magkakapatid.
“Gusto kong ituro sa inyo ang kahalagahan ng pera at pagkita nito, nang sa gayon, kung malalaki na kayo, ganito rin ang ituturo ninyo sa mga anak ninyo, kapag may sarili na kayong pamilya,” dagdag pa ni Maricar.
“Salamat po, Mama. Habang bata pa kami, tinuturuan mo na po kaming maging masipag, responsable at wais sa buhay,” pasasalamat ni Lyka.
“Tama po ang mga sinabi ninyo, Mama. Ganyan din po ang sabi sa amin ni titser,” wika naman ni Leila.
Nilapitan ni Lance ang kaniyang Mama at niyakap ito. “Sorry Mama kung hindi ako nakapunta kanina. Hindi na po mauulit. Hindi na po magiging matigas ang ulo ko.”
At lumapit sina Lyka at Leila sa kanilang dalawa para sa isang group hug.
At matuling lumipas ang panahon.
Nagbunga ang maagang pagtuturo ni Maricar sa kaniyang mga anak.
Lahat sila ay nakatapos ng pag-aaral.
Ang dating maliit na kainan, ngayon ay restawran na. Pinagtulung-tulungan itong palaguin ng magkakapatid, hanggang sa nagkaroon na rin sila ng sari-sariling negosyo.
At si Lola Maricar? Hayun, masayang-masaya sa kaniyang buhay habang nakikipaglaro na lamang sa mga apo at tinatamasa ang kaniyang mga pinagpaguran noon.