Para Makatakas sa mga Nagpapahirap Dito ay Pinili ng Dalagang ito na Magpakalayo-layo; Ito Na Nga Ba ang Kalayaan Niya Mula sa Mga Pasakit

“Nay… m-maniwala po kayo s-sa akin. Si Mang Ambo yung kinakasama mo, lagi niya ‘kong pinipilit–” Isang nakatutulig na sampal ang inabot ni Marie mula sa ina.

“Isa pang salita mo, maharot na batang ‘to! Maglinis ka ng banyo doon!” sigaw ng ina isang umagang muling nagtangkang isumbong ni Marie ang ginagawa sa kaniya ng kinakasama nitong si Mang Ambo. Halos mabaliw na siya sa pag-aalala na baka tuluyan siya nitong magawan ng masama. Nakakatikim siya ng pambubuhat ng kamay tuwing papalag siya ngunit talagang pinanlalabanan niya ito kaya hindi iyon natutuloy. Ang bunga naman ay ang mas tuminding pananakit nito at ng ina. 

Pumanaw na ang kaniyang ama at ngayon nga’y pinatira na ng ina ang lalaki nito sa bahay nila. Pinilit niyang hindi pansinin ang hinanakit na naramdaman dahil simula nang mangyari iyon ay parang wala nang pakialam sa kaniya ang ina.

Sinabi nito sa kaniya na kung gusto niyang ipagpatuloy ang panghuling taon sa kolehiyo ay dapat siyang magtrabaho para sa sarili niya. Maluwang niya naman iyong tinanggap upang mabawasan ang bigat dito ngunit nakita niya kung gaano ubusin ng ama-amahan sa alak at sugal ang pera ng ina. Madalas pa nga ay siya na ang gumagastos sa bahay, ang ina ay todo kayod, ang lalaki naman ay buhay-hari. Matitiis niya ang lahat ng iyon kung hindi umabot sa punto na pati ang puri niya ay pinagkainteresan ng lalaki. At nang hindi mangyari ang gusto nito ay pinagbubuhatan na siya ng kamay. 

Matapos ang gawain sa bahay ay diretso siya sa eskwelahan, bitbit ang mga pasa at alalahanin. Kahit panghuling taon na niya ay wala siyang naging kaibigan dahil pagkatapos sa eskwela ay trabaho agad ang inaatupag niya. Isa lang ang parating lumalapit sa kaniya, ang manliligaw na si Alex. Palibhasa pristihiyosong unibersidad ang napasukan ay maraming tulad nito na galing sa maalwang pamilya. Halos tatlong taon na rin itong umaaligid sa kaniya, kaya halos naging magkaibigan na sila. Nang makita nito ang bakas ng pasa at lungkot sa mata niya ay tahimik lang itong tumabi sa kaniya. Samantalang narinig niya ang mga kaibigan nito mula sa malayo na humihirit ng, “Marie! Sama ka na daw kay Alex, ‘di ka raw niyan sasaktan!” Sabay malakas na halakhakan ng mga ito. 

Madalas ay nasasakyan niya ang mga ganung biro ngunit ngayon ay tila wala siyang lakas. Nanghingi naman ng pasensya si Alex at wala nang sinabi pa. Lumipas ang mga buwan, dumating ang graduation.

“Marie.. kailan ko ba malalaman ang sagot mo? Hindi na tayo magkikita.. g-gusto pa rin kita makasama sa buhay ko kahit pagkatapos ng kolehiyo…” Sabi ni Alex. Tiningnan niya ito at hinawakan ang kamay.

“Salamat sa apat na taon Alex,” sabi niya atsaka iniwan na ito. Ang totoo ay napalapit na rin ang loob niya dito, ngunit dahil sa nangyayari sa buhay niya ay para bang naisip niya na hindi siya karapat-dapat dito. Ayaw niyang guluhin ang buhay nito na tiyak niya ay magtatagumpay.

Advertisement

Makalipas ang ilan pang buwan, sa bahay ay patindi nang patindi ang paghihirap ni Marie. Hanggang isang gabi, ang ina mismo ang nakatagpo sa kawalanghiyaan ng kinakasama. Ngunit imbes na siya ang ipagtanggol ay malakas na sigaw, sampal, at sabunot ang inabot niya. Halos mahilo siya dahil sa bugbog nito. Nanginginig ang buong katawan dahil sa trauma ay kinuha niya ang bag.

“Sinabi ko na sa inyo, Nay! Pero ‘di ka naniwala!” hagulgol niya at saka tumakbo palabas. Dahil walang mapuntahan ay isang tao lang ang naisip niyang tawagan.

Naabutan siya ni Alex sa parke sa kanilang unibersidad, bahagyang magulo ang buhok at puno ng pasa. Basa ang mukha ng luha at may dugo ang kwelyo ng damit.

“Kung… kung gusto mo pa rin ako… Ayoko na kasing bumalik sa bahay…” sabi niya at tuluyang napahagulgol ng iyak. Mainit na yakap ang sagot nito. 

Hindi na nagtanong muli si Alex at inalalayan lang siyang unti-unting makabangon. Ngunit pinili niya na sabihin dito ang lahat ng naranasan niya. Kahit gusto niya na magsama na sila ay kinumbinsi siya nitong bumukod na lang muna. Makalipas ang isang taon ay saka siya nito inalok ng kasal. Hindi na siya nagdalawang isip pa at pumayag agad. Nagsama sila ng masaya at hindi niya inakalang karapat-dapat siya sa katapatan at pagmamahal na ipinakita nito. Dahil sa mga naranasan ay akala niya wala siyang halaga para ipagtanggol, irespeto, para alagaan. Nabago ang tingin niya sa sarili dahil dito.

Ngunit ang hindi maalis sa kaniya ay ang galit sa ina. Wala silang naging pagtatalo maliban dito. Gusto kasi ni Alex na mapag-ayos silang mag-ina. Nagmatigas siya hanggang isang araw, ang akala niyang magdadate silang mag-asawa ay pumunta sila sa ospital kung saan naroon ang ina.

Nakita niya ang ina, mapayat na mapayat na nakaratay sa kama.

“Marie…” narinig niyang tawag ng ina nang makita din siya.

Advertisement

Nagtangka siyang umalis ngunit pinigilan siya ng asawa.

“Alex ano ba?! Masaya na tayo! Bakit mo ba ‘to ginagawa?!” sabi niya habang pinipigilan ang luha.

“Hindi ka masaya, Marie. Nakikita kong umiiyak ka pa rin paminsan-minsan. Gusto kong tuluyan kayong magkapatawaran ng nanay mo, kasi gusto kitang maging tunay na masaya…” pagsusumamo nito. Tuluyang gumuho ang depensa niya, matapos siyang pakalmahin nito ay nagpasya siyang kausapin na ang ina.

Nalaman niyang matagal na itong nakikipaglaban sa c*ncer, humingi ito ng tawad sa kaniya. Napatawad niya na rin ito sa kaniyang puso, dahil ina pa rin naman niya ito kahit ano pang naging pagkakamali nito. At totoo nga na pagpapatawad lang ang sagot sa kaniyang puso. Matapos nang lahat ay doon lang talaga tunay na nakalaya si Marie.