Nais Maghiganti ng Isang Ginang sa Kaniyang Dating Mister na Nang-Iwan sa Kaniya; Lubusan ang Kaniyang Pagsisisi nang Matunghayan Niya ang Nangyari sa Anak

Mataas ang pangarap ni Grace. Simula kasi nang iwan siya ng kaniyang asawa at pinagpalit sa ibang babae ay wala na siyang ginawa kundi patunayan na mas magaling at higit siya. Nais niyang yumaman upang ipamukha sa kaniyang dating asawa na kaya niya ang mabuhay kahit wala ang lalaki. 

Naiwanan ng isang anak na lalaki si Grace. Mag-iisang taon pa lamang ang bata nang malaman niya ang tungkol sa relasyon ng asawa at ang kinakasama nito ngayon. Sa tuwing naiisip niya ang nangyari ay hindi niya maiwasan na magalit sa mga ito at maawa sa kaniyang sarili. 

Ngunit kahit mayroon ng iba ang kaniyang dating asawa ay sinisikap nitong magkaroon pa rin ng koneksyon kay Grace upang makapagbigay ng sustento. Ngunit matigas ang puso ng ginang. 

“Sige na, Grace, tanggapin mo na ang binibigay ko para kay Junior,” sambit ni Cris, ang dati niyang asawa.

“Hindi namin kailangan ng kahit anong galing sa iyo. Kayang-kaya kong palakihin mag-isa si Junior nang walang tinatanggap na kahit anong mula sa’yo. Sana naisip mong magpakaama bago ka nakipaglandian sa babae mo,” galit na wika ni Grace. 

“Hindi naman para sa iyo ang binibigay ko kung hindi para kay Junior. Ako pa rin ang ama niya kahit ano pang sabihin mo,” saad ni Cris.

“Simula nang ipinagpalit mo kami, wala ka nang karapatan sa anak ko. Idagdag mo na lang ‘yang binibigay mo para pambili ng bagong kapritso ng babae mo,” dagdag pa ni Grace. 

Dahil sa mga ganitong senaryo ay mas determinado si Grace na kumita pa ng mas malaki. Balang-araw ay isasampal din niya kay Cris ang lahat ng ginawa nito at mapapatunayan niyang kahit kailan ay hindi talaga siya kailangan sa buhay nilang mag-ina.

Advertisement

Dahil din sa patuloy na pagtaas ng kanilang pangangailangan ay kinailangan ni Grace na kumuha pa ng ibang trabaho. Dahil walang mag-aalaga sa kaniyang anak ay sa bahay na lamang niya pinili na magtrabaho upang kahit paano ay nakakasama pa rin niya si Junior.

Sapagkat bata pa naman si Junior ay nililibang na lamang ni Grace ang bata sa pamamagitan ng pagbibigay ng laruan at pagpapanood dito ng telebisyon. Naging ganito ang senaryo nilang mag-ina sa loob ng dalawang taon.

Minsan ay dumadalaw ang ina ni Grace upang bigyan ng alalay ang mag-ina.

“Grace, magtatatlong taon na si Junior ngunit bakit wala pa siyang nasasabi?” pag-aalala ng ina ni Grace.

“Talagang ganyan daw po ang mga anak na lalaki, ‘nay. Mas huli daw po ang development nila kaysa sa mga babae. Siguro po ay nasanay kayo dahil puro babae ang apo ninyo sa kuya ko at lahat ay madaldal,” tugon ni Grace habang abala sa trabaho. 

“Napatignan mo na ba itong anak mo? Napapansin ko kasi na kapag tinatawag ko siya ay tila hindi niya ako naririnig,” wika ng ginang.

“Ma, okay lang po si Junior. Wala pong mali sa kaniya. Mamaya na po tayo mag-usap pagkatapos ng trabaho ko. Hindi kasi ako makapag-isip ng maayos,” sambit ni Grace. 

“Baka sa sobrang pagkasubsob mo sa trabaho, Grace, napapabayaan mo na itong anak mo. Balewala ang lahat ng iyan kung hindi rin naman maayos ang anak mo,” paalala ng ina. 

Advertisement

Hindi na inintindi pa ni Grace ang sinabi ng ina at bumalik na agad sa pagtatrabaho.

Isang gabi ay narinig na lamang niya ang tinig ng kaniyang ina na kinakatok siya sa silid kung saan siya nagtatrabaho. 

“Nay, bakit po? Nasa meeting ako,” sambit ni Grace.

“Mataas masyado ang lagnat ni Junior,” natatarantang sambit ng ina nito.

“Painumin niyo po muna ng gamot at saka banyusan. Pagkatapos po ng meeting ay pupunta na ako sa silid ni Junior upang tingnan siya. Pakibantayan po muna ninyo,” bilin ni Grace. 

“P-pero kailangan ka ng anak mo ngayon. Baka kailangan na natin siyang dalhin sa ospital,” dagdag pa ng matanda.

“Huwag kayong mataranta masyado, ‘nay. Lagnat laki lang po ‘yan, hayaan po muna ninyo ako magtrabaho para sa ganoon ay makasweldo ako ng maayos,” sambit niya sa ina. 

Nang balikan ng ginang ang kaniyang apo ay lubusan ang kaniyang takot sapagkat kinukumbulsyon na ang apo. Dahil nga sa pagtatalo nila ay hindi na niya inabala pa ang anak at saka niya sinugod na lamang niya si Junior sa ospital. Saka na lang niya pinasunod ang anak. 

Advertisement

Doon ay halos mag-agaw buhay si Junior.

Humahangos namang dumating si Grace sa ospital.

Dito nila napag-alamang nagkatipus ang bata at tama ang ina ni Grace, may espesyal na pangangailangan si Junior.

“Sa sobrang gusto mong maghinganti at mapatunayang kaya mong buhayin ang anak mo, nakalimutan mo na magkapaka-ina sa kaniya. Aanhin mo ang yaman mo, anak kung ang mismong pinaglalaanan mo nito ay wala na,” sambit ng ina ni Grace. 

Wala nang nagawa pa si Grace kundi maiyak at magsisi sa kaniyang ginawa. Tunay niyang pabayaan ang anak dahil sa tayog ng kaniyang pagnanais na patunayan ang sarili. Nagsilbi itong aral sa kaniya. 

Lubusan niyang ipinagdasal sa Panginoon na pagalingin si Junior mula sa karamdaman at nangangako siyang magmula noon ay hindi na niya pababayaan pa ang anak. 

Hindi nagtagal ay gumaling si Junior at pilit na itinama ni Grace ang lahat. Naghahanapbuhay pa rin siya ngunit sa pagkakataong ito ay mas matimbang na ang kaniyang pagtingin sa kaisa-isang anak, Pinagtuunan niya ito ng pansin at kalinga. 

Mula noon ay napagtanto niyang walang yaman sa mundo ang papantay sa buhay ng kaniyang anak.