Mga Hampas at Hagupit ng Binatang Ito Sa Pusa, Siya Rin Daw Bilang ng Malas na Babalik Sa Kaniya

Mga Hampas at Hagupit ng Binatang Ito Sa Pusa, Siya Rin Daw Bilang ng Malas na Babalik Sa Kaniya

KarmaMysteryStories

“Angelo, anong iniiyak mo riyan sa altar? Anong problema mo!?” gulat na tanong ni Aling Reyna sa kaniyang binatilyong anak na si Angelo.

“Nay, hindi ko alam kung paano ako hihingi ng tawad sa Panginoon. Tinapos ko na ang buhay nung pusa ng kapitbahay natin!” wika ni Angelo sabay tawa at tumayo ito.

“Pinagloloko mo talaga akong bata ka! Anong ginawa mo sa pusa?!” galit na tanong ng Ale.

“Sinubukan ko lang naman kung siyam talaga ang buhay niya. Ayun, wala na, hindi na bumangon pagkatapos kong buhusan ng kumukulong tubig,” natatawang sagot ng binata sa kaniya.

“Diyos ko! Hindi mo ba alam na malas ang manakit ng pusa?! Hindi mo ba alam na kung ilang hampas o pananakit ang ginawa mo ay siya ring balik sa’yo ng malas! Kakarmahin ka sa ginawa mo, Diyos kong bata ka!” baling muli ni Aling Reyna sabay hampas sa binata.

Hindi naman sumagot pa si Angelo at tuwang-tuwa nalang itong lumabas ng kanilang bahay habang tinatawanan ang nanay niyang nagdasal ng totoo sa kanilang altar. 

“Sh*t!” biglang sigaw ng binata nang makita niya ang pusang nakatayo sa kaniyang harapan. Kanina lamang ay sigurado siyang wala ng buhay ito ngunit mas tinitigan pa siya ng matindi ng pusa saka paika-ikang umalis.

“Tang*na mong pusa ka! Aatakahin ako sa’yo sa puso!” sigaw ng binata sabay sipa sa pusa. 

“Mamalasin daw? Ul*l! Kayo ang malas sa buhay ko!”

Wala pa mang limang minuto ay mukhang totoo nga ang sinabi ng kaniyang ina na babalik ang malas kay Angelo. Nagmamadali itong umuwi sa kanila nang makatapak ito ng pakong nangangalawang.

“Nay, dalhin mo na ako sa ospital! Baka matetano pa ako nito, mga ta*nga kasi sa labas! Sino ba naman naglagay ng kahoy na may pako, ayan tuloy natapan ko!” inis na salaysay ni Angelo sabay piga sa kaniyang paa at mas pinadugo pa ito.

“O, ayan na ng sinasabi ko sa’yo. Habang buhay ka ng mamalasin dahil sa ginawa mo sa pusa!” baling ni Aling Reyna sa kaniya.

“Parang ewan to si nanay! Kita nang nagdudugo ‘yung paa ko, pusa pa rin sinasabi mo. Bahala ka nga riyan, ako na mag-isa pupunta sa center!” bulyaw naman ng binata.

Napailing na lamang ang ale saka kinuha ang pitaka niya at sinundan ang anak.

Ngunit bago pa man makarating si Angelo sa kalapit na center ay pinagmumura niya ang aso ng kapitbahay nilang tahol ng tahol sabay bato pa ng kahoy rito. Sakto namang nakawala ang aso at hinabol siya saka kinagat.

“Nay, naniniwala na ako sa sinasabi mo! ‘Nay, binabalikan na ako ng malas, totoo nga ‘nay!” iyak ni Angelo sa kaniyang nanay habang nanginginig ito sa sakit ng kagat ng aso sa kaniyang binte.

Batok lamang ang sagot ni Aling Reyna sa kaniyang anak at dinala ito kaagad sa center.

“O, anong nangyari riyan sa anak niyo, Aling Reyna? Mukhang tinuruan na siya ng leksyon, ah!” bati ni Aling Pasing na nasa center din ng mga oras na iyon.

“Anong leksyon? Nakagat at napako ang anak ko, aksidente,” baling naman ni Aling Reyna rito.

“Ay, hindi mo ba alam? Napakalupit niyang anak mo sa mga hayop. Kahit nga ibon ay pinagdidiskitahan niyan. Hindi ko ba alam bakit siya ganyan, e, wala namang ginagawang masama ang mga hayop sa kaniya. Lahat yata ng mga aso at pusa rito sa atin ay sinaktan na niyang anak mo!” siwalat naman ni Aling Pasing sa kaniya.

Hindi nakapagsalita ang ale sa kaniyang narinig at tila nahiya na lamang siya para sa anak. Ilang oras ang nakalipas ay natapos na ang pag gamot kay Angelo. Mabuti na lamang ay may mabukuna na ang asong nakakagat sa kaniya kaya naman hindi siya matataaman ng rabis nito.

“Nay, totoo nga talaga ang sinabi mo tungkol sa pusa!” pahayag muli ni Angelo sa kaniyang ina. 

“Sira ulo kang bata ka! Hindi ‘yan sa pusa, sa kalokohan mo ‘yan at sa kalupitan mo sa mga hayop! Bakit kay Aling Pasing ko pa nalaman na nananakit ka ng mga hayop? Anong problema mo?” baling ni Aling Reyna sabay kurot sa pisnge ni Angelo.

“Aray! Ibig sabihin, hindi totoo ang sumpa ng pusa?” makulit na tanong ng binata.

“Anak, seryoso ako, tigilan mo na ang pananakit sa mga hayop kasi karma na ‘yan sa mga ginagawa mo. Hindi lamang sa pusa kung ‘di sa pagiging malupit mo. Bakit mo ba sila sinasaktan?” tanong ng ale.

Natahimik naman si Angelo at hindi na lamang sumagot. Sa loob-loob niya’y tama ang kaniyang ina, wala namang ginagawang masama sa kaniya ang hayop para saktan niya ng ganoon. Simula noon ay tinigilan na ng binata ang pananakit sa mga hayop at mas pinagtuunan niya ng pansin ang kaniyang pag-aaral. Inalis na rin niya sa sarili ang paghanap ng kasiyahan sa pamamagitan ng pananakit ng mga hayop at mas tinutuon ang kaniyang pansin sa ibang bagay katulad ng isports.

Totoo man o hindi ang sumpa patungkol sa pusa ay hindi pa rin natin masasabi. Ngunit isa lamang ang sigurado at alam nating totoo; na walang sino man ang dapat na manakit sa kapwa natin o sa kahit ano pa mang anyo o nilalang sa mundong ito. Palagi sana nating palaganapin ang kabutihan sa ating kapaligiran. 

More Stories