
Taglay ng Babae ang Lahat ng Ugaling Kinaiinisan ng Lahat, Isang Pagsubok ang Nangyari sa Kaniya sa Tuluyang Magpapabago sa Kaniyang Ugali
“Ate Helen, ano ba naman itong luto ninyo? Wala man lang kalasa-lasa,” maasim ang mukhang reklamo ni Jemma.
“Hay naku! Nand’yan ka na naman Jemma, puro ka na lang reklamo. Kung ayaw mo sa luto ko ay magluto ka ng sa’yo,” naiinis na wika ni Helen.
Sa lahat ng pinapakain niya’y itong si Jemma ang pinaka-reklamador sa lahat ng bagay. Kapag hindi nito nais ang amoy ng ulam ay nagrereklamo. Kapag hindi nito nais ang lasa ay nagrereklamo pa rin. Bukod pa sa ulam ay reklamador talaga ang babae sa lahat ng bagay.
“Nagsasabi lang naman kasi ako ng totoo Ate Helen, at sabi nga nila; The truth hurts. Kaya masanay ka na sa’kin,” paliwanag pa ni Jemma.
“Alam mo Jemma, sa pagiging reklamador mo baka lahat ng kaibigan mo isa-isa na lang lumayo sa’yo. Nakakapika ka na kaya minsan, baka hindi mo pa alam,” prankang wika ni Helen sabay irap sa kaniya.
“Alam mo kasi Ate Helen, minsan mas maigi na rin iyong nagsasabi ka ng totoo sa isang tao para malaman niya kung ano ‘yong mali. Kaysa naman sa sabihin kong masarap ang luto mo kahit hindi naman talaga ‘di ba? O ‘di kaya’y sabihin kong maganda ka kahit hindi din naman totoo. ‘Di ba mas nakaka-offend ‘yong alam mong hindi totoo pero iyon ang pinapaniwala nila sa’yo,” natatawang wika ni Jemma.
“Alam mo rin Jemma, mas maigi pa rin iyong magdahan-dahan tayo sa pagbitaw ng masasakit na salita mula sa bibig natin, at least kahit papaano nakakaiwas tayo sa gulo. Maganda naman iyong pranka tayo, pero minsan ang pagiging pranka ay nakakasira din minsan sa’tin. Lalo na’t hindi naman tayo perpekto.
Katulad mo. Hindi ka naman din kagandahan, pero kung makasita ka sa iba ay akala mo perpekto ka. Kung magreklamo ka sa luto ko’y akala mo magaling kang magluto e ultimo itlog ay hindi mo alam kung paano lutuin. Matuto tayong mag-preno, kung wala naman tayong karapatan,” mahabang wika ni Helen saka tinalikuran si Jemma.
Maraming kasamahan nila sa bahay ang naiinis kay Jemma dahil sa gano’ng ugali nito. Masyadong pakialamera, reklamador at prankang wala sa lugar.
Isang araw ay pinagkaisahan siya ng mga kasamahan niya. Si Jemma ang pinadala sa field kung saan ay bulubundukin at medyo nakakatakot dahil maraming teror*sta sa lugar.
“Bakit ba naman kasi nandidito tayo, Sir Jay?” nahihintakutang wika ni Jemma sa kasama.
“Mas maraming nangangailangan sa lugar na ito, Jemma. Walang tamang medikasyon ang mga tao rito, dahil nga malayo na ito sa syudad. Pitong araw lang naman tayong mananatili rito at pagkatapos n’on ay makakauwi na tayo,” wika ni Sir Jay.
“Ahh nga pala, Jemma. Balita ko pa naman ay isa kang reklamador at pranka. Pakiusap iwaglit mo muna ang pag-uugaling iyan. Mahigpit ang mga ganitong lugar, lalo na’t nagkalat ang mga teror*sta. Baka ilibing tayo ng buhay rito. Ayaw pa naman ng mga teror*sta nang gano’ng ugali,” nakikiusap na muling sambit ni Sir Jay.
Walang magawang napatango si Jemma. Nakakatakot naman pala talaga ang lugar na napuntahan nila. Ang buong akala ni Jemma ay magiging simple lang ang pananatili nilang dalawa ni Sir Jay sa lugar na iyon habang nagme-medikal misyon. Ngunit tama nga ang babala ni Sir Jay, na bawal magreklamo. Kung ano ang ibinigay ng mga tao roon sa kanila ay dapat nilang kainin iyon, hindi man tanggap ng sikmura nila.
Ayaw niyang makita ang sariling naghuhukay ng sariling libingan, gaya ng mga naririnig niyang kwento ng mga taong nakakasalamuha nila araw-araw upang bigyan ang mga ito ng tamang medikasyon.
“Marami po ba talaga ang mga teror*sta sa lugar na ito?” Paninigurong tanong ni Jemma sa pasyenteng kasalukuyan niyang kinukuhanan ng BP.
“O-opo nurse,” agad na sagot ng babaeng sa tantiya niya’y nasa edad na lampas trenta. “Kakunti lang kasi ang mamayan rito kaya mas marami po talagang gumagalang mga teror*sta sa lugar namin. Pero hindi naman nila sasaktan kapag wala kayong ginagawang mahigpit na ipinagbabawal nila.”
“Mga ipinagbabawal? Katulad po ba ng mga reklamador na tao?” aniya.
Agad namang tumango ang babae. “Para po kasi sa mga nurse nila, ang pagiging reklamador ay parang tsismosang putak nang putak ang bibig. Kaya ang parusang ginagawa nila ay tinatanggalan nila ito ng dila para hindi na makapagreklamo. Kaya kami rito ay doble-doble ang pag-iingat,” paliwanag pa nito.
Nakaramdam naman ng matinding takot si Jemma, dahil sa rebelasyon ng babaeng taga-rito sa lugar. Nagpapasalamat pa rin siya dahil nakatira siya sa lugar kung saan malaya niyang naiisatinig ang mga salitang hindi man lang tinimbang ng maigi ng kaniyang isipan, kung makakasakit ba siya ng kapwa o hindi sa pagiging pranka, reklamador at pakialamera niya.
Isang pangako ang binitawan ni Jemma sa kaniyang sarili. Hinding-hindi na siya magiging reklamador at prankang wala sa lugar. Kagaya ng mga taong nakatira sa bulubundukin na ito’y mas magdodobleng ingat na siya sa mga salitang lalabas mula sa kaniyang bibig. Sisikapin niyang baguhin ang kaniyang sarili.