Inday TrendingInday Trending
Palaging Sumasakit ang Likod ng Nanay ng Binatilyo; Napaiyak Siya Nang Malaman ang Dahilan Nito

Palaging Sumasakit ang Likod ng Nanay ng Binatilyo; Napaiyak Siya Nang Malaman ang Dahilan Nito

“Ivan, Ivan, kunin mo nga ang efficascent oil sa kabinet at hilutin mo nga itong likod ko,” sabi ni Aling Leni sa anak.

“Inay, wala na kayong ginawa kundi magpahilot ng likod niyo. Maglalaro pa kami ng basketball ng mga kaibigan ko sa labas, eh,” reklamo ni Ivan habang bitbit ang bola palabas ng kanilang bahay.

“Saglit lang ito, anak. Masakit kasi ang likod ko.”

Walang nagawa si Ivan kundi sundin ang utos ng ina. Kinuha ng binatilyo ang efficascent oil sa kabinet at ipinahid ang kaunting laman niyon sa sumasakit na likod ng ina.

Sarap na sarap naman si Aling Leni habang hinihilot siya ng anak. Sobra siyang naginhawaan. Kahit papaano’y nawala ang pananakit ng kaniyang likod.

“Ano inay, maaari na ba akong maglaro sa labas?” tanong ni Ivan sa naiinis na boses.

“Sige na, anak. Salamat sa paghilot mo sa likod ko.”

Nang sumunod na araw, excited si Ivan na dumalo sa kaarawan ng kapitbahay niyang si Jenny na ultimate crush niya. Kaibigan niya ang nakatatandang kapatid ng dalagita kaya naimbitahan din siya sa party nito.

Nakapaligo na siya at nakapagbihis na ng pampormang damit nang bigla siyang tawagin ni Aling Leni.

“Anak, pakihilot nga ulit itong likod ko. Masakit na naman kasi, eh,” wika ng ina.

“Inay, tapalan niyo na lang po ng gamot ang likod niyo. Pupunta ho ako kina Jenny, birthday niya ngayon at hihintay na ako roon ng mga kaibigan ko!”

“Pakiusap, anak. Mas gusto ko na hinihilot ang aking likod. Mas gumuginhawa ang pakiramdam ko. Sige na, hilutin mo na ako. Saglit lang naman ito.” panglalambing ng ina.

Sumimangot na naman si Ivan. Padabog nitong kinuha ang efficascent oil at pinahiran ng langis ang likod ng ina. Imbes na maginhawaan si Aling Leni ay tila lalong sumakit ang likod nito dahil sa mabigat na kamay ng binatilyo habang naghihilot.

Nang matapos hilutin ang ina ay padabog itong lumabas ng bahay at hindi na nagpaalam.

Napailing na lamang ang babae sa inasal ng anak.

Habang naglilinis ng bahay si Aling Leni ay napansin niyang wala na palang laman ang maliit na bote ng efficascent oil kaya inutusan niya ang anak na bumili niyon.

“Ivan, anak. Bumili ka nga sa botika ng efficascent oil. Ubos na ‘yung dati, eh.”

“Palagi kayong nagpapabili ng ganyan. Kung salonpas na lang ang pinapabili niyo, eh ‘di sana isang tapalan na lang. Para hindi niyo na ako iniistorbo na manghilot sa inyo!” anas ng binatilyo.

“Mas masarap kasi sa pakiramdam kapag efficascent oil ang ipinanghihilot mo sa akin.”

Kahit labag sa kalooban na sundin ang utos ng ina ay ginawa pa rin ni Ivan. Mas mabuti na iyon para hindi ito magalit at pagbawalan siyang maglaro sa labas.

Habang nag-aantay na pagbilhan siya ng tindera sa botika ay nainip si Ivan sa dami ng mga bumibili kaya nagsinungaling siya sa ina na wala ang ipinabibili nitong langis.

“Inay, w-wala raw hong stock ng efficascent oil ‘yung botika. Saka nagtanung-tanong na rin ako sa ibang botika at tindahan, wala raw ho silang tinda.”

“Sayang naman. Mabisa pa namang panghilot iyon. ‘Di bale, anak. Ako na lang ang bibili bukas. Baka mayroon na silang tinda niyon pagkagaling ko sa trabaho.”

Tuwang-tuwa si Ivan dahil siguradong hindi siya uutusan ng ina na hilutin ito dahil wala ang paborito nitong langis na panghilot.

Isang gabi ay muling sumakit ang likod ni Aling Leni at tinawag niya si Ivan para magpahilot.

“Anak, hilutin mo nga uli ako. Sumasakit na naman itong likod ko, eh.”

“Pambihira, akala ko pa naman ay makakaligtas na ako. Buwisit na buhay ‘to!” inis na sabi ng binatilyo sa isip.

Sa mga sandaling iyon ay hindi na niya sinunod ang ina. Lumabas siya sa kanilang bahay at naglaro kasama ang mga kaibigan. Kunwari ay hindi niya narinig ang tawag nito.

Kinaumagahan, habang naglalakad si Ivan papasok sa eskwelahan ay napadaan siya sa palengke. Laking gulat niya sa kaniyang nakita. Hindi siya makapaniwala.

“I-inay?”

Kitang-kita niya ang kaniyang ina na nagbubuhat ng malalaking banyera ng isda sa palengke. Bukod doon ay buhat din nito ang mabigat na kaing ng mga prutas at gulay. Ang akala niya ay tindera lang sa palengke ang nanay niya. Lingid sa kaniya, ang totoong trabaho nito ay ang pagiging kargador sa palengke. Mula nang pumanaw ang tatay niya ay ang nanay na niya ang nagtrabaho at bumuhay sa kaniya. Pinag-aaral din siya nito.

Napagtanto niya na kaya pala palagi itong nagpapahilot ng likod sa kaniya ay dahil sa buong araw na pagbubuhat ng kung ano-ano sa palengke para kumita ng pera para sa kanilang mag-ina. Bigla siyang nakaramdam ng awa sa ina at pagsisisi sa mga ginawa niyang pagtanggi kapag nagpapahilot ito at sa ginawa niyang pagsisinungaling na wala ang pinabibili nitong langis. Hindi niya napansin na may mga luha nang umagos mula sa kaniyang mga mata.

Agad siyang bumili ng efficascent oil sa botika at nang sumapit ang gabi ay siya na nagkusa na hilutin ang likod ni Aling Leni.

“O, himala at ikaw ang nagprisintang maghilot sa likod ko?”

“Sorry ho inay kung palagi akong nagrereklamo sa tuwing nagpapahilot kayo sa akin. Sorry rin ho sa pagsisinungaling ko kamakailan. Hindi totoong walang stock ng efficascent oil sa botika. Nainip lang akong maghintay kaya sinabi ko sa inyo na wala akong nabili,” nagsisising sabi ng binatilyo.

Imbes na magalit ay niyakap siya nang mahigpit ni Aling Leni.

“Sa susunod ay huwag mo na ulit gagawin iyon, anak. Sige, pinapatawad na kita. Dahil diyan ay kailangan mo talaga akong hilutin.”

“At your service, inay!”

Mula noon ay hindi na nagrereklamo si Ivan sa tuwing nagpapahilot ng likod si Aling Leni. Iyon na ang pasasalamat ng binatilyo sa ginagawang pagsasakripisyo ng ina para sa kaniya. Ipinangako rin niya sa sarili na mag-aaral siyang mabuti para balang araw ay siya naman ang magtatrabaho para sa kanilang mag-ina at mabigyan ang ina ng magandang buhay.

Advertisement