Hinala ng Mag-asawa ay Haunted House ang Nabili Nilang Bahay; CCTV lang pala ang Magbubuking sa Nakahihindik na Katotohanan

“Bakit ganoʼn?” naiinis na tanong ni Shana sa asawa, “simula nang tumira tayo rito, madalas nang magkandawala ang mga pagkain natin sa ref, pati na rin ang ibang gamit natin dito sa bahay, e, hindi naman tayo madalas umalis?”

Pareho kasing home-based ang ginagawang trabaho ng bagong kasal na mag-asawang sina Shana at Wilbert. Nagtataka sila kung bakit madalas silang mawalan ng supply ng pagkain at mga gamit simula nang tirahan nila ang bagong bili nilang bahay.

“Hindi ko rin alam, hon,” sagot ni Wilbert sabay baling sa kasambahay nilang si Manang Celia, “wala ka bang napapansin, manang? Hindi kaya, napapasok tayo sa gabi?”

“Naku, imposible po iyon, ser! Bago ako matulog sa gabi, sinisiguro ko munang naka-lock ang lahat ng pintuan at bintana nitong bahay,” mabilis namang sagot ng kanilang kasambahay.

Si Manang Celia ay kasambahay na ng pamilya nina Shana mula pa noon. Matagal na nila itong kasama kaya naisipan nilang muli itong kuning kasambahay, ngayong nag-uumpisa na siyang bumuo ng sariling pamilya.

Tumango-tango si Wilbert, ngunit naroon pa rin ang kunot sa kaniyang noo. Ganoon din kay Shana… nang maya-maya pa ay biglang nagsalitang muli si Manang Celia.

“Ang totoo nʼyan, maʼam, ser, iba ho ang pakiramdam ko sa bahay na ito,” panimula ni Manang Celia, “para ho kasing madalas akong kilabutan simula nang mapatira ako rito,” dagdag pa niya.

“Ano poʼng ibig nʼyong sabihin, manang?” tanong naman ni Shana sa matanda, gamit ang kaniyang malambing na tinig.

Advertisement

“Hindi naman ho sa tinatakot ko kayo, maʼam, ser, pero pakiramdam ko ho, haunted house itong bahay na nabili nʼyo. Noon ho kasi, may sabi-sabi sa lugar namin na kapag madalas daw mawalan ng pagkain at mga gamit sa bahay na kabibili lamang ay may nananahan daw na masamang elemento rito,” paliwanag naman ni Manang Celia.

Nagkatinginan ang mag-asawa. Ang totoo ay bahagya silang kinilabutan sa sinabi ni Manang Celia, laloʼt kilalang albularyo sa lugar nina Shana noon ang ama nito.

Ngunit lingid sa kaalaman ng Manang Celia, malaki ang pagdududa ni Wilbert sa kaniyang sinabi. Si Shana ay nagdadalawang isip pa lalo naʼt nanghihinayang ito sa pinagsamahan nila ng kasambahay sa mahabang panahon.

Kinagabihan ay muling napag-usapan nina Wilbert at Shana ang tungkol sa sinabi ni Manang Celia. Pareho man silang may duda ay minabuti nilang huwag munang akusahan ang matanda, laloʼt hindi naman sila siguradong gumagawa nga lamang ng ito kuwento upang pagtakpan na siya ang tunay na salarin sa pagkawala ng mga gamit at stock ng pagkain sa bahay.

Minabuti ng mag-asawa na hayaan munang lumipas ang ilang linggo bago sila nagmamadaling nagpakabit ng CCTV, isang araw na nasa pamamalengke ang matanda.

Nang gabing iyon ay hindi natulog si Wilbert. Nakabantay siya sa CCTV at tinitingnan kung ano ang mangyayari sa magkakaibang sulok ng kaniyang bahay… at ganoon na lang ang disappointment na kaniyang naramdaman nang makita niyang binuksan ni Manang Celia ang pintuan ng kanilang bahay upang papasukin ang dalawang kalalakihan… ang mga anak nito.

Ginising ni Wilbert si Shana upang ipakita ang kaniyang natuklasan. Kasalukuyang isinisilid sa isang bag ng mga anak ni Manang Celia ang ilang mga supply nila ng pagkain habang si Manang Celia naman ay nagmamasid sa paligid.

Napailing na lamang ang mag-asawa sa ginawa ng kanilang pinagkatiwalaang kasambahay.

Advertisement

Nang gabing iyon ay hindi na nag-aksaya pa ng oras si Wilbert. Palihim siyang tumawag ng security sa opisina ng kanilang subdivision. Hindi niya magawang lumabas ng kuwarto dahil sa takot na baka armado ang mga lalaking anak ni Manang Celia.

Ganoon pa man, huli sa akto ang tatlo.

“Hindi ko akalaing magagawa mo ito sa amin, Manang Celia,” ang nalulungkot na ani Shana sa minahal na rin niyang kasambahay.

Wala namang naisagot ang matanda sa kaniya at ang tanging nagawa na lamang nito ay mapayukod sa kahihiyan.

Gusto man ni Shana ay hindi iniurong ni Wilbert ang pagsasampa ng kaso sa mag-iina upang bigyan sila ng leksyon. Kalaunan ay nakulong ang tatlo sa salang pagnanakaw at trespassing.

Nang dahil sa pangyayaring iyon, natutunan ng dalawa na minsan, sa buhay ng tao, kahit anong kagandahang asal ang ipakita mo sa kapwa mo, magagawa ka pa ring lokohin ng mga ito.

Nalaman nilang lulong sa masamang gawain ang mga anak ni Manang Celia, habang ang matanda naman ay isang kunsintidorang ina. Imbes na sawayin ay tinutulungan pa nito ang kaniyang anak na gumawa ng masama, alang-alang sa pera.