Inday TrendingInday Trending
Nagpositibo Raw ang Asawa ng Ginang sa isang Virus at Umuwing Abo na Lamang; Matinding Panlilinlang Pala ang Kwentong Nasa Likod Nito

Nagpositibo Raw ang Asawa ng Ginang sa isang Virus at Umuwing Abo na Lamang; Matinding Panlilinlang Pala ang Kwentong Nasa Likod Nito

“Nanay! Nanay!” Humahangos na lumapit ang bunsong anak nina Aling Teresita at Mang Leandro na si Shane sa kaniyang nanay. Hawak nito ang malaking tablet. Nabitiwan ni Aling Teresita ang sandok na ginagamit niya sa pagluluto ng ulam nila sa pananghalian.

“Bakit, anak? Anong problema?”

“Nasa video call po si Tatay. May COVID-19 daw po siya. Nasa ospital na raw po siya,” umiiyak na balita ni Shane.

Nagmamadaling kinuha ni Aling Teresita ang tablet at kinausap ang asawang nakaratay sa kama ng isang ospital.

“Tay… anong nangyari? Paano ka nahawa?” nag-aalalang tanong ni Aling Teresita. Naabutan ng lockdown si Mang Leandro sa construction site na pinapasukan nito sa Makati. Isa itong foreman. Sa Bulacan pa sila nakatira kaya’t hindi na ito nakauwi.

“Hindi ko rin alam kung paano ako nahawa eh… basta nagkalagnat ako at nahirapan huminga. Positibo pala ako sa virus. Nasa ospital na ako ngayon. Magpapalakas ako para sa inyo,” sagot ni Mang Leandro.

Garalgal ang tinig nito. Umiiyak na si Aling Teresita. Alam niya ang maaaring kahantungan ng mga nagiging pasyente. Maaaring lumaban ang kaniyang asawa upang gumaling o abo na lamang itong uuwi sa kanila. Hindi rin alam ni Aling Teresita kung paano siya makakadalaw sa ospital. Bawal magtungo sa iba pang mga bayan dahil sa community quarantine.

“Basta magpalakas at magpagaling ka ‘Tay. Magnonovena ako araw-araw para gumaling ka at malagpasan mo ito,” pangako ni Aling Teresita.

Halos ilaan ni Aling Teresita ang buong araw sa pagdarasal ng novena para lamang sa paggaling ng kaniyang asawa. Hindi siya makatulog sa pag-aalala. Mahirap ang sitwasyon ngayon dahil hindi basta-basta makakalapit sa mahal sa buhay na nasa bingit ng kam*tayan.

Hanggang isang araw, nakatanggap ng balita si Aling Teresita mula sa isang kasamahan sa trabaho ni Mang Leandro na binawian na ito ng buhay. Bilang protocol, agad na itong isinailalim sa cremation.

Halos maglupasay sa sahig si Aling Teresita nang marinig ang hindi magandang balita. Muntik na siyang panawan ng ulirat. Makalipas ang dalawang araw, naiuwi na sa kanilang bahay ang urn jar kung saan nakalagak ang mga abo ni Mang Leandro.

Hindi maampat ang pagluha ni Aling Teresita. Agad nilang ipinagluksa ang pagkawala ng asawa. Hindi na rin nila pinayagan ang mga kapitbahay na makipaglamay sa kanila bilang pag-iingat na rin. Inisip ni Aling Teresita ang kanilang hinaharap.

Para siyang mababaliw. Wala na ngang kasiguraduhan ang hinaharap, nawalan pa siya ng makakatuwang sa buhay. Paano na ang dalawa nilang anak? Ang panganay na si Audrey ay nasa ikalawang taon na sa kolehiyo sa kursong Edukasyon. Si Shane ay nag-aaral sa pribadong paaralan, na nasa ikalimang baitang na. Paano na? Wala naman siyang ibang kabuhayan.

Matapos ang tatlong araw, naisipang lakarin ni Aling Teresita ang d*eath certificate ni Mang Leandro. Tinawagan niya ang ospital kung saan daw naconfine ang asawa. Subalit ayon sa kawani ng ospital, wala raw Leandro Tolentino na pasyente ng COVID-19 ang na-confine doon.

Tinawagan ni Aling Teresita ang isa pang tauhan ni Mang Leandro.

“Wala naman sa sinabing ospital ang pangalan ni Leandro? Saang ospital ba siya na-confine? Lalakarin ko na kasi ang d*eath certificate niya para makakuha na ako sa mga life plans niya,” usisa ni Aling Teresita.

Kandabulol ang kausap ni Aling Teresita sa kabilang linya. “M-mam, mali po yung ospital na unang sinabi sa inyo. Sa kuwan po, sa…” at binanggit nito ang pangalan ng ospital.

Tinawagan ni Aling Teresita ang pamunuan ng naturang ospital. Subalit gaya rin ng nauna, wala rin umano sa record nila ang pangalang Leandro Tolentino. Nagduda na si Aling Teresita. Tinawagan niya ulit ang lalaki. Hindi na ito ma-contact. “Cannot be reached” sabi ng operator.

Habang nag-iisip kung sino pa ang dapat kausapin hinggil dito, isang tawag mula sa isang kaibigang taga-Makati ang natanggap ni Aling Teresita.

“Teresita, hindi ka maniniwala sa nakita ko. Nakita ko ang asawa mong si Leandro. Buhay na buhay! May kasamang mas bata-batang babae. Akala ko nga namamalikmata lang ako eh, pero hindi. Kinuhanan ko sila ng picture habang naggogrocery sila,” sabi ng kaniyang kaibigan.

Ipinadala ng kaibigan ang kuhang larawan nito sa Facebook messenger. At kitang-kita nga niya ang asawang si Leandro kasama ang ibang babae.

“Mukhang niloko ka ni Leandro. Kunwari lang na p*tay na siya para makasama na siya sa kabit niya!” sabi ng kaibigan ni Aling Teresita.

Makalipas ang ilang buwan, naalis na rin ang mga community quarantine sa mga bayan. Agad na sinadya ni Aling Teresita ang kompanyang pinagtatrabahuhan ni Mang Leandro.

Kinulit niya ang mga tauhan at kasamahan nito na ituro sa kaniya kung saan nakatira ngayon ang asawa; kung hindi ay nagbanta siyang idedemanda ang mga ito.

Namutla si Mang Leandro nang mabungaran ang misis na si Aling Teresita sa pintuan ng bagong bahay kasama ang kabit. Hindi rin nakahuma ang babae nito. Mag-asawang sampal ang isinalubong ni Aling Teresita kay Mang Leandro.

“Sinungaling! Walanghiya ka. Binilog mo pa ang ulo namin sa pagsasabing nam*tay ka? Puwes, nam*tay ka na nga sa mga buhay namin!” kinuha ni Aling Teresita ang urn jar at ibinuhos sa ulo ni Mang Leandro ang alabok na nasa loob nito.

Kinasuhan ni Aling Teresita ang kaniyang asawa at ang kabit nito. Matapos ang mga pagdinig sa korte, nanalo sa asunto si Aling Teresita. Kung mas may titindi pa sa coronavirus, ito ay ang pagkakaroon ng sinungaling na asawa.

Advertisement