Nanggagalaiti ang Isang Dalaga sa Isang Lalaking kung Sino-sino ang Kaangkas sa Motor; Napahiya Siya Nang Malaman ang Katotohanan

Nanggagalaiti ang Isang Dalaga sa Isang Lalaking kung Sino-sino ang Kaangkas sa Motor; Napahiya Siya Nang Malaman ang Katotohanan

FunInspiringStories

“Joy, tignan mo yung lalaki, halatang babaero, o! Ang daming biniling donut! Nakita ko rin yan noong isang araw, eh, may angkas na dalaga, pati kanina nakita ko rin ‘yan, kaso ibang dalaga naman ang kaangkas!” bulong ni Pie sa kapwa niya kahera sa isang grocery store. 

“Ano ka ba naman, Pie? Malay mo naman mali ka lang ng interpretasyon,” sambit ng kaniyang katrabaho habang abala sa pagbibilang ng pera. 

“Hindi ba’t malapit na ang araw ng mga puso? Malamang ibibigay niya ‘yan sa mga babae niya! Ganyan naman yang mga lalaking ‘yan, eh!” dagdag niya pa saka padabog na isinara ang kahang nasa harapan niya. 

“Naku, Pie, ingat ka sa mga sinasabi mo baka may makarinig sa’yo, mapagtsismisan ka na naman, o mas malala, matanggal ka na sa trabaho,” babala nito sa kaniya ngunit mas lalo pa siyang ngumuso ng tsismis sa katrabaho. 

“Wala akong pakielam, Joy, madalas kong makita yang lalaking ‘yan dito sa grocery, minsan puro tsokolateng inumin ang binibili, minsan naman puro chichirya!” kwento niya pa, “Maraming nobya, kuya?” parinig niya pa habang nakatingin sa lalaking papalapit sa kaniya dahilan upang bahagya siyang batuhin ng papel ng katrabaho saka siya patagong umirap. 

Madalas tawaging “ampalaya” ang dalagang si Pie. Galit na galit siya sa mga lalaki. Makailang na kasi siyang naloko, nasaktan at naiwan ng kaniyang mga naging kasintahan noon. Sa katunayan, ilang araw pa lamang ang nakalilipas simula noong makita niyang may kahawak-kamay ang nobyo niya sa isang pamilihan ng mga sapatos kaya ganoon na lamang siya kagalit sa bawat lalaking nakikita niya. 

Napagtuunan niya pa ng pansin ang isang ginoong madalas niyang makitang maraming binibiling pagkain sa grocery na kaniyang pinagtatrabahuhan. Nakita niya rin kasi itong may iba na namang angkas na dalaga sa motor noong araw ding nakita niyang may kahawak-kamay ang kaniyang nobyo dahilan upang manggalaiti siya rito. 

Kinabukasan, naglakad-lakad siya sa parke malapit sa kaniyang pinagtatrabahuhan upang lumanghap ng sariwang hangin bago pumasok sa trabaho. Ang kaso nga lang, bigla na namang sumagi sa isip niya ang dati niyang nobyo, pati na ang lalaking mahilig mang-angkas ng iba-ibang babae sa motor nito. 

“Humanda talaga sa akin ‘yang lalaking yan, isang beses ko pang makitang may ibang babae na naman siyang angkas, ipapaalam ko talaga sa dalaga ang kalokohan ng mokong na ‘yon! Hindi nararapat gawing laruan ang damdamin ng mga babae! Kung makati ka, kamutin mo mag-isa ang sarili mo! Nakakainit ng dugo! Pare-parehas lang kayong mga lalaki!” sigaw niya, “Makauwi na nga, lalo lang ako nainis dito, eh!” ‘ika niya ngunit paglingon niya sa kaniyang kaliwa, nakita niyang muli ang lalaking iyon na may angkas na namang dalaga dahilan upang pahintuin niya ito.

“Kahapon sobrang puti nang angkas mo, ha? Tapos ngayon naman, morenang balingkinitan?” sambit niya sa lalaki dahilan upang tanggalin nito ang kaniyang helmet. 

“Anong ibig mong sabihin?” tanong nito sa kaniya, hindi niya ito pinansin at biglang sinabihan ang dalagang nasa likod nito. 

“Hoy, ikaw, babae! Gumising ka! Huwag mo na ako gayahing nagpapakatanga sa mga lalaki! Alam mo bang hindi lang ikaw ang babaeng inaangkas ng mokong na ito?” tanong niya sa dalaga dahilan upang tanggalin din nito ang suot na helmet. 

“Opo, alam ko po,” kamot ulong sagot ng dalaga. 

“O, bakit hinahayaan mong lokohin ka? Kung ako sa’yo, bumaba ka na d’yan at maghanap ka ng lalaking ikaw lang ang iaangkas! 

“Naku, miss, mukhang nagkakamali ka, pasahero niya lang po ako at isa po siyang drayber ng motor. Trabaho niya po ito,” paliwanag sa kaniya ng dalagang halatang nagpipigil ng tawa, agad naman siyang napaisip at napatingin sa lalaking nakangiti sa kaniya. 

“Hindi ba’t ikaw rin yung dalaga sa grocery store? Nagtataka ka sa dami ng binibili ko, ano? Bukod kasi sa pagiging drayber, may maliit akong sari-sari store sa toda namin. Hindi ako nanloloko ng babae, sa katunayan, wala akong nobya. Ah, eh, paano ba ‘yan? Mukhang kailangan ko nang ihatid itong pasahero ko, ingat ka! Hindi pare-pareho ang mga lalaki,” sambit nito sa kaniya saka mabilis na pinaandar ang sinasakyang motor. 

Ramdam na ramdam ng dalaga ang pag-init ng kaniyang mukha dahil sa kahihiyan. Kamot-ulo siyang naglakad patungo sa kaniyang trabaho at pagkadating niya doon, agad niyang ikinuwento sa kapwa kahera ang nangyari. 

Tawa ito nang tawa sa kaniya. ‘Ika pa, “Ayan, matuto ka na! Hindi lahat ng hinuha mo ay tama! Lahat ng bagay na nakikita mo, may nakatagong dahilan sa likod nito,” sambit nito sa kaniya saka tumawa nang tumawa, “Saka, tama yung lalaki, hindi pare-pareho ang lalaki. Tanggapin mo nang niloko ka ulit nang sa gayon, makaahon ka sa sakit at huwag ka nang manghusga ng tao nang dahil lang sa sakit na pinaramdam sa’yo ng isang lalaki,” ‘ika pa nito sabay kindat dahilan upang mapabuntong hininga na lamang siya. 

Simula noon, naging maingat na ang dalaga sa panghuhusga. Nanatili man siyang walang nobyo, natuto naman siyang tanggapin ang bigay sa kaniya ng tadhana. Sigurado rin siyang sa takdang panahon ay darating din ang tamang lalaki para sa kaniya.

More Stories