Hindi Naniniwala ang Babaeng Ito sa Pamahiin ng Kaniyang Ina; Isang Pangyayari ang Magpapabago sa Pananaw Niya

Napabuntong-hininga si Shane matapos niyang sumilip sa bintana. “Hay! Napakainit naman. Nakakatamad tuloy pumasok,” sabi pa niya bago isinalampak ang sarili sa malambot nilang sofa.

“Naku, anak, huwag ka nang pumasok. Masama ’yang tinatamad ka, ’tapos, aalis ka pa rin. Delikado,” sabat naman ng kaniyang ina na nagpangiwi kay Shane.

“Totoo ba ’yon? Hindi naman totoo ’yon, mama, e,” aniya pa. “Saka, sayang ang araw. Mamaya, mawawala rin ’tong labis na pagkatamad kong pumasok ngayon, mama,” dugtong pa niya.

“Naku, anak, makinig ka na sa akin, pakiusap. Delikado ’yang tinatamad ka na’y aalis ka pa rin ng bahay. Baka mamaya’y ikapahamak mo pa,” ngunit muli ay singit nito.

Napailing na lang si Shane at natatawang ipinagpatuloy ang pangongontra sa kaniyang ina. “Si mama talaga, napakaraming pamahiin. Hindi na uso ’yang mga ganiyan ngayon. Nasa modernong panahon na kaya tayo.”

“Kami kasi anak, noong araw, kapag sinabi ng mga magulang namin na huwag kaming umalis ng bahay dahil delikado, hindi na talaga kami umaalis. Tingnan mo naman ang panahon ngayon, napakaraming nagaganap na kaguluhan. Palibhasa, hindi mga nakikinig sa lumang kasabihan, e,” iiling-iling namang saad muli ng kaniyang ina. “O siya, basta’t mag-ingat ka, anak. Magdasal ka muna bago ka umalis, ha?”

Ngunit maging ang huling bilin nito ay nakaligtaang sundin ni Shane dahil sa pagmamadaling umalis ng bahay. Ikinatatakot niya kasing baka maipit na naman siya sa mahabang trapiko at mahuli sa trabaho.

Nagpatuloy pa rin sa pag-alis si Shane na ni hindi man lang tumawag sa Panginoon upang humingi ng gabay. Sa bagay ay hindi nga rin siya nakikinig sa kaniyang ina kahit gaano pa nito ipinaliwanag sa kaniya ang sitwasyon.

Advertisement

Pumara si Shane ng taxi. Noong una ay ayos naman ang kanilang pagtakbo, hanggang sa hindi inaasahang bigla na lang bumilis ang andar ng kaniyang sinasakyan. Hindi niya agad iyon pinansin, ngunit nang unti-unti ay lalong bumilis ang kanilang takbo ay tila kinabahan na si Shane.

“Manong, bakit po ang bilis ng takbo natin? Pwede po bang pakibagalan nang kaunti?” tanong niya sa tsuper ng taxi.

“P-pasensiya ka na, miss. Huwag kang kakabahan, pero hindi kumakagat ang preno kaya hindi ko maaaring bagalan ang takbo ng sasakyan,” sagot naman nito.

“Ho?!” nanlaki ang mga mata ni Shane at agad siyang nilukob ng takot. Bigla niyang naalala ang bilin sa kaniya kanina ng ina, at pinagsisisihan na niya ngayon na hindi siya nakinig dito.

Doon niya biglang naalalang magdasal at tumawag sa Diyos! Umiiyak siya, habang patuloy pa rin ang matulin nilang pagbagtas sa kahabaan ng kalsada!

Maya-maya pa ay nawalan na rin ng kontrol ang tsuper sa manibela, at hindi iyon lingid sa kaalaman ni Shane. Nakita niya kasi kung makailang ulit nitong kinakambyo ang manibela ngunit tila wala iyong epekto. Dahil doon ay halos mapasigaw na siya na lalo namang nakapagpataranta sa driver. Iyon ang dahilan kaya bigla na lamang silang sumalpok sa isang poste ng kuriyente!

Nang magising si Shane, akala niya ay isang malagim na bangungot lamang ang kaniyang naranasan… ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang tila hindi niya maramdaman ang kaniyang mga hita.

Nagwala siya, nang makitang ngayon ay nakabenda na ang mga ’yon, dahil ang isa sa kaniyang mga paa ay kinailangang putulin ng mga doktor dahil sa aksidenteng naging dahilan din upang mawalan ng buhay ang tsuper ng taxi.

Advertisement

Sising-sisi si Shane. Pakiramdam niya ay kasalanan niya ang lahat ng nangyari. Kung sana lang ay nakinig siya sa bilin ng kaniyang ina, sana’y baka ngayon, hindi ganito ang sinapit niya.

“Mama, sorry po at hindi ako nakinig sa inyo. Sorry po, dahil naging matigas ang ulo ko gayong kapakanan ko lang naman ang iniisip n’yo. Pasensiya na po, mama,” umiiyak niyang saad sa kaniyang ina na umiiyak din siyang niyakap.

“Wala na tayong magagawa pa, anak. Nangyari na ang nangyari, kaya ngayon ay dapat na lang tayong matuto sa leksyong iniwan sa atin ng trahedya,” sabi pa nito upang palakasin ang loob niya.

Nagpagaling si Shane sa ospital at tinanggap na lamang ang kaniyang sinapit. Ganoon pa man, simula noon ay hindi na muling binalewala ni Shane ang lahat ng pamahiing marinig niya, dahil para sa kaniya ay wala namang mawawala kung susunod siya sa bilin ng ina, o sa bilin ng mga lumang kasabihan.