Niloko ng Binata ang Kaniyang Nobyang Probinsiyana; Karma Pala ang Aabutin Niya

“Mahal na mahal kita, Jacob. Huwag na huwag mo akong lolokohin, ha?” nakangiting sabi ng dalagang si Marsia sa binatang si Jacob, matapos siyang sagutin nito ng matamis na oo.

Pilit namang ngumiti si Jacob sa dalaga upang ipakitang natutuwa siya sa sinasabi nito, kahit ang totoo ay halos masuka na siya sa sinasabi nito.

“Oo naman. Mahal din kita,” aniya naman pabalik kahit pa halos maduwak na siya.

Tatlong buwan din niya itong niligawan dahil napakahirap pasagutin ng babaeng ito. Nawawalan na nga siya ng pag-asang maipapanalo pa niya ang pustahan nilang magbabarkada na mapapasagot niya ito sa loob lang ng tatlong buwan, ngunit mabuti na lamang at sinagot siya nito ngayong huling araw na ng kaniyang palugit. Malaki-laki rin kasi ang sampung libong pisong pustahan nila kaya naman nakahinga siya nang maluwag dahil doon.

Ayon din sa kanilang pustahan, pagkatapos niyang mapasagot si Marsia ay kailangan niya itong saktan bilang parte ng “trip” ng kanilang barkadahan. Malaki kasi ang galit ng isa sa kaniyang mga kabarkada kay Marsia, buhat nang matalo niya ito sa ranking ng kanilang mga grado noong nagdaang grading period. Iyon ang dahilan kaya naman inatasan siya ng mga ito na lokohin si Marsia.

Ilang araw pang pinatagal ni Jacob ang kunwaring relasyon nila ng dalaga, bago niya plinano kung paano siya nito “mahuhuling” nambababae. Tutal ay kilala namang palikero si Jacob sa kanilang eskuwelahan, siguradong maniniwala agad itong niloloko niya nga si Marsia.

Sinadya ni Jacob na abangan ang paglabas ni Marsia sa building ng kanilang departamento bago niya hinalikan sa harap nito ang isang babaeng nakilala lamang niya nang hapon ding iyon. Sinigurado niyang pagmukhaing hindi niya inaasahan ang pagkahuli sa kaniya ng nobya.

Agad na natupad ang hindi magandang plano ni Jacob. Nakita niya sa gilid ng kaniyang mga mata kung paano pumatak ang luha mula sa mga mata ni Marsia kasabay ng pagtakbo nito palayo. Simula nang araw na iyon, hindi na muli nilang nakita si Marsia sa kanilang eskuwelahan, dahil ayon sa sabi-sabi ay umuwi daw ito sa kanilang probinsya upang doon ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral.

Advertisement

Bahagyang naawa si Jacob sa dalaga, ngunit mas matimbang pa rin ang kagalakan niya nang siya ay manalo sa kanilang pustahan. Ganoon pa man, hindi iyon nagtagal…

Makalipas lang kasi ang isang linggo buhat nang mawala si Marsia ay biglang bumagsak ang katawan ni Jacob. Nagsimula siyang tubuan ng mga butlig sa katawan na kalaunan ay nagiging malalaking sugat na bukod sa makati na’y napakahapdi rin! Nagkasakit din si Jacob nang malubha kaya naman itinakbo siya agad ng kamiyang pamilya sa ospital, ngunit dahil walang makitang anumang komplikasyon sa katawan niya ang mga doktor ay niresetahan lamang nila siya ng pampahid sa kaniyang mga sugat.

Ngunit nagpatuloy sa paglala ang kaniyang kondisyon hanggang sa halos hindi na siya makagulapay pa sa higaan. Nangayayat siya nang husto at naging napakabigat ng kaniyang pakiramdam. Napilitang lumapit sa albularyo ang pamilya ni Jacob nang hindi na nila alam ang gagawin.

“Bawat sugat na tumubo sa iyong katawan ay ang siyang bilang din ng mga luhang pumatak sa mga mata ng isang babaeng sinaktan mo nang sadya, hijo. Labis ang galit niya sa ’yo, kaya naman ganito ngayon ang napapala mo,” anang albularyo kay Jacob at doon pa lang ay alam niya kung ano ang ibig sabihin nito.

“A-ano po ang dapat kong gawin?” nanghihinang tanong ni Jacob.

“Kailangan mong humingi ng tawad sa kaniya, hijo. Siya lang ang makagagamot sa kalagayan mo,” sagot naman nito.

Sising-sisi siya sa nagawa niya kay Marsia kaya naman hindi niya magawang magalit sa ginawa sa kaniya ng dalaga. Ngayon ay mas naging mahalaga pa sa kaniya na mapatawad na lang siya nito bago siya mawala sa mundo, kaysa sa tuluyan niyang paggaling.

Dali-dali niyang hinanap si Marsia sa kabila ng panghihina ng kaniyang katawan. Nang matagpuan niya ito ay sinsero siyang lumuhod sa kaniyang harapan at humingi ng taos-pusong pagpapatawad.

Advertisement

Hindi na hiniling pa ni Jacob ang kaniyang kaligtasan. Dahil doon ay naantig ang puso ni Marsia at inalis pa rin nito ang kulam sa kaniya. Pinatawad siya nito, ngunit pagkatapos n’on ay hindi na niya ito muling nakita pa. Ganoon pa man ay isang malaking leksyon ang iniwan sa kaniya ni Marsia na siguradong hinding-hindi niya malilimutan kailan man.