
Hindi Niya Kailanman Nakuha ang Atensyon ng Kaniyang Ama; Paborito raw Kasi Nito ang Kakambal Niya
Masama ang tinging ipinukol ni Ginnie sa kaniyang kakambal na si Gennie habang masaya itong kausap ang kaniyang ama. Makikitang tila ba napakasaya ng magkapatid na animo sila lamang dalawa ang naroon sa bahay. Naglalaro kasi ang mga ito kaya naman dahil doon ay bahagyang nakaramdam ng inggit si Ginnie. Kanina kasi, nang subukan niyang makisali sa kanila ay pinaalis siya ng kaniyang ama at sinabing hayaan daw muna niya silang dalawa ng kakambal niya na maglaro at mag-bonding.
Kailan man ay hindi nagawa ito ng kaniyang ama kay Ginnie. Palagi kasing nasa kakambal niya ang atensyon nito kahit pa anong pagpapatunay sa sarili ang gawin niya. Nangunguna siya sa eskuwela, at madalas din siyang magkaroon ng iba’t ibang parangal pagdating sa kaniyang pagiging matalino, ngunit kailan man ay palaging nasa kapatid pa rin niya ang suporta at atensyon nito, kahit pa bukod sa hindi naman ganoon katalino ang kakambal niya ay madalas pa itong sakit sa ulo ng kanilang mga guro.
Dumating ang araw ng kanilang pagtatapos, ngunit eksaktong nagkaroon ng karamdaman ang kanilang ina, kaya naman napilitan ang kaniyang ama na ito na lamang ang dumalo sa kanilang seremonya. Matutuwa na sana si Ginnie na ang kaniyang ama ang magsasabit ng medalya sa kaniya lalo na at siya ang itatanghal ngayon bilang Valedictorian… ngunit ganoon na lang ang panlulumo niya nang hayaan siya nitong magmartsa nang mag-isa! Bukod doon, hindi rin ito tumayo nang siya’y sasabitan na ng medalya, bagkus ay ang guro niya.
Habang nasa entablado ay hindi niya napigilang maiyak, lalo na at nakikita niyang hanggang ngayon ay wala pa rin sa kaniya ang atensyon ng ama. Ni hindi siya nito magawang tingnan at panuoring sabihin ang kaniyang pinaghandaang speech dahil abala ito sa pakikipagkuwentuhan sa kaniyang kakambal.
“Congratulations, anak!” galak na galak na sabi sa kaniya ng ina bago nito ibinigay sa kaniya ang isang regalo. Pilit namang ngumiti na lamang si Ginnie, pagkatapos ay tinakbo niya ang kaniyang kuwarto upang doon ay ibuhos ang kaniyang iyak.
Simula nang araw na ’yon ay ipinangako niya sa kaniyang sarili na hindi na siya kailan man aasa na mapapansin siya ng ama, kaya naman nagpasiya siyang mag-enroll ng kolehiyo sa isang unibersidad na malayo sa kanilang tahanan. Isang eskuwelahan na alam niyang hindi kayang pasukan ni Gennie dahil kakailanganin nitong makapasa sa exam, ngunit hindi iyon aprubado ng kaniyang ama…
“Paano kapag nalaman ng kapatid mo ito? Siguradong magdadamdam siya dahil hindi siya makapapasok sa eskuwelahang ’yan!” galit na anas ng kaniyang ama kay Ginnie. “Hindi ka papasok d’yan! Doon ka papasok sa eskuwelahang napili ng kapatid mo!” dagdag pa nito at doon ay napuno na si Ginnie.
“Papa, pati ba naman ito?!” bulyaw niya. “Hindi ko kasalanan na puro gimik ang inaatupag ng paborito mong anak kaya hindi niya kayang pumasa sa eskuwelahang papasukan ko! Buong buhay ko ay kailangan ko na lang ba laging sumunod sa anino niya? Hayaan n’yo naman akong mabuhay para sa sarili ko!” umiiyak pang dagdag ni Ginnie na nagpagulat sa kaniyang ama dahil ito ang unang pagkakataong nasagot niya ito.
“Bahala ka!” sigaw nito nang ito’y makabawi. “Pero huwag na huwag mong aasahang gagastusan ko ang pag-aaral mo d’yan sa lintik na eskuwelahang ’yan! Wala kang pakialam sa nararamdaman ng kapatid mo! Wala kang kuwenta!” Matapos ’yon ay tinalikuran siya ng ama.
Sa kabila ng nangyaring ’yon ay minabuti pa rin ni Ginnie na ituloy ang kaniyang pag-aaral sa ibang lugar. Nag-apply din siya bilang kahera sa isang coffee shop upang may pangsuporta siya sa kaniyang pag-aaral, hanggang sa siya ay makatapos.
Nakuha rin ni Ginnie ang kaniyang pinakaaasam na trabaho, at namuhay nang masaya kahit pa malayo siya sa kaniyang pamilya.
Ngunit isang araw ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang ina…
“Ginnie, umuwi ka. Inatake sa puso ang ama mo dahil nakipagtanan sa nobyo niya ang kapatid mo. Tulungan mo ako, anak,” umiiyak na sabi nito.
Dali-dali namang umuwi si Ginnie sa kanila at hindi napigilan ni Ginnie na maluha nang makita ang sitwasyon ng ama. Kahit papaano’y mahal pa rin naman niya ito, gaano man sila katagal naging malayo sa isa’t isa.
Namg makita niyang tulog ang ama’y naisipan niyan hawakan iyon… ngunit nagulat siya nang bigla rin nitong hawakan ang kamay niya.
“Ginnie, anak ko…” tawag nito sa kaniya. “Akala ko ay hindi ka na ulit magpapakita sa amin ng mama mo. Kung alam mo lang kung gaano ko na katagal gustong makipag-usap sa ’yo para makahingi ako ng tawad sa naging pagtrato ko sa iyo, anak,” umiiyak pang dagdag nito habang si Ginnie ay natulala naman at hindi makapagsalita.
“Pasensiya ka na kung ang lahat ng atensyon ko ay ibinuhos ko kay Gennie. Pasensiya ka na, anak. Nagawa ko lang naman ’yon dahil nang ipanganak kayo ng kakambal mo ay wala siyang buhay. Ikaw lang ang malakas sa inyong dalawa, at isang himala lang nang makalipas ang ilang minuto ay biglang tumibok ang puso niya. Akala ko ay tamang mas ibuhos ko ang atensyon ko sa kaniya dahil kailangan niya ako… ngunit nakalimutan kong kailangan mo rin ako. Patawarin mo ako, anak,” paliwanag pa nito.
Doon ay naliwanagan si Ginnie. Nagsisi rin siya na nagalit siya sa ama nang buong buhay niya kaya naman imbes na salita ay isang mahigpit na yakap ang isinagot niya rito. Noon mismo ay pinatawad niya ang ama, maging ang kakambal niya na kalaunan ay umuwi rin naman sa kanila, kasama ang kaniyang nobyo at ang bata sa sinapupunan nito. Muli ay nabuo ang kanilang pamilya, ngunit sa pagkakataong ito ay wala nang paboritismo.