Araw-araw ay Wala nang Inatupag ang Ginang Kundi Tsismis; May Makapagpapatigil pa Kaya sa Kaniya?

Araw-araw ay Wala nang Inatupag ang Ginang Kundi Tsismis; May Makapagpapatigil pa Kaya sa Kaniya?

FunKarmaStories

“Mga mare! Nabalitaan n’yo na ba?” bungad ni Susan sa mga naabutang kapitbahay sa kalsada. Nang marinig siya ng mga ito ay awtomatikong nagkumpulan ang lahat para pakinggan ang kaniyang sasabihin.

“Ang alin? May nasagap ka bang bago?” tanong ni Nelia. 

Ngumisi siya at tumango. 

“Galing ako sa ospital kanina para magpa-check up at alam niyo ba kung sino ang nakita ko doon? ‘Yung anak ni Mareng Aida na si Pauleen, malaki ang tiyan at halatang-halata na buntis,” pagkukuwento niya sa mga ito. 

Umani ng sari-saring reaksyon mula sa mga kasama ang kwento niya. Nagkatinginan pa ang mga ito, halata sa mukha ang matinding gulat sa narinig.

“Talaga? Hindi ba’t nasa kolehiyo pa lang ang batang ‘yun? Diyos ko, kabata-bata, nagpabuntis na!” komento ni Nelia na umiiling pa sa bahagyang pagkadismaya. 

“Palagi pa naman iyong ibinibida ni Aida sa usapan. Kesyo matalino ang anak niya, mabait na bata, mahinhin. Wala rin pala,” dagdag pa ni Aida. 

“Aling Susan, sigurado ka ba sa nakita mo? Baka fake news na naman ‘to,” paninigurado naman ni Tessa.

Sasagot na sana siya nang maagaw ang kanilang atensiyon ng pumaradang tricycle sa tapat nila. Nagulat sila nang makita kung sino ang sakay nito, walang iba kundi ang paksa ng kanilang usapan na si Pauleen. Nakita niya agad ang tiyan nito na hindi na maitatago pa pa ng damit na suot sa sobrang halata. Nakumpirma niyang ito nga ang babaeng nakita niya kanina. 

Palihim niyang siniko si Tessa. “O ano? Kita mo na! Hindi ako nagkakamali sa pagkakataong ito.” 

“Pauleen! Naku, buntis ka pala talaga? Kung hindi ka pa namin nakita ngayon, hindi kami maniniwala. Ilang buwan na ba ‘yang dinadala mo?” usisa ni Nelia dito. 

Nagpalitan sila ng makahulugang tingin habang hinihintay ang sagot mula rito ngunit imbes na sumagot, kumunot ang noo ng babae sa pagtataka. 

“Po? Hindi po ako buntis! Sino pong nagsabi?” tanong ni Pauleen. Nasa mukha nito na nagkamali ako.  

Alanganin siyang nilingon ni Nelia. 

“Ha? E, sabi ni Susan, buntis ka raw. Hindi ba?”

Nang marinig ng dalaga ang pangalan niya ay matapang na hinarap siya ni Pauleen. Kita niya ang galit sa mata nito nang sagutin nito ang tanong. 

“Hindi po ako buntis.” 

“Ikaw na naman pala, Aling Susan. Hindi na ako magtataka dahil ikaw ang numero uno dito sa pagkakalat ng maling balita,” maanghang pa nitong patutsada sa kaniya kapagkuwan. 

Matapang niya itong sinagot pabalik. “Naku, ‘wag mo nang ikaila. Halatang-halata na ang tiyan mo kahit na itago mo pa sa iba. Kalaunan, malalaman rin naman ‘yan ng ibang tao kaya bakit galit na galit ka?” inis na kastigo niya sa dalaga. 

Bumuntong-hininga ang babae sa labis na iritasyon, saka nito kinuha ang isang papel mula sa bag na bitbit para ipakita sa kanila.

“Ayaw ko sanang magpaliwanag sa inyo dahil hindi ko naman kailangan, pero heto ang patunay. Hindi ako buntis. Malaki ang tiyan ko ngayon dahil mayroon akong sakit at isa ito sa mga sintomas. Kung ayaw niyong maniwala kausapin n’yo pa ang doktor ko,” paliwanag nito. 

Nagtanguan ang mga kasama niya nang marinig ang paliwanag at nang makita ang dokumento mula sa ospital. Isa-isang humingi ng tawad ang mga ito. 

Habang si Susan naman, imbes na humingi ng tawad ay mas lalo pang nagmalaki.

“Kung ganon, ‘wag mo nang palakihin pa itong isyu. Alam na namin ang totoo kaya hindi na makakarating sa ibang tao. ‘Wag ka na mag-alala, katuwaan lang naman,” pabiro niyang sinabi.

“Ang katuwaan lang sa inyo, nakakaapekto ng malaki sa ibang tao kaya sana maging maingat kayo sa binibitiwan niyong salita palagi,” seryoso nitong sinabi na ipinagkibit balikat lang niya. 

Napabuntong-hininga si Pauleen saka naiiling na pumasok sa loob ng bahay. 

Sa mga sumunod na araw, nagpatuloy lamang si Susan sa dating gawi. Palibhasa’y nasa high school na ang nag-iisang anak, marami na siyang libreng oras kaya’t halos ginugugol na lang niya ang buong maghapon sa pakikipag-tsismisan sa mga kapwa niya makakating dila sa baranggay. 

Isang araw ay surpresa siyang tinawagan ng bunsong kapatid na si MJ. Gusto raw nitong makipagkita dahil halos apat na taon itong nawala para magtrabaho sa ibang bansa kaya’t agad siyang pumayag. Nagkasundo sila na magkita sa kalapit na restawran. 

Agad siyang nanibago nang makita ito. Nang huli niyang makita ang kapatid ay kakatapos lang nito ng kolehiyo, ngayon ay malapit na raw itong magpakasal sa kasintahan. Kung ano-ano ang pinagkwentuhan nila kaya’t inabot sila ng gabi. Nagpunta pa sila sa mall dahil pinilit siya nitong ibili ng kung ano-ano kahit na anong pagtanggi niya. 

“Sige na, Ate. Minsan lang naman saka lagi mo naman akong binibilhan ng kailangan ko noon. Hayaan mo na ako!” pagdadahilan nito kaya’t pinagbigyan niya na. 

Nang umuwi tuloy siya, ang dami-dami niyang bitbit. Malaki ang kaniyang ngisi na agad nabura nang salubungin siya ng umiiyak niyang anak at ang nakakawindang nitong balita.

“‘Ma, totoo ba? Mayroon kang ibang lalaki?” 

Nanlaki ang mata niya sa narinig at agad itong nilapitan.

“Anak, hindi totoo ‘yan! Saan mo narinig ‘yan?” natataranta niyang tanong. 

“Sa mga kapitbahay po. Usap-usapan nila maghapon na nakita ka nilang may kasamang ibang lalaki na mas bata sa’yo. Sa kaniya po ba galing ‘yang mga bitbit mo ngayon? Ipinagpalit mo na po ba si Papa sa iba?” sunod-sunod nitong tanong habang umiiyak. 

Para kay Susan, ang anak niya ang pinakamahalaga sa lahat kaya’t nasaktan siya nang umiyak ito. Hindi niya rin mapigilan ang maiyak kaya’t niyakap niya ito nang mahigpit para ipaliwanag ang tunay na nangyari. 

“Ano ka ba, kapatid ko ‘yun. Ang Tito MJ mo ang kasama ko kanina. Hindi kung sino-sino,” paliwanag niya. 

“Akala ko, Mama, iiwan mo na ako at sasama ka na sa iba… Sabi kasi ng mga kapitbahay…” wika ng kaniyang anak. 

Natigilan si Susan. Gusto man niyang magalit dahil sa nangyari, hindi niya masisisi ang iba dahil iyon ang madalas niyang gawin.

Hindi niya naiintindihan noon kung bakit mali ang kaniyang ginagawa. Kaya siguro ipinaranas ito sa kaniya para matuto siya at magbago.

Matalas ang salita, napagtanto ni Susan. Nakasusugat ito kapag ginamit sa nakasisirang paraan!

More Stories