Ninais ng Bagong Kasambahay na Patalsikin ang Matandang Mayordoma; Magtagumpay Naman Kaya Siya?

Napanganga si Brenda nang makababa siya ng traysikel at masilayan niyang mabuti ang bahay kung saan siya magtatrabaho simula bukas. 

“Grabe! Ang yaman-yaman pala talaga ng amo ko!” namamangha niyang bulong habang naglalakad papalapit sa magarang bahay.

Iyon ang unang beses niyang magtatrabaho sa Maynila. Wala na kasing nais tumanggap sa kaniya sa probinsya nila.

Marahil ay natakot ang mga ito sa tsismis na nilalandi niya ang padre de pamilya ng mga bahay kung saan siya naninilbihan.

“Hindi ko naman kasalanan ‘yun. Kasalanan ko ba kung losyang na sila at ayaw na sa kanila ng mga asawa nila?” Iyon ang madalas niyang katwiran sa mga tumutuligsa sa kaniya.

Isa pa, aayaw pa ba siya kung kayang ibigay ng mga ito ang mga bagay na gusto niya? Mga bagay na kahit magpakakuba siya sa pagtatrabaho ay hindi niya makuha-kuha?

Isang maliit na matandang babae ang ang sumalubong sa kaniya. May istriktang dating ito, dahil hindi ito nakangiti.

“Ikaw na ba si Brenda?” bungad nito.

Advertisement

Nang tumango siya at ipakita niya ang kaniyang ID na bigay ng pinanggalingan niyang ahensya ay saka lamang siya nito pinapasok. 

Nagpakilala ito bilang si Helen, ang mayordoma ng bahay na iyon.

Inihatid siya nito sa magiging silid niya bago nito iniabot ang dalawang pares ng itim na uniporme.

Agad siyang napangiwi. Ayaw na ayaw niya kasing nagsusuot ng uniporme.

“Pwede po bang hindi ko na suotin ‘yan? Hindi po kasi ako komportable…” alanganing wika niya sa matanda.

Tumaas ang kilay nito bago umiling.

“Hindi maaari. Kailangan mong suotin ito,” pagpupumilit ng matanda. Sa huli ay wala rin siyang nagawa kundi ang sumunod sa sinabi ng matanda.

Matapos siyang magbihis ay lumabas siya mula sa kaniyang silid. Naabutan niya sa labas ang mayordoma, tila hinihintay siya.

Advertisement

“Ipapakilala kita sa mga amo natin,” yaya nito.

Dahil sa laki ng bahay ay mahaba-haba rin ang nilakad nila. Dumating sila sa isang malaking kainan kung saan may dalawang pigurang nakaupo.

“Samuel, Irene, narito na ang bago nating kasambahay.”

Naunang lumingon ang babae. May matamis na ngiti sa maganda nitong mukha.

“Brenda ang pangalan mo?” tanong nito.

“O-opo,” sagot niya.

Mas lalong lumapad ang ngiti nito.

“Pagbutihan mo, ha,” anito bago muling ipinagpatuloy ang pagkain. Ang sumunod na lumingon ay ang tinawag ng matanda na “Samuel.”

Advertisement

Nang lumingon ang lalaki ay talaga namang napanganga si Brenda. Napakagwapo at napakatikas kasi nito. Ito ang tipo niyang lalaki.

Pinigil niya na mapangiti nang tumingin ang lalaki. Seryosong-seryoso kasi ang mukha nito. Wala itong sinabi at tumango lang, bago muling nakipagkwentuhan sa babaeng kaharap.

Nang pabalik na sila sa kabilang panig ng bahay ay hindi mapigilan ni Brenda na mag-usisa.

“Aling Helen… mag-asawa po ba sina Ma’am Irene at Sir Samuel?” tanong niya bago sinulyapan ang dalawa.

Pinukol siya nito ng nagtatakang tingin bago sumagot.

“Oo, mag-asawa sila. ‘Wag ka nang maraming tanong, dahil hindi naman ‘yan kasama sa trabaho mo,” tila sermon ng matanda.

Naiinis na tumahimik na lang siya. Nang lumayo ang tingin ng matanda ay pinukol niya ito ng isang matalim na irap, na hindi naman nito napansin.

Akala ni Brenda ay sa simula lang masungit ang matandang si Helen, ngunit nang mga sumunod na araw ay mas lalo lamang lumala ang inis niya para sa matanda.

Advertisement

Tila kasi siya na lang ang parati nitong nakikita. Madalas siya nitong pagalitan, dahil hindi raw siya nagtatrabaho nang maayos.

Mabuti na lamang at sa isang sulyap lang ni Samuel ay tila nawawala na ang lahat ng inis niya. Mataman niyang tinititigan si Samuel nang marinig niya na naman ang inis na tinig ng matanda. 

“Brenda, anong ginagawa mo? Bakit ganyan kung makatingin ka kay Samuel?” inis na sita nito.

Bago pa siya makasagot ay nagsalita na naman ito.

“‘Wag mo sanang kalimutan ang papel mo rito, hija. Kapag ganito ka nang ganito, mapipilitan ako na alisin ka at humanap ng ibang kasambahay para sa mag-asawa,” tila pananakot ng matanda.

Doon na tuluyang napatid ang pisi ni Brenda. Akala mo kung sino ito makaasta! Parang nalimot na nito na isa lang din itong mayordoma sa bahay!

Hindi na siya nagsalita pa ulit, ngunit mahigpit ang pagkakakuyom ng kamao niya. Ang isip niya ay gumagana na at iniisip kung paano niya mapapatalsik ang matanda.

Kapag kasi napatalsik niya na ito ay wala nang pupuna nang pupuna sa kaniya, at malaya na siyang makakalapit kay Samuel.

Advertisement

Kaya naman nang isang beses ay maatasan siya na maglinis ng kwarto ng mag-asawa ay hindi niya na pinalampas pa ang pagkakataon.

Nang nakita niya ang naggagandahang alahas doon ay walang takot niyang ibinulsa ang isang sa magandang kwintas. Pagkatapos ay pumuslit siya sa silid ni Aling Helen.

Kinabukasan din ay nagkaroon ng komosyon. Hinahanap na ni Irene ang kwintas.

Walang pinalampas na pagkakataon si Brenda.

“‘Yung kwintas po ba na may pulang bato? Nakita ko pong kinuha ni Aling Helen kahapon,” pagsisinungaling niya.

Napakunot-noo si Irene bago lumingon sa matanda.

“‘Nay, nasa’yo ba?” usisa nito sa matanda.

Sumagot ang matanda mula sa malayo.

Advertisement

“Wala, hija! Hindi ko nakita!” anang matanda.

Tumango ang amo bumaling sa kaniya.

“Wala raw kay Nanay Helen. Pakihanap na lang, ha,” anang babae.

“Pero, Ma’am Irene, nakita ko po si Aling Helen! Ninakaw niya ang kwintas!” pagpupumilit niya.

“Kahit pa tingnan niyo, baka nasa kwarto niya pa,” aniya.

Umiling si Irene.

“Hindi. Nagtitiwala ako na hindi ‘yun magagawa ni Nanay,” pinal na sabi ng babae.

Sa huli ay walang nagawa si Brenda. Ayaw niya rin na sumobra siya dahil baka siya naman ang mapaghinalaan.

Advertisement

Akala niya ay tapos na ang isyu, ngunit nang tatalikod na siya ay nagsalita si Merlie, isa sa mga kusinera. 

“Ma’am Irene, nakita ko po si Ate Brenda. Siya ang kumuha ng kwintas at inilagay niya sa kwarto ni Aling Helen,” sumbong nito.

Agad siyang umalma.

“Hindi totoo ‘yan!” mariing saway niya kay Merlie.

“Oo nga, Merlie. Mabigat na akusasyon ‘yan. May pruweba ka ba?” tanong ni Irene.

Inilabas ni Merlie ang cellphone mula sa bulsa, at doon ay kitang-kita ang kabulastugang ginawa niya.

Sa huli ay si Brenda ang napaalis sa bahay.

Habang naglalakad siya palayo ay hinayang na hinayang siya sa lahat. Naisip niya na karma niya iyon. Sinubukan niyang sirain ang magandang samahan sa pagitan ni Aling Helen at mag-asawa, ngunit hindi pala iyon basta-basta. Sa huli ay siya pa ang nawalan at umuwing luhaan.