Inday TrendingInday Trending
Kapag Nakakakita ng Magandang Babae ay Hindi na Mapakali ang Pamilyadong Lalaking Ito; Ikinasira Ito ng Buhay Niya

Kapag Nakakakita ng Magandang Babae ay Hindi na Mapakali ang Pamilyadong Lalaking Ito; Ikinasira Ito ng Buhay Niya

Kahit pa may asawa na sa loob ng halos dalawang dekada si Lonie, madali pa rin siyang madala ng tukso. Makakita lang siya ng isang dalagang hapit ang suot na damit, hindi na niya ito lulubayan ng tingin. Kapag naman may nakita siyang naghihintay ng sasakyan sa kalsada, kahit hindi niya kilala, basta maganda at sexy, kaniya itong isasakay sa kotse, ihahatid sa bahay, at doon niya hihilinging makaiskor dito.

Sa katunayan, hindi na mabilang ang dalagang kaniyang ikinama na hindi alam ng kaniyang legal na asawa. Sobra kasi itong abala sa pag-aasikaso ng negosyo.

Ito man ang bumubuhay sa kaniya, nagbibigay ng pera at mga luho, hindi niya pa rin maiwasang hindi tumingin sa iba lalo na’t patanda na nang patanda ang kaniyang asawa at kung minsan na lang ito humiling ng lambing sa kaniya.

Ganito man ang ginagawa niya na lingid sa kaalaman ng asawa, pinapakita niya pa rin dito na mahal na mahal niya ito.

Hinahatid niya ito sa kumpanyang pagmamay-ari nito tuwing umaga, pinagbubuksan ng pinto ng sasakyan, at marami pang maginoong aksyon dahilan para hindi ito maghinala sa kaniya.

Araw ng Miyerkules, katulad ng kaniyang nakasanayan, maaga siyang bumangon upang maghanda ng makakain ng kaniyang mag-iina. Pagkatapos noon, agad na niyang hinatid sa opisina ang asawa kasama ang kanilang mga anak. Kaya lang, habang sila’y nasa daan, bigla itong nagpabili ng kape sa isang sikat na kapehang kanilang nadaan.

“Iced coffee lang ako, mahal, tapos bili ka na rin ng gusto mong kape. Dalian mo lang, ha? Ihahatid mo pa ang mga bata sa eskwela,” bilin nito, agad niyang kinuha ang isang libong pisong inabot nito saka pumasok sa naturang kapehan.

Pagkapasok na pagkapasok niya sa kapehan, dali-dali na niyang sinabi sa baristang naroon ang kapeng gusto ng kaniyang asawa pati na rin ang kapeng nais niya.

Habang hinihintay niya na magawa ang kape, naramdaman niyang may isang dalagang pumila sa likuran niya kaya naman, kaniyang itong tiningnan.

Tila napako na ang tingin niya sa dalagang ito dahil sa sobrang ganda nito. Mala-anghel ang mukha nito at sobrang kinis ng mga braso. Idagdag pa ang itim nitong buhok na talagang nagpalitaw sa kabuuang ganda nito.

“Excuse me po, sir, ito na po ‘yong order niyo,” sabi ng naturang barista na ikinabalikwas niya.

“Ah, eh, salamat,” sabi niya saka iniabot dito ang bayad, “Ito na rin ang bayad para sa kapeng oorder-in ng dalagang nasa likod ko,” sabi niya pa sabay kindat sa dalagang nasa likuran niya.

“Ay, huwag niyo na akong ilibre, sir!” tanggi ng dalaga.

“Sinong nagsabing libre ‘yan? Babalikan kita rito para singilin,” tugon niya pa saka kinagat ang ilalim ng kaniyang labi habang tumitingin sa katawan ng dalaga.

“Daddy! Ang tagal mo naman daw sabi ni mommy!” tawag ng anak niya kaya siya’y nagdali-daling lumabas ng kapehan.

Pagbalik niya sa sasakyan, tila ba wala siyang kalokohang ginawa. Iniabot niya lang sa asawa ang pinabiling kape at agad nang pinagana ang makina ng sasakyan.

Pero bago pa man siya tuluyang makaalis sa parking lot ng naturang kapehan, halos humiwalay ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang katawan nang mapansing kumakatok sa bintanang nasa gilid ng kaniyang asawa ang dalagang nilibre niya ng kape.

Aawatin niya pa lang sana ang asawa na huwag buksan ang bintana, nagawa na ito ng kaniyang asawa.

“Anong maitutulong ko sa’yo, hija?” tanong ng kaniyang asawa.

“Magandang umaga po, ma’am, isa po akong divorce lawyer. Tingin ko, kailangan niyo po ako,” bungad nito na agad na ikinalaki ng kaniyang mga mata.

“Ay naku, wala akong balak na makipaghiwalay sa asawa ko,” nakangiting sabi ng kaniyang asawa dahilan para mapahawak siya sa kamay nito.

“Kahit nilibre niya po ako ng kape at sinabing babalikan niya ako sa kapehang ito para singilin? Alam niyo po ba, sikat na ang asawa niyo sa social media dahil sa dami ng mga dalagang ninakawan niya ng dangal?” sabi pa nito at nang mapansin niyang masama na ang tingin ng kaniyang mga anak sa kaniya, siya’y nakisabat na.

“Ano bang pinagsasasabi mo? Naririnig ka ng mga anak ko!” sigaw niya rito, tumingin lang ang kaniyang asawa sa kaniya saka ito bumaba ng sasakyan at kinausap ang naturang dalaga.

Sa pagkakataong iyon, tinawag na niya ang lahat ng santo upang siya’y tulungang makalusot sa gusot na iyon. Kaya lang, ni isa sa mga iyon, walang nakinig sa kaniya dahil pagkatapos na pagkatapos na makausap ng kaniyang asawa ang dalaga, siya’y agad nitong pinababa sa sasakyan at iniwan sa kapehang iyon kasama ang dalaga.

Katulad ng kinatatakutan niya, ito ay agad na nakipaghiwalay sa kaniya matapos nitong malaman ang lahat ng kalokohang ginagawa niya.

Subukan man niyang ayusin ang problemang ito, tila huli na ang lahat dahil pati mga anak niya, nandidiri na sa kaniya. Doon nagsimulang maghirap ang kaniyang buhay. Ni piso, walang tinira ang kaniyang asawa sa bank account na ginawa nito para sa kaniya na talaga nga namang kaniyang pinagsisihan.

“Bakit ba kasi hindi ako makuntento sa asawa ko?” iyak niya, isang araw nang tuluyan mapawalang bisa ang kanilang kasal.

Nawala na ang lahat sa kaniya nang dahil sa kalokohan niya.

Advertisement