Inday TrendingInday Trending
Hindi Naniniwala sa Pamahiin ang Babae; Paano Kaya Siya Mapapaniwala ng Kapalaran?

Hindi Naniniwala sa Pamahiin ang Babae; Paano Kaya Siya Mapapaniwala ng Kapalaran?

“Pia, maniwala ka naman sa akin anak… hindi puwedeng magpakasal muna dahil magiging sukob ang kasal ninyo. Nagpasakal ang Ate Pilar mo ngayong taon. Kung makakapaghintay ka lang sana,” nakikiusap si Aling Thelma sa kaniyang anak na si Pia na nagnanais na ring magpakasal sa kaniyang nobyong si Joseph.

“Inay, anong taon na ba ngayon? Hanggang ngayon ba ay naniniwala pa rin kayo sa sukob-sukob na iyan? Hindi po ako naniniwala riyan, maniwala po kayo sa akin,” sabi ni Pia sa kaniyang nanay na masyadong mapaniwalain sa mga pamahiin.

“Wala namang mawawala kung susundin o maniniwala tayo eh. Hindi magiging kabawasan sa iyo kung maniniwala ka. Mas mabuti na ang nag-iingat kaysa naman sa magsisi tayo sa bandang huli,” giit naman ni Aling Pilar.

Inakbayan ni Pia ang kaniyang ina.

“‘Nay… magtiwala po kayo sa akin. Hindi po ako gagawa ng mga bagay na makapagpapasira sa relasyon namin ni Joseph. Ang sa akin ho naman, sana po huwag na nating ipagpaliban ito. Buntis na po ako kay Joseph ‘Nay at ayoko na siyang pakawalan pa. Ayoko pong kung kailan malaki na ang tiyan ko, eh saka lang kami magpapakasal. Para po kasing lalabas na kaya lang ako pakakasalan ni Joseph ay dahil kailangan niya akong panagutan,” sabi na lamang ni Pia. Niyakap niya ang kaniyang inay.

Wala nang nagawa si Aling Pilar sa katigasan ng ulo ng anak. Noon pa man ay ganoon na nga si Pia. Wala itong pakialam sa sasabihin ng iba. Basta’t gagawin nito ang mga bagay na gusto niya. katwiran niya, walang pakialaman sa buhay.

Agad na itinuloy nina Pia at Joseph ang mga paghahanda para sa kanilang nalalapit na kasal. Masasabing handang-handa na ang lahat. Pinag-ipunan nila ito. Pitong taon na silang magkasintahan, at sa palagay nila ay sapat na panahon na iyon upang lumagay sila sa tahimik. Pareho silang may matatag na trabaho, at isa pa, pabor naman ang kani-kanilang mga magulang sa isa’t isa.

Isang araw, isinama ni Pia ang kaniyang Inay at ang mga kaanak sa isang shop na gagawa ng mga damit nilang lahat. Ganoon na lamang ang gulat ni Aling Pilar nang makita si Pia na suot-suot ang trahe de boda nito para sa kasal.

“A-anak, bakit mo sinukat ang trahe de boda mo?!” nag-aalalang tanong at bulalas ni Aling Pilar. Kinagalitan pa nito ang mananahi sa pagpayag nitong maisukat ni Pia ang kaniyang damit-pangkasal.

“Bakit ‘Nay? May problema po ba? Nandito po tayo para magsukat, hindi ba? May mali po ba? Hindi ba ninyo gusto ang tabas?” maang na tanong ni Pia.

“Anak, may pamahiin tayo na hindi dapat isinusukat ang damit pangkasal ng bride. Mamalasin, baka hindi matuloy ang kasalan,” badha sa mukha ni Aling Pilar ang takot. Nagkatitigan naman sina Pia at ang mananahi. Natawa naman si Pia.

“Pasensiya ka na sa Inay ko ah, old school kasi eh. ‘Nay naman. Paano malalaman kung bagay o fit sa akin ang wedding gown kung hindi ko isusukat? Ikaw naman ‘Nay. Noong una sabi mo sukob ang kasal ko, ngayon naman, pati ba naman sa wedding gown may masasabi ka pa rin? Huwag naman pong ganiyan ‘Nay!”

Hindi na lamang kumibo si Aling Pilar. Ayaw niyang sumama ang loob sa kaniya ng anak. Ayaw niyang maging kontrabida ang tingin nito sa kaniya.

At dumating ang araw ng kasal. Naging maluwalhati naman ito. Ipinagpasalamat sa Diyos ni Aling Pilar na walang anomang sigalot o gulong naganap. Sa reception, binulungan siya ni Pia.

“Oh sabi ko sa inyo ‘Nay eh, huwag kayong magpapaniwala sa mga pamahiin na iyan. Oh, hindi ba natuloy ang kasal kahit sinukat ko ang wedding gown? Natuloy naman, hindi ba?”

Hindi na lamang kumibo si Aling Pilar. Siguro nga ay masyado siyang makaluma. Panalangin niya na maging masaya ang kaniyang anak sa piling ni Joseph. Sana nga ay maging maayos ang lahat.

Makalipas ang tatlong araw simula nang kasal, isang malagim na balita ang natanggap ni Aling Pilar. Naaksidente raw sina Joseph at Pia habang nasa sasakyan. DOA raw si Joseph habang ang kaniyang anak naman ay nasa malubhang kalagayan. Agad na napasugod si Aling Pilar sa ospital.

“K-Kung nakinig lang po sana ako sa inyo, ‘Nay… kung nakinig lamang ako… wala na ang asawa ko! Wala na…” labis-labis ang panaghoy ni Pia dahil sa maagang pagkabiyuda. Kung nakinig lamang siya sa kaniyang Inay, hindi sana mangyayari ito. Sa puntong iyon, nagkabaligtad na sila ni Aling Pilar. Ito naman ang nagwaksi sa kaniyang mga iniisip.

“Huwag mong isiping dahil sa pamahiin. Tapos na iyon. baka hanggang dito na nga lang ang buhay ng asawa mo. Huwag kang mag-alala dahil buhay ang anak sa sinapupunan mo. Aalagaan natin at mamahalin siya,” pangako ni Aling Pilar sa kaniyang anak.

Napagtanto ni Pia na kailangan, pinakikinggan ang mga payo ng magulang. Kung sana, nakinig lamang siya sa kaniyang Inay…

Advertisement